Talentong Appariano sumungkit ng dalawang ginto sa 2018 Palarong Pambansa

April 27, 2018

Brix Gerico Dela Cruz, Region II student journalist
 
 
VIGAN CITY, Ilocos Sur - Pinatunayan ni Algin Gomez, 17, na hindi hadlang ang kahirapan upang ang panagarap ay makamtan matapos niyang sungkitin ang dalawang ginto para sa Rehiyon II sa 2018 Palarong Pambansa, sa Vigan City, Ilocos Sur kahapon.
 
“Inspirasyon ko ang aking mga magulang na sobra ang suporta sa akin at sa aking mga kapatid,” paliwanag ng panganay sa apat na lalakeng anak nina Alger, isang traysikel drayber, at Alma Gomez, isang housewife, na pawang mula sa Aparri, Cagayan .
 
 Unang nakuha ni Gomez ang ginto sa long jump matapos magtala ng 6.97 m at daigin ang mga pambato ng iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.
 
Bagama’t tansong medalya ang nakuha sa nasabing laro noong nakaraang Palarong Pambansa, hindi ito naging sagabal upang abutin ang panalo ngayong taon.
 
“Medyo na-conscious po ako sa take-off line kaya kinapos sa target ko,” sagot ni Gomez nang tanungin kung bakit di niya naabot ang personal best niyang 7.03 m na naitala nya sa kanyang pag-eensayo.
 
Nakuha naman ng Cagayano ang ikalawang ginto matapos niyang magtala ng 14.55 m sa kanyang paboritong triple long jump.
 
Dahil sa panalong ito, nagawa niyang depensahan ang korona sa triple long jump kung saan siya rin ang nag-uwi ng gintong medalya noong 2017 Palarong Pambansa sa Antique.
 
“Pinilit kong abutin ang markang iyon na katulad ng ginagawa ko sa tabing dagat tuwing nag-eensayo akong mag-isa,” ani Aparrianong si Gomez.
 
Nilapitan na rin ng mga talent scouts mula sa mga malalaking unibersidad sa Maynila si Gomez at isa-isang nag-alok ng scholarship kapalit ng kanyang paglalaro para sa mga nasabing paaralan. 
 
“Lumapit na sa akin ang UST, UP, Letran at pati na rin ang PATAFA [Philippine Athletics Track and Field Association]. Nakatutuwa rin kasi sunod-sunod na media interview na ang ginawa ko,” pabirong   pahayag ng gold medalist.
 
 
WAKAS