Ang kwento ni Rosie Mae, isang tindera sa palengke

February 24, 2017

 
“Ang ALS ay parang isang ginto na siyang nagpapakinang sa mga kabataang napag-iwanan ng edukasyon.” – Rosie Mae Estanda
 
Maagang namulat si Rosie Mae sa mga hamon sa buhay. Nagsimula ito ng sumakabilang-buhay ang kanyang ama. Dahil dito, tuluyan na silang napabayaan ng kanilang ina dahil ito’y nag-asawang muli at nagkaroon ng bagong pamilya. Naiwan sila sa pangangalaga ng kanilang lola at lolo.  Minsan naman ay nakikitira silang magkakapatid sa kanilang mga tito at tita.
 
Kahit sinu-sino na lamang ang kanilang kinikilalang bilang magulang na siyang nagpapaaral sa kanila. Hanggang dumating sa punto na kailangan nila magkahiwa-hiwalay para lang makapagpatuloy sila ng pag-aaral.
 
Dahil hindi na matiis ni Rosie Mae ang pagmamalupit ng mga taong kanyang tinitirhan, siya ay napilitang umuwi sa kanila at tumira sa kanyang lola at lolo nang sa gayon ito ay kanyang maalagaan. Naiisip ni Rosie Mae na hindi niya maibigay ang mga pang araw- araw na pangangailangan ng kanyang lolo at lola, kaya siya ay namasukan bilang tindera sa palengke.
 
Isang araw nakilala niya ang mga Alternative Learning System (ALS) implementers na siyang nag-udyok sa kanya upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Pinagsabay ni Rosie Mae ang pagtatrabaho sa palengke at ang kanyang pag-aaral sa ALS. Regular na pinupuntahan si Rosie Mae ng kanyang guro sa ALS para maturuan ng mga leksyon. Lalong siyang nagpursige sa pagsagot sa mga modyul para madagdagan ang kanyang kaalaman upang maipasa niya ang Accreditation and Equivalency (A&E) Test.
 
Habang hinihintay ni Rosie Mae ang resulta ng A&E Test, may bumukas na bagong oportunidad sa kanyang buhay. Hinikayat siya ng kanyang tita (kapatid ng kanyang ama) na siya ay pagpapaaralin sa Senior High School. Laking tuwa niya ng nabalitaan ito, kaya hindi siya nag-atubili at nagpatala agad sa Central Mindanao Colleges, Senior High School Department kahit hindi pa lumabas ang resulta ng A&E Test.
 
Isang araw tinawagan siya ng kanyang guro na isa siya na nakapasa sa A&E test. Siya ay labis na natuwa dahil wala ng hadlang para maipapatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Senior High School. Ang mas lalong nakapagpaligaya sa kanya ay maaari na siyang makapag aral sa kolehiyo nang hindi kailangang mag-aral sa Senior High School.
 
“Dito ko napatunayan na ang edukasyon ay hindi lamang makakamtan sa loob ng paaralan, kundi ito ay ating makamtan kung handa lang tayong tumanggap ng mga oportunidad na darating sa ating buhay. Tulad ko na nagtatrabaho bilang isang tindera sa palingke at doon ko natagpuan ang edukasyon na maaring makapagpapabago sa aking buhay,” wika ni Rosie Mae.
 
Sa ngayon si Rosie Mae ay nag-aaral sa Central Mindanao Colleges at kumuha ng kursong Bachelor of Science in Secondary Education, Major in English. Siya ay umaasa na pagdating ng araw siya’y maging isang ganap na guro.
 
“Sa katulad kong isang kabataan na nawalan ng pag-asa na matupad ang mga pangarap sa buhay sa kadahilanang napag-iwanan na ng edukasyon, tanging ALS ang siyang sumagip sa akin upang ipagpatuloy muli ang mga pangarap na nailibing na sana sa limot,” masayang sabi ni Rosie Mae.
 
The Alternative Learning System Accreditation and Equivalency (ALS A&E) Test, formerly known as the Non-formal Education A&E Test, is a paper and pencil test designed to measure the competencies of those who have neither attended nor finished elementary or secondary education in the formal school system.

Passers of the A&E Test are given a certificate/diploma, bearing the Department of Education (DepEd) seal and the signature of the Secretary, certifying their competencies as comparable graduates of the formal school system. Passers are qualified to enroll in secondary and post-secondary schools.

END