CVIRAA Fighters sinipa pauwi ang Mighty ARMM

April 27, 2018

John Reil Candar, Region VII student journalist
 
VIGAN CITY, Philippines – Baguhan ngunit walang inuurungan. Nagkulang sa kagamitan ngunit pagdating sa loob ng korte, buo ang determinasyong abutin ang sukdulan ng inaasam na tagumpay.

Ito ang naging puhunan ng Central Visayas Fighters upang pasukuin ang mga manlalaro ng Mighty ARMM, 2-1, sa elimination round ng Sepak Takraw-Secondary Boys ng Palarong Pambansa 2018 na ginanap sa Immaculate Conception School of Theology ng naturang siyudad, ika- 15 ng Abril ng umaga.

Taglay ang mala-tipaklong na lundag at mala-sipa-kabayong lakas, buong pwersang sinipa ng Gitnang Visayas pauwi ang malalakas na katunggali sa pamamagitan ng isang solidong bicycle kick ni Joseph Neil Dabalos Jr. na tumapos sa mainit na labanan ng ikatlong regu at mapasakamay ang huling dalawang set ng laro.

"Gusto naming patutunayan sa Pilipinas na malakas ang rehiyon namin sa Sepak Takraw," ani Dabalos, ang 17-anyos na striker ng huling regu. Tampok sa ipinamalas ng koponan ang pagpapaulan ng kanilang mga ispayk bilang hudyat ng kanilang pagbangon sa masamang pagkalugmok sa pinakaunang regu.

Hindi umubra ang matulis na sunback spike ni Louiegy Dumasig, ang 5-foot-10 na striker ng unang regu sa mga ipinosteng blocks ng ARMM sa pangunguna ni Singgon Ayruden, striker. Kinandado ng mga Tausug ang unang regu sa 2-1 (19-21, 21-8, 17-21).     

"Kailangan lang talaga ang target at eksaktong timing. Mayroon sa kanila ang opensa ngunit medyo nagkulang sila ng depensa kaya iyon naging target namin," sabi ni Alvin Adjarae, tekong ng ARMM. Sa pagsisimula ng pangalawang regu, agad na plumastada si Josue Casabuena III, striker ng Gitnang Visayas para iwagayway ang bandila ng rehiyon.

Palitan ng pagsipa ang naging eksena ng dalawang koponan ngunit nanaig ang mga paa ng mga Boholano kaya baon sa malalim na hukay ang mga Tausug, 2-0 (21-15, 21-19).

Bago pumasok ang huling regu sa kwadradong korte, sinamantala ni coach Luciano Bargaso, ng San Roque National High School, ang pagkakataong patibayin pa nang lalo ang koponan.

Nang lumarga na ang pinakahuling labanan, mahigpit ang pagkapit ng bawat isa kaya nagresulta ang matinding sagupaan ng anim na deadlock sa unang set ng huling round, mula dalawa hanggang pito. Gustong patunayan ng Central Visayas Regional Athletic Association (CVIRAA) na hindi naging sagabal para sa kanila ang kakulangan sa gamit sa paaralan upang makarating dito sa Palaro. Kaya walang sinasayang na pagkakataon si Dabalos gamit ang kayod-kalabaw niyang pagsipa sa bawat bolang nasa eksakto't naka-anggulong pag-toss ni Felipe Lagare Jr., tekong ng koponan.

"Doon lang kami nagsasanay sa mainit na palaruan ng paaralan. At saka, hindi rin gaanong patag ang pinag-eensayuhan namin. Hindi katulad dito, medyo malubak ang sa amin," sambit ni Bargaso ng Mabini, Bohol.

Samantala, sinikap naman nina Madif Sibba, striker, Adzrimar Isul, tekong, at ni Jhajis Estino, feeder, na makabawi sa malalim na hukay sa unang set, 21-12, pabor sa CVIRAA.

Ngunit, walang pagbabago ang ipinakita ng CVIRAA at lalo pang pinalakasan ang puwersa ng koponan. Nanatiling mataas pa rin ang pagitan ng dalawa.

"Kulang kami sa depensa," ani Sibba na may paghihikahos sabay punas sa pawis ng mukha.

Aminado naman si coach Al-Ganhar Hayudini na nagkulang sila sa panahon ng paghahanda para sa Palaro.

Gayunpaman, buo pa rin ang loob ng lahat na gagalingan pa ang susunod na laro.

"Well, hindi natin hawak ang tadhana. Basta sa mga susunod naming laro, patutunayan namin ang aming kakayahan," dagdag ni Hayudini.

Sa huling set ng pangatlong regu, hindi na nakaahon pa ang Mighty ARMM sa mga tadyak ng mga Boholano. Dito ibinuhos ni Dabalos ang lahat ng sakripisyo at hinugot ang natitirang lakas upang tuldukan ang pagtutuos, 2-0 (21-12, 21-13).

Dahil dito, umakyat ang CVIRAA sa 1-0 samantalang bagsak naman ang ARMM sa isang madungis na 0-1.

WAKAS