LUNGSOD NG PASIG, 21 Abril 2025 – Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tugunan ang learning loss ng mga mag-aaral, pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng apat na pangunahing summer learning programs ngayong Mayo upang mapaigting ang foundational skills ng mga mag-aaral sa iba’t ibang antas ng baitang. Kabilang dito ang Bawat Bata Makababasa Program (BBMP), Literacy Remediation Program (LRP), Summer Academic Remedial Program, at ang Learning Camp (LC).

Bahagi ang mga programang ito ng mas malawak na estratehiya sa edukasyong muling pagbawi na nakatuon sa target na pagtuturo, mobilisasyon ng mga boluntaryo, kapakanan ng mga mag-aaral, at pakikilahok ng komunidad upang matiyak na walang batang maiiwan.

“Nanawagan kami sa ating mga katuwang at stakeholders na makiisa sa misyong ito. Ang bawat batang Pilipino ay may karapatang matutong bumasa, makaunawa, at magtagumpay—at makakamit lamang natin ito sa tulong ng sama-samang pagkilos. Higit pa sa isang summer program, ang mga inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na kilusan upang muling itayo ang pundasyon ng edukasyon,” ani Kalihim ng Edukasyon na si Sonny Angara.

Bawat Bata Makababasa Program

Sa Rehiyon 9 (Zamboanga Peninsula), isasagawa ng DepEd ang pilot implementation ng Bawat Bata Makababasa Program (BBMP) na layong tulungan ang humigit-kumulang 75,000 mag-aaral mula Baitang 1 hanggang 3 na natukoy bilang nahihirapang bumasa batay sa literacy assessments. Isasagawa ang programa mula Mayo 8 hanggang Hunyo 6, 2025, kung saan bibigyan ang mga mag-aaral ng araw-araw na tutorial sa pagbasa, kasabay ng mga makabuluhang aktibidad na nakaaaliw at nagpapalalim ng pundasyong kasanayan.

Tinatayang 7,500 guro at boluntaryong tutor ang ilalagay sa rehiyon upang magsagawa ng focused instruction para sa mga kalahok na mag-aaral. Ang mga pre-service education students ay bibigyang-priyoridad bilang boluntaryo, at maaaring ituring ang kanilang partisipasyon bilang relevant teaching experience. Magsasagawa ng pagsasanay sa mga tutor mula Abril 23 hanggang 30 at makikibahagi rin sila sa pagpapatupad ng mga suportang gaya ng libreng meryenda, pagsusuri sa paningin, at mga estratehiyang pampagkatuto sa bahay para sa mga magulang.

Literacy Remediation Program

Samantala, ipatutupad sa lahat ng rehiyon, maliban sa Rehiyon 9, ang Literacy Remediation Program (LRP) para bigyang suporta ang 59,627 Grade 3 learners na nasa kategoryang Low Emerging Readers sa English batay sa End-of-School-Year (EoSY) result ng Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA).

Bilang tugon, sasanayin ng DepEd ang 14,023 guro upang magsagawa ng dalawang oras na daily remediation sessions mula Mayo 13 hanggang Hunyo 6, 2025. Ang serye ng pagsasanay ay sisimulan sa pamamagitan ng Training of National and Regional Trainers for Remediation Teachers mula Abril 27 hanggang 30, kasunod ang Training for School Headsmula Abril 30 hanggang Mayo 2, at ang regional trainings para sa mga guro mula Mayo 4 hanggang 9.

Ang mga guro na kalahok ay makakatanggap ng service credits at arawang meal allowance.

Summer Academic Remedial Program

Ipatutupad din ng DepEd ang isang pambansang Summer Academic Remedial Program mula Mayo 13 hanggang Hunyo 6, 2025 para sa mga mag-aaral sa Baitang 4 hanggang 12 na nangangailangan ng karagdagang tulong sa isa o dalawang asignatura. Bukas ang programa para sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, kabilang ang mga paaralang Pilipino sa ibang bansa.

Kabilang sa mga prayoridad ng programa ang mga mag-aaral na bumagsak sa isang asignatura, mga senior high school students na kailangang ulitin ang prerequisites, at mga mag-aaral na may kapansanan na nangangailangan ng espesyal na tulong.

Mangunguna sa mga remedial sessions ang mga guro na may mataas na kasanayan, kabilang na ang mga master teacher o subject experts. Sila ay kwalipikado sa mga insentibo alinsunod sa umiiral na patakaran ng DepEd. Layunin ng programa na mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga mag-aaral na makahabol at makapaghanda para sa susunod na taon ng pag-aaral.

2025 Learning Camp

Samantala, isasagawa ang 2025 Learning Camp (LC) sa 10 schools mula sa mga rehiyong kasali sa MATATAG Pilot (Rehiyon I, II, VII, XII, National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), at CARAGA). Pinili ang mga paaralang ito batay sa dami at porsyento ng mga mag-aaral na nasa ibaba ng minimum proficiency level.

Nakatuon ang LC sa learner-centered na pamamaraan na may mas maliit na bilang ng mga mag-aaral kada guro o boluntaryo, at pinapahalagahan ang kapakanan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng makabuluhang karanasan sa pagkatuto sa Reading, English, at Mathematics. Sa Intervention Camp, 1:5 ang magiging ratio ng guro o boluntaryo kada mag-aaral, habang hanggang 25 mag-aaral naman kada facilitator sa Consolidation at Enhancement Camps, upang matiyak ang sapat na suporta para sa bawat antas ng kakayahan ng mga mag-aaral.

END