Sa Puso ng mga Bigueño

April 30, 2018

Mechaella Euneece C. Debuton, Region VIII student journalist
 
Iba ang kuha ng kamera sa nakikita ng mga mata.

Tanging maleta, lakas ng loob, at kagustuhang pagtupad sa pangarap lang ang baon ko sa pagpunta sa probinsiya ng Ilocos Sur. Kasama ang kaba at pagdududa kung tutuloy ba o hindi, ay ang pagnanais na makapunta sa siyudad ng Vigan na tanyag sa taglay na itsura ng nakaraan.

Mahigit labing isang oras ang aking nilakbay mula sa aming probinsiya, ang Samar, bago makarating sa pagdarausan ng 2018 Palarong Pambansa, ang Ilocos Region. Nang makarating na ay may halong pagdududa kung totoo nga ba ang lahat ng mga nakita ko sa litrato sa kung ano ang tunay na wangis ng lugar.

Madaling araw nang makarating kami sa mismong lugar, kung kaya’t hindi pa naging malinaw ang bawat detalye ng kalsada, institusyon, mga bahay, paaralan at mga imprastraktura. “Common,” ‘yan ang naging unang tingin ko sa lugar. Nagmuni-muni at hinintay kong mag-umaga, para tunay na masilayan ang tunay nitong ganda.

Nang marinig ko na ang ingay sa labas ng silid na aking tinutuluyan, ito ang naging implikasyon na maliwanag na ang kalangitan. Hindi na matatanaw ang mga tala, at nagsisimula nang magsitilaukan ang mga manok.

Umaga na pala.Tila kay dali ng oras. Marahil ay naninibago lang ako dahil sa tagal ng biyahe. Nagsimula akong tumayo at naglakad patungong bintana at hawiin ang kurtina na nagsisibing tabing na kumukubli sa likuran nito. Bumungad sa akin ang nagsisiglahang mga tao ng siyudad. Hindi ko napansing nakangiti na pala ako habang sila’y pinagmamasdan. Unang araw ko dito’y hindi ko napansin na nasa ibang lugar na pala ako. Napanatag ang loob ko pagkakita ko sa mga simpleng naninirahan sa komunidad ng Vigan. Unang sakay sa traysikel, sinulit ko lahat nang makita kong tanawin, gusali, mga tao, at siyempre si kuyang drayber.

“Saan po kayo, ma’am? Athlete po ka’yo? Mamamasyal po ba ka’yo? Pwede ko po kayong i-tour,” Ilan ‘yan sa nagiging usapan naming ng mga drayber sa unang araw ko. 
Sa mga pakikitungo nila ay makikita kong mabubuti silang tao, hindi dapat katakutan at layuan.

Sa iksi ng  paninirahan ko sa lugar na ito ay nabusog na ang mga mata ko sa mga tanawin, nagkakalyo na ang mga paa ko sa kalalakad dahil hindi sapat ang isang araw para malibot lahat ng ipinagmamalaki nito.

Una kong napuntahan ay ang unang destinasyong unang pumasok sa aking isipan kapag naririnig ko ang salitang Ilocos Sur at Vigan, ang Calle Crisologo. Tunay ngang kamangha-mangha, kakaiba ang kagandahang mayroon ito. Masasalamin ang mga nagdaang siglo dahil sa mga materyales na ginamit sa paggawa  ng mga bahay, tindahan, kainan, at souvenir shop. May bakas man ng makabagong disenyo sa mga gusali, ay namumukod-tangi pa rin ang tema nito.

Habang naglalakad ay may mga turistang nakasakay sa kalesa, kaya’t sinubukan ko rin ito. Habang naglalakad na ang kabayong humihila sa kalesang aking sinasakyan ay napapatigil ako sa bawat sandali dahil kakaiba  ang pakiramdam ng nakikita lang sa litrato sa ikaw mismo ang gumagawa. Basta, ang alam ko, masaya ako.

Sunod kong pinuntahan ay ang dancing fountain. Kaswal na fountain pero nagiging iba kapag sinasabayan ng musika, ilaw, at galaw ng tubig. Nagiging espesyal at mas mapang-akit. Ika nga nila, world class ang kamanghaang hatid ng dancing fountain nila.

Hindi ako turista. Isa akong mamamahayag na naatasang magsulat ng mga artikulo patungkol sa Palarong Pambansa sa taong kasalukuyan. Pero noong makita ko ang tunay na depinisyon ng lugar, wari ko ako’y isa na’ring turista na ang nais ay matuklasan ang lahat ng mala-paraisong tanawin ng Ilocos Sur.

Sa limang araw na nakakasalamuha ko ang mga tao sa probinsyang ito, mapagtatanto ko na hindi lang ang lugar ang maganda na dapat hangaan sa probinsya, kung hindi pati rin ang bumubuo rito, ang mga tao, ang lipunan ng Vigan City, Ilocos Sur.

Batid ko, mabuting pamumuno  ng lokal na pamahalaan at tiwala mula sa mga mamamayan ang buod ng pag-asenso ng probinsya.

Napakaiba ng Vigan City kumpara sa litrato at sa nakikita ng mga mata. Dahil ang litrato, kinukuha ang kagandahan ng lugar, samantalang sa mata makikita ang lohika ng pagiging isa nitong tanyag na destinasyon, hindi lamang sa bansa kun’di sa buong mundo. Mararamdaman mo ang rason kung bakit isa na ito sa 7 Wonders Cities of the World at tinagurian ding UNESCO World Heritage Site.

Ang mga tao dito’y naglilingkod ng naka-ngiti. Nagmamalasakit nang walang kapalit. At umaambag sa turismo ng lugar sa pamamagitan ng pakikisama, at mabuting pakikipagkapwa. Ugaling Pilipino na nakalimutan na ng iba.

Ngayon pa lang, alam ko nang babalik ako sa Samar nang nakangiti at may bagong karanasang iuuwi. Hindi lang patungkol sa Palaro kung hindi pati rin sa mahikang nakahahalina ng Vigan City, Ilocos Sur.
Totoo nga, ang  kagandahan ng lugar ay hindi lang makikita sa mga tanawin nito kundi sa mga tao nitong may magagandang puso.

WAKAS