Vigan sa mata ng MIMAROPAns

April 27, 2018

Josell Gerone Nazareno, MIMAROPA student journalist 

Naragsak nga isasangbay (Tuloy po kayo). Ito ang mga salitang sumalubong at gumising sa inaantok pa naming diwa pagbaba ng bus galing Cubao ganap na alas 2 ng madaling araw. Matapos ang 18 oras na paglalakbay mula Mindoro, narating namin ang Mataas na Paaralan ng Santa Maria sa Ilocos Sur na magsisilbing pangalawang tahanan namin habang ginaganap ang Palarong Pambansa 2018.

Hindi kakikitaan ng pagod o kaya’y antok ang mga sumalubong sa amin kahit sa oras na yaon. Mandin pa’y payapang ngiti habang ipinaghahanda kami ng makakain at matutulugan, bagama’t kailangan din naming umalis kaagad sapagkat magsisimula na sa araw ding iyon ang dalawang araw naming pagsasanay upang maayos at detalyadong maihatid sa lahat ang mga kaganapan sa Palaro.

Kailangang maglakbay ng 30 o 45 minutos upang marating ang Vigan, Ilocos Sur mula Santa Maria. Ngunit sa dami ng tao dahil nga sa malaking pagdiriwang na ito, inabot ng isa hanggang isa’t kalahating oras ang biyahe. Subalit sulit at hindi naman nakakainip, sapagkat dadaanan mo naman ang iba’t ibang bayan pa ng Ilocos Sur na may ipinagmamalaki ding kagandahan at pasyalan.

Ang mapiling maging tagapaghatid ng kaganapan sa palaro ay isang malaking karangalan. Isang oportunidad din na bisitahin ang mga pook-pasyalan dito na tanging sa internet lamang namin nakikita o kaya nama’y napapanood sa telebisyon.       

Sino ang mag-aakalang mararating namin ang sikat na Calle Crisologo kung saan makikita ang mga sinaunang bahay na itinayo pa noong ika-18 o ika-19 na siglo. Magigilalas ka sa malalawak na sahig, kakaibang balustre at azotea na pinaghalong istilong Espanyol, Mehikano at Tsino habang may mga tumatakbong kalesa sakay ang mga turista sa gitna ng napakaraming tao na kumukuha ng larawan o di-kaya naman’y namimili ng mga pasalubong.

Mamangha at kilabutan din sa Pambansang Museo ng Vigan na siyang unang naging kulungan ng lugar. Dito ipinanganak ang dating Pangulong Elpidio Quirino at naglalaman din ng makasaysayang pinta ni Esteban Pechay hinggil sa Base Revolt. Dito rin ipinanganak si Fr. Jose Apolonio Burgos na nakipaglaban sa reporma sa simbahan noong Panahon ng mga Kastila.

Dinala rin kami ng aming mga paa sa Crisologo Museum kung saan aming nakita ang mga antigong gamit nina Floro Crisologo, dating mambabatas at ng kanyang asawa na si Carmeling Crisologo na dati namang gobernador ng probinsya.

Ipinagmamalaki naman ng Syquia Mansion Museum ang malawak na koleksyon nito ng mga gamit ng pamilya Syquia at ng dating presidenteng Elpidio Quirino. Mamangha ka rin sa mga naglalakihang painting na karaniwang iginuhit nina Fernando Amorsolo at Juan Luna.

Hindi rin makukumpleto ang pag-iikot sa Vigan kung hindi pupuntahan ang Pagburnayan, pagawaan ng mga tapayan at banga na sinasabing itinuro ng mga mangangalakal na Tsino noong ika-14 na siglo. Ginagamit ang mga ito na lalagyan ng basi o suka, alak galing sa tubo o kaya naman ay asin.

Pagiging dalubhasa naman sa paghahabi ang makikita sa Camangaan, Vigan City. Karaniwan sa mga manghahabi ay nagsimula sa pagahahabi noong sila ay dalaga at binata pa. Sila ang nagsusuplay ng mga habi sa buong Ilocos Sur.

