Gurong Maranaw: Edukasyon ang aming prioridad

August 11, 2017

Matinding pagmamahal para sa edukasyon.
 
Ito ang mababatid ng sinumang makakausap ng isang lumikas mula sa Marawi. Ito rin ang ipinagmamalaki ng isang guro na pagpapahalaga ng kanyang kapwa Maranaw kung kaya’t sa kabila ng patuloy na pagkawasak ng kanilang siyudad ay patuloy naman ang pagbuo nila ng pag-asa at pangarap sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa pag-aaral.
 
Ayon kay Noraya Alug, isang guro mula sa Marawi at tumatayong prinsipal sa Tampakan National High School (NHS), base sa kanyang obserbasyon ay unti-unti nang umuusad ang buhay ng mga mag-aaral na apektado ng giyera.
 
“Na-observe ko sa mga bata so far ok naman sila, although minsan parang hindi sila ma-approach pero ngayon lumalapit na sila kung may kailangan sila, pag may sasabihin sila. Nakaka-move on na sila,” pagbabahagi ng guro.
 
Hindi naging madali na iwan nila ang kanilang buhay para maging dayo sa mga karatig-bayan. “Kung tutuusin pare-pareho kami ng experience, nung pumutok yung sa Marawi that was May 23, around 2 o’ clock. Nagkabarilan sila, bigla na lang walang madaanan. Kararating ko lang galing school, pagdating ko sa bahay, yun hindi na madaanan yung mga main street kasi may mga Maute, yung mga nasa MSU [Mindanao State University] hindi sila makauwi  sa bahay nila sa downtown, hindi makagalaw. Bigla na lang wala kang magawa. Tiniis na namin kasi akala namin sandali lang ito,” kwento ni Noraya.
 
Dagdag niya, minsan ay malaking hamon ang pagkakaiba ng salita ng mga bata sa kanilang mga kaklase at guro. Kwento raw ng isang magulang, kapag nakakarinig ng eroplano o helicopter ang kanyang anak na nasa Grade 2 habang nagka-klase sa Iligan, bigla na lang daw itong nagtatago at sumisigaw sa salitang Maranaw ng “Andyan na naman sila pati dito sinusundan tayo.” Sinubukan kalmahin ng kanyang guro ang bata at sinabihan ng “luya ka.” Subalit sa halip na humupa ang takot ay napalitan ito ng pagkalito sa bata.
 
“Pero ibig sabihin nun kawawa yung bata kasi na-drain na yung energy niya, ‘luya’ ibig sabihin pagod na pagod na siya. Kasi sa amin sa Maranaw, yung ‘luya’ ay sili, yung maanghang. Hindi nagkaintindihan yung teacher at estudyante.”
 
Sa kabila nito, nakumbinse pa rin ng magulang na magpatuloy sa pag-aaral ang anak. Sa katanuyan, marami raw sa mga nakakasalamuha niyang magulang ang pursigidong mai-enrol agad ang kanilang mga anak upang hindi maputol ang edukasyon ng mga ito. “Kasi sa aming mga Maranaw, ang pinaka-priority namin is education.”
 
Bagama’t hindi pa tiyak kung kailan sila tuluyang makababalik sa kanilang mga tahanan at paaralan, sigurado ang gurong si Noraya na gusto nilang masilayang muli ang Marawi, “Uuwi kami, there’s no place like home. Lahat kami gustong bumalik.”