Hindi magpapahuli – tatak MIMAROPAns

April 23, 2018

Josell Gerone A. Nazareno, MIMAROPA student journalist
 
“In the race to excellence, MIMAROPA knows no finish line”
Hindi magpapahuli.

Ito ang nais na patunayan ng Rehiyon ng MIMAROPA sa pagsali nito sa Palarong Pambansa 2018, hindi lamang sa larangan ng iba’t ibang isports, kundi maging sa iba pang ispesyal na gawain katulad ng pangangalaga sa kapaligiran na bahagi rin ng paligsahan
 

BOTE NGA
Upang mapanatili ang kalinisan at maituro sa mga manlalaro ang tamang paghihiwalay ng basura at pagririseklo, ginamit ang mga boteng plastik bilang dekorasyon sa Mataas na Paaralan ng Santa Maria sa Ilocos Sur. Pagpasok pa lamang sa paaralan, bubulaga na agad sa sinuman ang pangalang MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) na binuo gamit ang mga niriseklong berdeng boteng plastik.

Ang mga lumang flower boxes ng paaralan ay pinalitan na rin ng mga ito at tinaniman pa ng mga halamang may makukulay na mga bulaklak.

Kaaya-aya ng tingnan, nakakatulong pa sa kapaligiran. Ayon sa mga tagapagsanay, karaniwan nang lumilikha ng napakaraming bolyum ng plastik ang bawat Palarong Pambansa. Ito ang naisip na solusyon ng rehiyon na ginagawa rin sa Mataas na Paaralan ng Ipilan sa Brooke’s Point, Palawan na nanalo bilang Best Implementer noong Brigada Eskwela 2017 sa pamumuno ni G. Edgardo C. Mutia, Pununguro III.

“Ang iba pang uri ng plastik ay ginugupit at inilalagay sa loob ng malalaking bote at nagsisilbi ring dekorasyon. Iiwanan na namin ang mga ito sa paaralan upang magsilbing modelo sa kanilang mag-aaral kung kanilang nanaisin,” pahayag ni Mutia.
 
KULTURANG IPINAGMAMALAKI
Ang kultura ang kaluluwa ng isang lugar. Kaya naman upang maunawaan ng mga Ilokano ang kultura ng MIMAROPA, dagdag atraksyon ngayon sa Santa Maria NHS ang iba’t ibang mga bagay na nagpapakilala sa kultura ng mga lalawigan at dibisyong bumubuo sa rehiyon.

Tila nagkaroon ng bagong tarangkahan ang paaralan sapagkat may sumibol na bagong istruktura na may ulo ng Tamaraw. Ang kakaibang hayop na ito ay sa lalawigan lamang ng Mindoro matatagpuan at sumisimbolo sa katatagan ng MIMAROPAns sa lahat ng hamon ng buhay at pagkakaisa bagama’t pinaghihiwalay ng malalawak na karagatan.

Sa gilid naman ng palaruan itinayo ang mga istruktura na pagkakakilanlan ng pitong dibisyon. Ang agila ng Lungsod ng Calapan, Mangyan ng Silangang Mindoro, peacock ng Lungsod ng Puerto Prinsesa, marmol ng Romblon, morion ng Marinduque, Tamaraw ng Kanlurang Mindoro at Manunggul ng Palawan.

Pagkatapos ng paglibot, higit na maiintindihan at pahahalagan ang makasaysayan at mayamang kultura ng MIMAROPA. Nagpapakita ito na hindi hadlang ang mga dagat at lupang naghihiwalay sa mga lalawigan upang magkaisa lalo na sa ganitong mga patimpalak.
 
BRIGADA PARA KAY SANTA MARIA
Limang araw bago pormal na magbukas ang Palaro, nagsagawa ang delegasyon ng MIMAROPA ng Brigada Eskwela para sa Mataas na Paaralan ng Santa Maria. Armas ng mga walis, ginalugad at nilinis ng delegasyon kasama ng mga guro ng paaralan, opisyales ng Parent-Teacher Association, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police at stakeholders ang buong paaralan.

