Solaiman Abdulkadil: Sa ALS ko nakamit ang katuparan ng aking pangarap

January 4, 2017

“Sa isang batang katulad ko na nagmula sa isang hindi buo ang pamilya at self-supporting sa pag-aaral, ang ALS ang naging kaagapay ko sa unti-unting pag-abot ko sa aking mga pangarap- ang makatuntong sa kolehiyo at makapag-aral bilang isang iskolar ng lokal na pamahalaan.”-Solaiman A. Abdulkadil

Si Solaiman Aquial Abdulkadil ay isang over-aged na mag-aaral sa sekondarya at isang self-supporting student. Noong napag-alaman niyang sa ALS ay may mga oportunidad na binibigay sa mga katulad nya, hindi nya ito pinalampas. Pinalad siyang makapasa sa pagsusulit sa A&E, at ngayon ay kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo sa CFCST bilang iskolar ng lokal na pamahalaan.
 
Si Solaiman A. Abdulkadil ay nagmula sa isang broken family. Simula ng maghiwalay ang kanyang mga magulang, ang kanyang lola ang nag-alaga sa kanya; ito na rin ang nagsilbing gabay nya sa kanyang pag-aaral.
Hindi naging madali ang buhay ni Solaiman. Bagama’t nag-aaral sa elementarya, namasukan siya bilang katulong para lamang matustusan ang kanyang pangangailangan nang sa gayon ay hindi siya huminto sa pag-aaral. Ilang mga guro nya na rin ang nakapagpatunay kung gaano kasipag si Solaiman. Hindi kailanman niya naisip huminto sa pag-aaral upang makamtan niya ang kanyang mga pangarap kahit mahirap. Bagkus, ito ang pinaghugutan niya ng lakas ng loob at inspirasyon upang mas galingan niya  ang pag-aaral.

Noong nasa unang taon ng sekondarya si Solaiman, mayroon siyang naging kaibigan na isang working student sa isang catering service. Inalok nito si Solaiman na subukan ito upang magkaroon siya ng mapagkukunan ng pang araw-araw na gastusin sa paaralan. Naisip ni Solaiman na malaking oportunidad ang inaalok ng kanyang kaibigan at malaking tulong na rin ito sa kanyang pag-aaral kaya hindi siya nagdalawang isip na subukan ito at kalaunan ay naging trabaho na rin nya.

Pinagsabay niya ang kanyang pag-aaral at pagiging isang working student. Hindi ito naging madali para sa kanya ngunit hindi rin ito naging sagabal sa kanyang pag-aaral. Sa katunayan, isa siya sa mga performing students sa kanilang klase.

Dahil sa pagpapatupad ng K to 12 curriculum, lubhang naapektuhan ang pag-aaral ni Solaiman. Iniisip kasi nya kung papano pa kaya sya makakapag-aral kung madaragdagan pa ng dalawang taon ang kanyang pag-aaral. Noon niya napag-alaman mula sa mga Alternative Learning System (ALS) implementers ng kanilang distrito ang mga pribilihiyong maari niyang matamo bilang isang in-school over-aged student. Kinausap nya ang mga implementers ng programang ito at inilahad ang kanyang kagustuhang makilahok sa mga learning sessions na ginagawa nila. Binigyan siya ng mga modules upang kanyang mabasa at mapag-aralan sa kanilang bahay.

Ika-24 ng Abril ng taong kasalukuyan, ginanap ang pagsusulit sa ALS sa Midsayap. Ito ang araw na pinakahihintay ni Solaiman. Baon ang dasal at pananalig kay Allah, ito ang naging sandata niya. Lumipas ang mahigit dalawang buwan, lumabas na ang resulta ng pagsusulit. Labis ang tuwa niya ng malaman niya na isa siya sa mga pumasa sa pagsusulit at binigyan ng pribilehiyong makapagpatuloy sa kolehiyo.

Sa ngayon, siya ay kasalukuyang nag-aaral sa Cotabato Foundation College of Science and Technology (CFCST), Pikit Extension Campus, bilang isang iskolar ng local na pamahalaan. Lubos ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga naging gabay sa pag-aaral lalong lalo na sa ALS na naging daan niya tungo sa katuparan ng kanyang mga minimithing pangarap.

Patuloy pa rin siya sa pagiging isang working student. Isa rin siya sa mga nangunguna sa kanilang klase.

“Inaasam-asam ko na sana ay mas madami pa ang matulungan ng ALS na kagaya ko na hirap sa buhay at may matinding adhikaing makatapos sa pag-aaral,” wika ni Solaiman.

The Alternative Learning System Accreditation and Equivalency (ALS A&E) Test, formerly known as the Non-formal Education A&E Test, is a paper and pencil test designed to measure the competencies of those who have neither attended nor finished elementary or secondary education in the formal school system.

Passers of the A&E Test are given a certificate/diploma, bearing the Department of Education (DepEd) seal and the signature of the Secretary, certifying their competencies as comparable graduates of the formal school system. Passers are qualified to enroll in secondary and post-secondary schools.