Ang kwento ni Jamine B. Jaictin, isang SPED student

November 16, 2016

Si Jamine B. Jaictin ay isa sa mga batang may espesyal na pangangailangan na nag-aaral ng Special Education (SPED) sa Mababang Paaralang Sentral ng Lazi . Siya ay nakatira sa Gabayan, Lazi, Siquijor.

Noong 2013, nagbukas ng klase para sa mga batang may espesyal na pangangailangan ang Mababang Elementarya ng Gabayan. Dahil ito sa nakitang pangangailangan ng punong-guro na si Gng. Edith J. Malicay at ng guro na si Gng. Maria Jeda Lynn C. Padayhag. Dahil dito, maraming mga batang may espesyal na pangangailangan ang nag-enrol sa paaralan.

Naglibot ang mga guro sa kanilang lugar dahil batid nitong marami pang mga bata sa barangay na may ganitong kalagayan. Umabot sila sa karatig barangay upang ipagbigay-alam ang pagbukas ng klase sa SPED.

Ito ay nabalitaan ng ina ni Jamine at hindi siya nag-atubiling ipasok ang anak. Ibig ng ina na matuto ang anak sa paaralan at maibigay ang isa sa mga pribelihiyo bilang isang mamamayan.

Si Jamine ay nagpapakita ng mga katangian ng isang batang may "autism". Kadalasan ay nasa loob lamang siya ng bahay habang ang kanyang ina ay naghahanapbuhay at ang kanyang mga kapatid ay nasa paaralan. Hindi siya nag-aaral dahil sa kanyang kapansanan.

Malaki ang ipinagbago ni Jamine dulot ng kanyang pag-aaral. Siya ay dating palaaway, mapanira ng mga gamit, nginangatngat ang lapis hanggang sa ito ay maputol at iningudngud ang lapis sa papel nang mariin hanggang sa ito ay mabutas na parang bang may galit siyang ipinalabas. Habang nagklase palaging siyang sumigaw o kaya'y tumawa nang malakas, tumatakbo habang nakatangay ng silya, umakyat sa mesa, mga silya o bintana. Hindi rin niya alam ang mga simpleng bagay na pag-aayos o pag-aaruga sa sarili.

Lahat ng ito ay nagbago. Ngayon, marunong na syang magpakita ng respeto sa iba; hindi na rin siya naninira ng mga gamit; marunong na siyang tumigil sa isang tabi, makinig sa guro habang ito ay may diskusyon, pagdating nya sa silid-aralan ay maupo na sya sa kanyang silya; hindi na niya kinakagat ang lapis, kapag sumulat ay mahinahon na ito; hindi na siya sumigaw o tumawa nang malakas, tumakbo sa klase; at hindi na rin sya umakyat sa silya, mesa at dingding. Marunong na sya sa ilang pag-ayos at pag-aruga sa sarili.

Malaki ang tuwa at pagpapasalamat ng pamilya ni Jamine sa mga pagbabagong ito. Ang pagbabagong ito ay nakakatulong sa pamilya sa kanilang pangaraw-araw na gawain. Hindi na sila gaanong nangangamba at nag-aalala sa ikinilos ni Jamine.

"Mama, sa paaralan na tayo. Tingnan mo ang orasan alas dose na." Ito ang mga katagang palaging sinasabi ni Jamine tuwing kumakain sila ng tanghalian ayon ng kanyang inang si Luciana B. Jaictin.

Patuloy pa si Jamine sa kanyang pag-aaral sa SPED. Ang binuong "SPED class" ng Mababang Paaralan ng Gabayan ay inilipat sa Mababang Paaralang Sentral ng Lazi kasama ng mga batang nakaenrol at ang gurong nagtuturo dito.

"Nais ni Jamine na palaging pumapasok sa paaralan ngunit kinakailangan talagang lumiban paminsan-minsan para makapagtrabaho ako. Naninilbihan ako sa mga kabahayan para may panustos sa aming pangangailangan araw-araw,” ani ng ina ni Jamine.

Ang SPED class ng Mababang Paaralang Sentral ng Lazi ay tinutulungan ng isang foundation sa mga seminar ng mga guro, traveling expenses ng mga bata at ibang kagamitan ng mga bata sa eskwelahan. Mayroon din silang tulong na natatanggap galing sa "Special Education Funds" ng Lokal ng Pamahalaan at Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (DSWD) ng Lazi.

Bawat taon, nadagdagan ang mga batang nagpapaenrol sa SPED dahil sa mga magandang katugunan na kanilang nakita at narinig sa mga magulang ng mga batang nakapag-aral dito. Nais din nilang maranasan ng kanilang mga anak ang makapag-aral. Dahil ito ay isa sa kanilang mga pangarap na minimithi at inaasam-asam na ngayon ay kaya na nilang abutin.

END