SAKLAY-ALALAY

April 23, 2018

Facel Kate Mercado, Region II student journalist
 
Hinawakan niya ako sa gitna. Mahigpit; ngunit tila sanay na ako sa pakiramdam na ito. Paano ba nama’y labing-isang taon pa lamang siya nang una kaming magkakilala. Itinuring niya akong parte ng kanyang buhay. At sa aming pitong taong pagsasama, sinong mag-aakala na ang isang pilay ay magkakaroong muli ng pag-asang masilayan ang ganda ng buhay sa pamamagitan ng katulad kong saklay? Siya si Samuel Tugawin – ang PWD swimmer ng Ikalawang Rehiyon; ang aking amo.
 
“Pukol! Pukol! Pukol!” naalala kong sabi ng mga bata nang siya’y una nilang makitang dala-dala ako upang magsilbing kanyang kanang paa. Sa pagkakaalam ko’y ‘pilay’ ang ibig sabihin ng salitang ibinubulyaw sa kanya nang paulit-ulit. Kasalukuyan siya noong pumapasok sa klasrum ng ika-apat na baitang sa elementarya ng Quezon sa Nueva Vizcaya. Iyon ang una kong pagpasyal kasama siya. Napakaganda pala talaga ng mundo! Kung may kakayahan lamang akong tumalon ay inilundag-lundag ko na ang katawan kong gawa sa matibay na klase ng kahoy.
 
Sa paglipas ng panahong ako na ang lagi niyang kasama, nalaman kong kumpleto pala ang parte ng kanyang katawan nang siya’y isilang ng kanyang Nanay Concepcion noong ika-23 ng Oktubre taong 1999. Maliban na lamang sa hindi kumpletong mga daliri sa kamay dahil ipinaglihi diumano siya sa luya nang ipinagbubuntis pa lamang. Nalaman ko ito nang makita ko ang kanyang kamay nang una niya akong hawakan. Kumpleto ang bandang kaliwa ngunit hinlalaki at hinliliit lamang ang mayroon sa kanyang kanan.
 
Lumaki siya at nagsimulang lumangoy sa edad na pito. Malamang ay natuto siya dahil sa baba lamang ng bahay nila ay isang ilog. Sa kasamaang palad, hindi sumabay sa kanyang paglaki ang kanyang kanang paa. Nang minsang nagkwentuhan ang kanyang nanay at isang kapitbahay, narinig kong mayroong ugat na pumipigil sa paglaki ng kanyang kanang paa. Kaya masakit man, ipinaputol nila ito at kinailangan kong sumingit upang mas maging madali ang buhay para sa kanya.
 
Ngunit lubos akong namangha nang minsa’y namalayan kong nasa isang lugar kami. Doon ko unang nakita ang tila asukal niyang mga ngiti habang isinasabit ang tila isang kwintas na may ginto sa gitna sa kanyang leeg. Iyon ba ang tinatawag nilang medalya? Sa tingin ko’y tinatawag nila iyong CaVRAA Meet. Kung hindi ako nagkakamali, taong 2015 iyon. Ang ika-apat na taon naming magkasama.
 
Teka, ang huli kong natatandaan, pumunta muli kami sa ibang lugar ilang buwan matapos ang CaVRAA. Sa puntong iyon, magkasama ulit kaming umakyat sa entablado upang sabitan ng medalyang pilak. Nasa itaas siya noon ng entablado kaya naman nabasa ko ang malalaking letrang nakadisenyo roon – Palarong Pambansa 2015, Davao City. Maya-maya pa’y isa na namang pilak na medalya ang isinabit sa kanya. Ang dami naman yata?
 
Aha! Naaalala ko na! Napanood ko nga pala ang kompetisyon niya. Itinabi niya kasi ako noon sa isang gilid nang simula na ng bakbakan nila sa paglangoy. Nakita ko kung paano niya ipinanalo ang kanyang backstroke at freestyle na may record na 37 segundo sa distansyang 50 metro. Napakahalimaw naman talaga ng amo ko! Kung may bunganga lamang ako ay napanganga na ako nang pagkakataong iyon! Napakaswerte ko nga yatang saklay at nakaabot ako roon!
 
