Torno, Dimaculangan kinaldag ang Zamboanga, CALABARZON pasok sa quarter finals

April 27, 2018

Carl Joshua Doria, CALABARZON student journalist
 
Nagpasiklab ang power duo na sina Paul Matthew Torno at Tj Carl Dimaculangan para sa CALABARZON sa laban kontra Zamboanga Peninsula, Abril 18.

Muling nanagasa ang Region IV-A CALABARZON matapos dominahin ang Region IX- Zamboanga Peninsula, 53-46, sa huling laro ng 2018 Palarong Pambansa Basketball - Elementary Boys Eliminations sa San Idelfonso Municipal Covered Court, San Idelfonso, Ilocos Sur.

Kumarta si Dimaculangan ng 20 puntos kabilang ang tatlong agaw habang umayuda naman si Torno ng double double, 13 markers at 12 rebounds upang trangkuhan ang Southern Tagalog CALBARZON Athletic Association (STCAA)  tungo sa ikalawang round ng kompetisyon.

“Kailangan naming i-dominate iyong laban,” sabi ng 12- taong gulang na basketbolista. “Kaya inisip ko na lang na dapat agresibo at umatake nang umatake,” ani pa ni Dimaculangan.

Mahigpit ang bakbakan ng magkabilang kuponan sa unang half na nagtapos sa 21-20 pabor sa rehiyon ng mga bayani.

Subalit, hindi na tumalikod ang CALABARZON matapos pumutok si Dimaculangan sa ikatlong kwarter na tumaya ng labing-walong puntos.

“Iyong sistema kase sa elementary ay napakahirap kaya in-adjust namin yung depensa at rotation sa second half,” sambit ni coach Reymer Crisologo.

Nauna nang pinabagsak ng STCAA ang Eastern Visayas at CARAGA sa unang round at pinangunahan ang Bracket A, 3-0.

Haharapin naman ng CALABARZON ang no. 2 ng Bracket C na Central Luzon kinabukasanpara sa unang laban ng play-offs.

END