ALS: Ang kwento ni Sherly, isang Tourism student

August 16, 2017

“Ang tunay na sikreto sa tagumpay ay patuloy na pagbangon sa bawat pagkakamali.”
-Sherly Jandonero
 
Si Sherly S. Jandonero, 19 taong gulang, ay tubong Miag-ao, Iloilo. Nasa ikalawang taon na siya ng high school noong 2010 nang lumipat siya kasama ng kanyang pamilya sa Mindanao dahil dito nakapag-asawa ang kanyang nakatatandang kapatid.
 
Nang lumipat sila ng Mindanao ay tila naiwan din sa Iloilo ang kanyang pag-aaral. Umalis sila tangan ang katiyakan na ipadadala ng kanyang dating paaralan sa Iloilo ang kanyang mga papeles sa lilipatang paaralan sa Mindanao, subalit sumapit ang ikatlo at ikaapat na grading period ay hindi pa rin naisumite ang kanyang school records. Dahil dito ay hindi na siya pinahintulutan na pumasok pa sa paaralan.
 
Makalipas ang limang buwan, nag-enroll si Sherly sa Banayal High School (BHS) sa Cotabato bilang 3rd year high school student. Tinanggap naman siya ng BHS, sa kondisyong maibibigay ang kanyang mga papeles pagdating ng ikalawang grading period. Lumipas ang ilang buwan ng paghihintay ngunit hindi pa rin dumating ang mga papeles. Ipinatawag na ng BHS ang kanyang ina para kausapin tungkol sa mga kinakailangang papeles ng paaralan at ang posibilidad na mahintong muli siya sa kanyang pag-aaral.
 
Hindi natuloy ang pagpapaalis kay Sherly sa kanyang paaralan matapos ang pag-uusap ng kanyang ina at ng punong-guro ng BHS. Subalit, nang dumating ang pinakahihintay nilang papeles galing Iloilo, pinanghinaan ng loob si Sherly dahil hindi ayon sa napagkasunduan nila ang ipinadala – ang record niya para sa ikalawa, ikatlo, at ikaapat na grading period ay lahat “Dropped”.
 
Nag-enroll siya sa Tulunan National High School (TNHS) sa Brgy. Poblacion, Tulunan, Cotabato. Buong akala niya ay magiging 4th year high school siya, ngunit ibinalik siya ng paaralan sa 2nd year level. Simula noon, hindi na niya ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa TNHS. Nawalan na rin siya ng ganang mag-aral dahil sa mga pangyayaring ito. Ngunit gumawa ang ina ni Sherly ng paraan at iyon ay ang Alternative Learning Sytem o ALS.
 
Kinausap nila si Teacher Arnold Flores at napagtanto nito na maaaring ALS ang solusyon upang makatapos siya sa kanyang pag-aaral. Noong una ay ayaw pa ni Sherly na pumasok sa ALS. Ngunit kinalaunan, naisip niya na wala namang mawawala sa kanya kung subukan niya ito at hindi niya ito pinagsisihan.
 
Ngayon ay nasa kolehiyo na siya. Malaki ang pasasalamat niya sa kanyang ina at kay Mr. Flores. Bagamat may katigasan ang kanyang ulo noong una, hindi siya sinukuan ng mga ito. Siya ngayon ay isang graduating student sa University of Southern Mindanao (USM), Kabacan, Cotabato at kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Travel Management (BSTRM).

“Kahit kailan, hindi ko ikakahiya na naging ALS product ako,” wika ni Sherly.

END