KutsHERO

April 30, 2018

Facel Kate R. Mercadom, Region II student journalist
 
Uminom ako sa munting lagayan ng tubig na hinahawakan niya sa harapan ko. Pakiramdam ko kasi ay mas tuyo pa sa disyerto ang lalamunan ko ngayon. Iginalaw-galaw ko rin ang aking mga paa. Pakiramdan ko rin kasi ay ginigisa ang mga ito gamit ang sikat ng araw. Hay! Napakainit talaga rito sa Ilocos!

“Tara, Wendy! Mukhang maraming pasahero roon!” utos niya at hinawakan ang taling nakakabit sa aking katawan. Tinatamad pa ako dahil sa kasagsagan ng init ng araw hanggang sa makaramdam ako ng mahapding pagpalo. Hinila rin ang aking tali. “Tsk tsk tsk tsk! Hiyaaaa!” sigaw niya. Senyales na kailangan ko nang tumakbo at hilain ang kalesa. Wala pang limang minuto’y naramdaman kong sumampa ang dalawang babae sa kalesang hinihila ko. Napakabigat naman ng mga ito! Nakita ko ang nakalagay sa kani-kanilang mga leeg. Kakaiba naman ang kwintas ng mga ito! At may nakasabit pang pangalan! Hindi ko na mabasa ang kanilang mga pangalan at tanging ang mga letra lamang sa telang nagkakabit sa nga ito ang aking nabasa – Palarong Pambansa 2018.

Nagsimula akong manduhan ng lalake sa likod ko. Siya si Melvin Mendrano, isang kutsero. Iniabot sa kanya ang dalawang papel na pera. Isang isandaan at isang limampu. Iyon ang bayad namin sa isang oras naming pag-iikot dito sa Vigan. Kinuha niya iyon at binuksan ang maliit na bag na nakasukbit sa kanyang baywang. Binilang niya muna ang pera roon bago idagdag ang kabibigay pa lamang na bayad. Tingin ko'y nasa tatlong daang piso iyon. Dalawang beses pa lamang kasi kaming bumabyahe ngayong araw. Kung hindi ako nagkakamali, sanlibong piso ang pinakamalaki niyang kita sa isang araw ngayong linggo. Malaki na ito para sa isang katulad niyang kutsero. Paano ba nama'y magsisimula kaming bumiyahe mula Nagsangalan, Vigan nang alas sais ng umaga at mamamasada hanggang alas dose ng madaling araw. Kaya naman halos gumapang na ako sa huling byahe namin. Nakapapagod kaya!

Simula na kasi ng summer kaya naman dagsaan na ulit ang mga turistang dumadayo rito. Gayundin ang nangyayari tuwing Disyembre ng taon. Kabaliktaran naman ito ng Setyembre kung saan halos wala kaming maisakay sa isang araw. Swertehan na lamang kung maka-limandaang piso kami sa isang araw. Nakatigil kami ngayon sa tapat ng Museo ni Padre Burgos. Pumasok muna ang nga sakay namin at nag-selfie sa loob. Alam kong ang selfie dahil makailang beses nang may nagtapat sa akin ng cellphone kung tawagin, sabay sigaw ng “Selfie!” at sa isang pindutan, magkakaroon na kami ng litrato.

“Hoy! Tignan mo ang amo mo! Naghihilik na at pawis na pawis!" nagulat ako nang biglang isigaw sa akin ni Shasha, isa ring kabayong nirentahan at nakatigil roon, gamit ang lenggwahe namin. Kung naririnig at naiintindihan lamang kami ng mga tao ay malamang, kumaripas na sila ng takbo. Saan ka ba naman kasi nakakita ng nagsasalitang kabayo? Tiningnan ko ang aking amo at tama nga siya. Napakalaki ng mga butil ng pawis na namumuo sa nangungulubot na niyang mukha.

Ang lalaking ito. Napakaswerte ko sa kanya. Siya lamang ang nakatiis sa akin ng walong taon matapos niya akong bilhin sa dati kong malupit na amo sa halagang dalawampu’t limang libong piso. Bagama’t ako ang kanyang pangalawang kabayo dahil ibinenta niya ang kanyang una na pinangalanan niya umanong Palyaw, na tumagal ng labing walong taon, maswerte pa rin ako dahil mabait siya at marunong mag-alaga. Apatnapu't anim na taong gulang na ang amo kong ito at dalawampu't limang taon na siyang nagkakalesa. Nagsimula siya nang labinwalong taong gulang pagkatapos mag-aral ng kolehiyo. Paano niya kaya napagtitiisan ang hindi naman kalakihang kita?

Nakamamangha rin dahil sa pamamagitan ng pamamasada ng kalesa, naitatawid niya sa pang-araw-araw si Nanay Perla, ang kanyang asawang walang trabaho at dalawa nilang anak.. Napakabait na tao. Nakalingon ako sa kanya at batid kong medyo nakanganga pa siya sa pagtulog. Halatang pagod. Naalala ko tuloy ang pinakanakatatakot naming karanasang magkasama.

Alas siyete na noon ng gabi. Naghihintay kami ng pasahero at makalaan ang ilang minuto ng paghihintay, dalawang gegewang-gewang na lalaki ang sumampa sa aming kalesa. Inikot namin sila sa aming rota. Lumipas ang isang oras at nakabalik na kami sa aming paradahan sa Cathedral ng Vigan ngunit wala pa rin silang binibigay na bayad. Tinanong iyon ng aking amo ngunit isang nakababasag tengang bulyaw lamang ang narinig namin.

