ALS: Ang kwento ni Sheen, isang Automotive Technician

July 22, 2017

"Ang ALS ay isang stepping stone na nagbibigay ng pag-asa para maabot ang mataas na pangarap ng bawat isa." –Sheen Besira-Roxas
 
Sa hirap ng buhay, may mga pagkakataong hindi maiiwasang gumawa ng sakripisyo para sa kapakanan ng pamilya. Kaya sa kabila ng kagustuhang magpatuloy sa pag-aaral, napiling huminto ni Sheen Besira-Roxas upang makatulong sa pamilya. Tubong Tacloban at panganay sa tatlong magkakapatid, ang kanyang tatay ay namamasada ng pedicab samantalang ang kanyang nanay ay nasa bahay lamang.
 
Sa kanyang murang edad, lakas-loob na naghanap ng trabaho si Sheen at pinalad naman na makapasok sa isang pribadong kumpanya. Subalit wala siyang kasiguraduhan na magtatagal siya rito dahil hindi siya nakatapos. Tulad ng maraming nakatatandang kapatid, ipinaubaya na lamang muna niya sa mga nakababatang kapatid ang magpatuloy ng pag-aaral habang siya ay namamasukan.
 
Dumating ang panahon na hinikayat siya ng isang opisyal sa kanilang barangay na magtungo sa barangay hall upang makapag-aral sa ilalim ng programang Alternative Learning System (ALS). Ganoon na lamang ang kanyang kasiyahan nang malaman niyang may pagkakataon pa pala siyang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, at wala itong bayad. Dahil nais ni Sheen na makapag-aral habang patuloy na naghahanap-buhay, kinausap niya ang kanilang Mobile Teacher upang mailatag nang maayos ang kanyang schedule. Dalawang beses sa isang linggo siyang lumiliban sa trabaho upang dumalo sa klase.
 
Nagbunga ang kanyang sakripisyo dahil nakapasa siya sa Accreditation and Equivalency (A&E) Test na kinukuha sa dulo ng programa. Hawak ang diploma mula sa ALS, sinubukang maghanap ni Sheen ng mas mainam na trabaho upang makapag-ipon at makapagpatuloy pa sa kolehiyo. Kumuha siya ng kursong may dalawang taong programa, ngunit sa hindi inaasahang pagtama at paghagupit ng bagyong Yolanda sa kanilang lugar ay napilitan muling itigil ni Sheen ang kanyang pag-aaral.
 
Hindi naman natigil ang pagbuhos ng biyaya matapos ang pagbuhos ng bagyo. Bitbit ang isang magandang balita ay pinuntahan si Sheen ng kanyang Mobile Teacher. Makatatanggap raw ng scholarship sa kolehiyo ang mga ALS passer katulad niya. Para kay Sheen, ito na ang pagkakataon upang maipagpatuloy niya ang pangarap na ilang beses ring naunsyami. Bumalik siya sa pag-aaral dala ang bagong pag-asa hanggang sa makapagtapos siya bilang isang Automotive Technician. Sa ipinamalas na galing at determinasyon ni Sheen ay kaagad rin siyang inalok na magtrabaho sa kumpanya kung saan siya nag-on the job training (OJT).
 
Patuloy na ipinakita ni Sheen ang kanyang galing sa trabaho kaya naman binigyan siya ng alok na lumipat sa opisina ng kanilang kumpanya sa Omar, Jordan. Nakatakda siyang magsimula roon sa susunod na taon at kasalukuyang ipinuproseso na ang kanyang mga papeles.
 
Sa kabila ng lahat ng kanyang pinagdaanan, ito ang natamong aral ni Sheen: “Maging matatag at huwag kalilimutang manalangin upang tayo ay gabayan. Higit sa lahat, huwag mawalan nang pag-asa sa bawat pagsubok na kahaharapin, dahil pagkatapos nito ay may magandang bukas na masisilayan.”

END