L-Jay Gonzales: Nag-CaVRAA. Nag-UAAP. Nag-MVP

March 22, 2017

Ayon kay Coach Ricardo Balinuyus (Teacher 1, dating coach ng basketball team ng Cabatuan National High School at coach ni L-Jay Gonzales sa CaVRAA at Palarong Pambansa 2015) “Kinakitaan ko na siya noon pa ng malaking potensyal. Hindi na katakataka na sa kanyang sipag at pagiging masunurin ay itinanghal siyang MVP sa nakaraang UAAP. Malayo pa ang mararating ni L-Jay at natutuwa ako na minsan naging bahagi ako sa pagtulay nito sa kanyang pangarap.”
 
Si L-Jay ay may tangkad na 5’6” at kasalukuyang Grade 11 student ng FEU Senior High School na kumukuha ng specialization sa Sports Track. Bahagi siya ng FEU Baby Tamaraws. Si L-Jay ay tubong Bella Luz, San Mateo, Isabela. Kilala ang kanilang bayan bilang Mongo (Balatong) Capital ng Cagayan Valley. Sa kasalukuyan ay naninirahan siya sa Maynila habang nag-aaral sa Far Eastern University Senior High School.
 
Umuulan ng posts sa Facebook tuwing panahon ng sagupaan ng koponan ng Ginebra at Talk ‘N Text, o kung sino pa mang kalaban nito. Kung tatanungin kung bakit, may sagot si sir Tim Bahiwal ng Isabela Chronicle.
 
May kakaibang drama daw kasi na dala ang bawat laban ng Ginebra. Yung tipong dadalhin ka sa dulo ng silya at pagkatapos mong pigilan ang iyong sarili na huminga ay mapahihiyaw ka na lang bigla sa dramang dala nang bilis ng mga pangyayari.
 
Kakaibang aksyon ang maaari namang asahan sa umaatikabong bakbakan ng FEU Baby Tamaraws laban sa mga animo’y di pahuhuli nang buhay na NU Bullpups.
 
Natapos na naman ang ika-79 season ng Juniors Basketball ng UAAP.
 
Heto na at itinanghal na Most Valuable Player ng UAAP finals si Louelle Jay Corpuz Gonzales, labing-walong taong gulang na mas kilala sa tawag na “L-Jay Gonzales,” na nagtala ng 12 puntos, 3 rebounds at 6 na assists.
 
Si L-Jay ay isa sa mga maipagmamalaking bunga ng CaVRAA na namamayagpag sa kasalukuyang karera at sa pangarap na mapabilang sa mga manlalaro ng PBA. Itinuturing siyang susunod sa mga yapak nina Johnny Abarrientos, Terrence Romeo, at Mike Tolomia na dating mga FEU Tamaraws.
 
Lingid sa kaalaman ng ilan, si L-Jay Gonzales ay nagsimula bilang mananakbo o kung hindi naman ay sa long jump sa larangan ng athletics. Ang kanyang naging coach noong siya ay nakiki-Area Meet pa lamang ay sina Julius Rabago at Ferdinand Visitacion.
 
Bigla siyang nagkainteres sa basketball dahil na rin sa kanyang tiyuhin na humasa sa kanya. Noong siya ay nasa sekundarya na, sumailalim siya kay Coach Ricardo Balinuyus na nagdala sa kanya at sa kanilang team sa CaVRAA. Mapalad
 
silang napasama sa mga itinaguyod ni Mayor Charlton L. Uy ng Cabatuan na hanggang ngayon ay kinikilala niyang sir Tonton na lubos niyang pinagpapasalamatan sa walang pagod na pagsuporta.
 
Bagama’t di tunay na taga-Cabatuan si L-Jay, hindi ipinagdamot ni Mayor Tonton Uy ang kanyang tulong sa buong team ng Isabela na kinabibilangan ng batang manlalaro. Nang sila ay ideklarang kampeon sa CaVRAA 2015 ay nakasilip si L-Jay ng pagkakataong matupad ang kanyang pangarap na makapasok sa PBA upang, ayon sa kanya, ay makatulong sa kanyang pamilya at sa mga mahihirap. Tinulungan sila ni Mayor Tonton na makaluwas sa Maynila at maki-tune-up sa UE at FEU. Dito siya hinangaan ni FEU Coach Allan Albano na sinadya pang panoorin ang kanyang laban sa Palarong Pambansa 2015 sa Tagum City.
 
Ang mga sumunod na kabanata sa buhay niya ay higit na nakakapagbigay ng inspirasyon sa mga baguhang manlalaro. Siya ay inalok na maging iskolar ng FEU upang mapabilang sa Baby Tamaraws. Ilan sa kanyang tinatamasa ay libreng matrikula, tirahan, pagkain, at may allowance pa na P5,000 kada buwan, na ayon sa kanya ay naipadadala niya sa kanyang magulang na simpleng mag-asawang mangingisda.
 
Sa ngayon, siya ay naka-enrol bilang Grade 11 sa Senior High School ng FEU na may specialization sa Sports Track.
 
“Masayang masaya ako at nagpapasalamat na kung di dahil sa pagpili sa akin ng koponan ng Isabela bilang manlalaro ay hindi ko maaabot kung anuman ang narating ko ngayon. Magsisikap akong mabuti upang matupad ko ang aking pangarap na makapasok sa PBA,” wika nya.
 
END