Naging masaya siya at ako rin ngunit naputol ito nang tumigil siya sa pag-aaral noong 2016. Nakita ko kung gaano naghirap ang kanyang inang walang trabaho at ang kanyang amang sinasalo ang bawat sikat ng araw sa kanilang taniman ng saging upang masustentuhan silang anim na magkakapatid. Tanging ako ang naging sandalan niya nang pagkakataong iyon. Akala niya siguro’y hindi ko siya naririnig at nararamdaman.
 
Natigil ako sa pag-alala nang muli niya akong hawakan. Nasa realidad na akong muli. Hindi ko namalayan ang mga tao sa harapan namin ngayon. Madilim na kaya hindi ko maintindihan kung bakit sila narito. Ang alam ko lamang ay lima silang nasa harap namin – apat na estudyante at isang tingin ko’y guro. Tanaw ko rin ang ‘PRESS’ na nasa kani-kanilang identifiation card. Mukhang marami na rin silang natanong sa aking amo.
 
Ito na siguro ang tinatawag nilang ‘interview’. Siguro’y sila rin ang ipinadala ng rehiyon upang gumawa ng mga artikulo tungkol sa Palarong Pambansa 2018. Teka, 2018 na?  Napakabilis naman ng panahon! Pangalawang punta na pala namin sa palarong ito? Kaya pala nang papunta kami’y walang ideya akong namamangha sa mga nadadaanan naming lumang mga bahay at estraktura na halatang prineserba upang maging atraksyon. Ito ba ang tinatawag nilang Ilocos Sur? Ang heritage province ng Pilipinas? Kung ito nga, malamang ay nasa Vigan kami ngayon! Narinig ko na ito ilang araw ang nakalipas at kung hindi ako nagkakamali, magsisimula ito sa ika-15 at matatapos sa ika-21 ng Abril.
 
“Sino ang idolo mo sa paglangoy?” tanong ng kasama nilang guro. Tulad ng inaasahan ko, si Michael Phelps ang kanyang binanggit. Kabisado ko na iyon dahil siya ang lagi niyang pinanonood sa telebisyon. Paano ba naman kasi’y siya lang naman ang may pinakamaraming gintong medalya sa Olympics. Nasasabik na tuloy akong masilayan rin ang karera sa buhay ng aking amo!
 
Ilang tanong pa ang ibinato sa kanya. Kahit pala matagal na kaming magkasama ay may mga hindi pa rin ako alam. Ngayon ko lamang nalaman na gusto niyang maging Mechanical Engineer. Kaya pala ganoon na lamang ang tuwa niya sa matematika, lalo na’t nasa ika-10 baitang na siya ngayon sa Quezon National High School sa kanilang probinsya.
 
Dinig ko ring sa pamamagitan ng pitong oras sa isang araw at anim na araw sa isang linggong pag-eensayo, umaasa siya na sa pagkakataong ito, hindi na lamang pilak kundi ginto ang maiuuwi niya para sa Rehiyong Dalawa.
 
Sana’y may mga pares ako ng mga braso upang kahit sa unang pagkakataon man lamang ay mayakap ko siya nang pagkahigpit-higpit bago ang kanyang laro. Hanggang ngayon kasi’y hindi pa rin ako makapaniwala sa narating ng taong binibigyan ko ng kanang paa. At sinong mag-aakala na ang isang pilay ay magkakaroong muli ng pag-asang masilayan ang ganda ng buhay sa pamamagitan ng katulad kong  saklay? Siya si Samuel Tugawin – ang PWD swimmer ng Ikalawang Rehiyon; ang aking amo.
 
At ako bilang kanyang kanang paa ay sinisiguradong sa lahat ng hamon ng kanyang buhay, mananatili ako bilang kanyang saklay alalay.
 
END