Nakaramdam kami ng gutom pagkatapos nito.

“Sir, tikman po natin ang ipinagmamalaki nilang empanada, bagnet at pinakbet na ibinibida sa atin ng drayber sa sinakyan nating van sa Mindoro,” sabi sa akin ni Josell, ang kasama kong campus journalist. Narinig ito ng drayber ng traysikel na sinita namin at kaagad kaming dinala sa Hidden Garden Lilong and Lilang Restaurant. Sa ganda ng lugar, busog ka na agad!

“Eh ano naman, ang pagkakaiba ng pinakbet ng Ilocos sa pinakbet ng Mindoro,” tanong ko kay Josell.

“Sir, iyong ampalaya po ay maliliit at halos buo pa ang pagkakagayat at tila niluto sa isang ispesyal na bagoong,” saad niya habang sinisimot namin ang kaunting natitira pa.

Sunod naming tinikman ang ipinagmamalaki nilang empanada. Totoo ngang dapat itong ipagmalaki, dahil sa pagkagat mo ay malalasahan mo ang papaya, toge, beans, mongo at carrots. Mayroon ding itlog sa loob at malalasahang longanisa. Ang labas na bahagi ay gawa sa galapong at napakanipis kaya halos matunaw sa bibig. Sa araw din lamang na yaon nakatikim kami ng ganoon kasarap na empanada.

Natikman din naming ang bagnet, isa sa specialty ng lugar bukod sa pinakbet, dinengdeng at native halo-halo.

Ayon sa may-ari na si Gng. Rafaela Flores, nagsimula lamang ito sa maliit na kainan at halamanan. Ngayon isa na ito sa dinarayong atraksyon sa Vigan.“Kung mayroong pagsisikap, tiwala sa sarili at tiyaga, tiyak na malayo ang mararating ng isa tao,” sabi niya.

Huli naming pinuntahan ang Baluarte Zoo na tirahan ng maimpluwensyang dating gobernador Chavit Singson. May shooting range, butterfly garden, function hall at pwede ring sumakay sa kabayo. Walang bayad ang mga bisita at pwede pang malapitan ang mga alagang hayop dito. Ang pagsakay sa shuttle at pagbisita sa limang istasyon ay hindi malilimutan ng sinumang dito ay bumisita.

Hindi kami nakaramdam ng pagod sa buong araw ng aming pamamasyal. Tila kulang pa nga ang oras dahil mayroon pa rin daw magagandang atraksyon sa iba pang mga bayan. Nais din sana naming bisitahin ang lahat ng lugar ng palaro ngunit kulang na talaga ang panahon.

Naging pahinga namin ang panonood ng dancing fountain sa ganap na ika-7:00 ng gabi. Makukulay na ilaw kasama ng tubig na animo’y sumasayaw at sumasabay sa saliw ng iba’t ibang tugtugin ang aming nasaksihan. Ito ay mismong nasa harap ng simbahan at kapitolyo ng Vigan. Sumisimbolo ito sa makulay na kultura at pamumuhay ng mga Ilokano. Pang-world class talaga.

Malaking pasasalamat sa Kagawaran ng Edukasyon, Philippine Sports Commission at Philippine Information Agency sa pag-iimbeta sa amin. Kung bibigyan muli ng pagkakataon, hindi kami mananawang balik-balikan ang Vigan at ang mabubuting tao dito.
Marami kaming magagandang ikukuwento sa aming mga kababayan pagbalik namin ng Silangang Mindoro. Kwentong kanilang kaiinggitan kaya naman nanaisin din marahil nilang pumunta ng Vigan.

Dios ti kumuyog (Salamat po) ang namutawi sa aming mga labi. Salamat po sa mainit na pagtanggap. Salamat po sa pagiging pangalawang tahanan sa loob ng 10 araw. Tunay na ang Ilocos Sur ay isang ‘Heritage Province’.

WAKAS