“Tapos na?! Sige pa! Ayaw naming bumaba rito!” pagmamatigas ng lalakeng may bigote. Nagpumilit ang aking amo na pababain sila kahit wala nang bayad ngunit muntikan lamang siyang pagbuhatan ng kamay. Sa kagustuhang lumayo sa gulo, lumayo siya nang bahagya at iniwan ako sa mga lalaking iyon. Pakiramdam ko noon ay binabangungot ako nang gising! Gusto ko sanang umiyak nang umiyak ngunit baka mapagkamalan akong engkanto at lalong maging komplikado. Akala ko nga’y katapusan ko na at tatangayin na ako ng mga lalaking iyon! Ngunit nagkamali ako. Nakatulog ang mga walang kontrol sa sariling mga lalaki at pagsapit ng umaga, binalikan ako ng aking amo.

Nagising siya nang dumating na ang mga sakay namin. Halatang antok na antok pa ang mga mata niya. Dahil na siguro iyon sa pagod at puyat. Sana naman ay makadami kami ngayon para naman malaki ang nauwi namin para sa kanyang pamilya. Ang sandaan kasi sa kita niya ang matatanggal para sa pagkain ko at tubig. Lagi niya kasi akong binibilhan ng paborito kong feeds at nangunguha ng dahon ng mais.

Mababawasan rin ito ng ilang piso dahil nag-iipon siya para sa pagpapabago ng lisensya tuwing Enero ng taon na nagkakahalaga ng sanlibong piso. Wala pa roon ang pagpapaayos sa aming kalesa kung may masira man nang hindi inaasahan. Sa panahon pa namang ito, wala nang mabibiling murang kalesa. Mababa na nga raw kung tutuusin ang P70,000 ayon sa aking amo.

Hindi ko namalayang narito na kami sa pinaka-binibisitang kalye sa Pilipinas – ang Calle Crisologo. Tuwing narito kami, nabubuhayan ang pagiging kabayo ko. Ang mga ninuno ko kasing mga kabayo ang pangunahing sasakyan ng mga Kastila noong kapanahunan ng mga mayayamang Espanyol sa mismong lugar na ito. Parang gusto kong tubuan ng pakpak at sungay at magpaka-unicorn na lamang upang mapagmasdan ang ganda nito mula sa itaas! Tuwing narito talaga kami, mukhang mas natutuwa pa ako kaysa sa mga bisita kahit na araw-araw akong dumadaan rito. Kayang-kaya nitong tapatan ang Intramuros pagdating sa pagkaantigo at pagkapreserba.

Isang beses kong narinig mula sa aking amo nang minsang magtanong ang ilang turista sa kanya na ang kalyeng ito ay ipinangalan kay Don Mena Crisologo I  na naging unang gobernador ng lalawigan noong 1901 at kay Floro Crisologo, isang pulitiko, na pinatay habang nasa Vigan Cathedral na gumimbal sa lahat ng mamamayan dito.

Wala ring makikitang kahit anong uri ng sasakyan sa kalyeng ito maliban sa aming mga kalesa. Pinakanamamangha ako sa mga estrakturang prineserba at mga produktong noong panahong iyon lamang nakikita. Tila ibinabalik ako ng panahon sa tuwing dumadaan ako rito. Ang mga naglalakihang kahoy na mga pintuan na tila nag-aaya sa aking pumasok sa nakaraan; ang mga lumang bintana na tila nakadungaw ang isang babaeng nakasuot ng pang-Maria Clara at naghihintay na batiin ako kapag tumingala ako rito. Lalong gumaganda ang lugar na ito dahil sa mga lumang streetlamps na nagsisilbing liwanag sa gabi gaya ng mga sinaunang ilaw. Napakakalma ng pakiramdam ko tuwing narito ako! Kahit na pagod ako lagi, nawawala ito kapag dumaan na kami sa paborito kong lugar.

Awtomatikong napatigil ang apat kong mga paa nang hilain ng aking amo ang tali. Sumunod kong naramdaman ang paggaan ng kalesang aking hinihila. Sa tinagal-tagal ng pagsasama namin, kabisado ko na ang bawat hampas ng pamalo at ang pagpitik ng lubid na nakakabit sa akin. Dalawang taon pa lamang kasi ako nang bilhin niya at turuang mamasada.

Siguro’y bumaba na ang kustomer. Nakita ko ang amo kong medyo nag-inat at tila ginagalaw-galaw ang kanyang katawan. Nangawit siguro siya sa isang oras naming pag-iikot. Pagkatapos ay lumipat siya sa likurang bahagi ng kalesa. Doon, sumandal siya; umupo; ipinikit ang mga mata.

Hindi ko maiwasang lingunin siya. Siguro’y inaakala niyang isa lamang akong hamak na kabayo at hindi ko siya naiintindihan. Matagal na ring kaming magkasama kaya naman natutunan kong intindihin ang kanyang nga kilos. Saksi ako sa kanyang pagpupursigi upang mabigyan ng masararap na pagkain at baon sa eskwela ang kanyang pamilya. Kahit pa abutin kami ng hatinggabi ay ginagawa niya para lamang may mauwing malaki-laking kita.

Ibinalik ko ang tingin ko sa harap at narinig ko ang pagsisimula nyang paghilik. Hindi na ako muling lumingon at pinilit na hindi kumibo upang di sya maistorbo. Sa pagkakataong iyon, may isang bagay akong nalaman. Ang taong nakasakay sa kalesang buhat ko ay hindi lamang isang simpleng kutsero. Buhat-buhat ko sa pagkakataong ito, ang taong kahit kailan para sa akin ay wala nang makapapantay na tao. Siya ang aking kutsHERO.

WAKAS