Ang Brigada Eskwela ay isang matagumpay na programa ng Kagawaran ng Edukasyon na naglalayong ihanda ang mga paaralan sa nalalapit na pasukan mula sa boluntaryong tulong ng lahat ng kinauukulan. “Isa itong paraan upang pasalamatan ang Santa Maria NHS sa kanilang magiliw na pagtanggap at pagpapatuloy sa atin,” sabi ni G. Esmeraldo G. Lalo, pinuno ng delegasyon.   
 Sinabayan pa ito ng pagtatanim ng mga puno sa gilid ng paaralan sa pangunguna ng Direktor Gilbert T. Sadsad, Assistant Regional Director Danila E. Despi at mga tagapagsanay ng rehiyon.
 
ALAY LAKAD, ALAY LINIS
Binisita rin ng delegasyon ang Barangay Bia-o, Santa Maria matapos ang isang Alay Lakad hindi upang magliwaliw at maligo kundi linisan ang tabing dagat nito. Pinulot ang lahat ng kalat upang mapanatili ang natural na ganda ng karagatan.

Kasama ng delgasyon ang Philippine National Police, mga lokal na opisyal, Bureau of Fire Protection, miyembro ng 4Ps, patrol ng barangay, mga mangingisda, Rural Health Unit at Rural Improvement Club. “Nakapag-ehersisyo na, nakatulong pa,” sabi ni Katrina Sandra-Magcamit, chairman ng Special Events.
 
NAGBAGONG PALIGID
Tiyak na magugulat at mamangha ang mga bisita, mag-aaral, guro at mga magulang ng paaralan sa kanilang pagbabalik. Tila nagparetoke at nagbagong bihis ang kanilang paaralan. Mula sa maliit na lagoon sa bukana ng tarangkahan, sa naggagandahang landscape, kaaya-ayang entablado hanggang sa kapaligirang binakuran ng boteng plastik at tinamnan ng mga puno.

Malinis at organisado rin ang loob ng mga silid-aralan na tinutulugan ng mga atleta kasama na ang mga palikuran. Tumutugon ito sa pananaw ng rehiyon na ang billeting quarter ng delegasyon ng MIMAROPARAA ay malinis, berde, nagpapahalaga sa kapaligiran at mga atleta at gender-sensitive.

Lahat ng gawaing ito ay bahagi ng Programang Clean ang Green ayon sa direktiba ng Direktor ng Rehiyon, Gilbert T. Sadsad kay Wendell I. Formalejo, over-all chairman ng Task Force Clean and Green at opisyal na ipanlalaban ng MIMAROPA sa Clean and Green Competition, isa sa espeyal na patimpalak sa palaro. Nais niyang maging ligtas, mapayapa, malinis at komportable ang lahat ng atleta sa kanilang pangalawang tahanan.

Kaugnay nito, hangad din ng rehiyon na mapanatili ang magandang imahe sa tamang pamamahala sa pagtatapon ng basura at maayos na rekord nito sa nasabing patimpalak. Matatandaang nanalo na ang rehiyon sa nasabing patimpalak ilang taon na ang nakalilipas.

Tunay na ang Palarong Pambansa ay hindi lamang tungkol sa kumpetisyon sa isports  kundi sa iba pang mga espesyal na gawain katulad ng pangangalaga sa kapaligiran. Bilang susunod na tagapagtayo at pinuno ng bayan, nararapat na maitanim din sa isipan ng bawat batang manlalaro ang pagpapahalaga sa kanilang kapaligiran wala man sila sa sarili nilang tahanan.

Sa isports man at sa iba pang mga bagay, ipapakita ng MIMAROPAns ang galing, disiplina, pagsisikap at abilidad. Ito ang dahilan kung bakit ang MIMAROPA ang isa sa mga natatanging rehiyon sa Pilipinas. Ito ang dahilan kung bakit dapat manalo ang rehiyon. Ito ang kanilang tatak. Ito ang kanilang pagkakakilanlan.
 
WAKAS