LUNGSOD NG PASIG, 22 Abril 2025 — Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking maayos, ligtas, at tapat ang halalan, pinagtibay ng Department of Education (DepEd) ang suporta nito para sa libu-libong mga guro at kawani ng edukasyon na magsisilbing frontliners sa darating na National and Local Elections ngayong Mayo 2025.

Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang mahalagang papel ng DepEd sa pagtiyak ng ligtas, malinaw, at mapayapang halalan sa isinagawang multi-agency Memorandum of Agreement (MOA) signing kasama ang Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang katuwang na institusyon.

“Ang ating mga guro ang nagsisilbing haligi ng demokrasya. Bilang kapalit ng kanilang serbisyo, sinisiguro nating may sapat silang paghahanda, proteksyon, at pagkilala,” ani Secretary Angara.

Saklaw ng nasabing MOA ang mahahalagang probisyon tulad ng pagbibigay ng legal at medikal na tulong sa mga guro at kawani ng DepEd na naatasang magsilbi sa halalan, gayundin ang mas pinaigting na koordinasyon ng mga ahensya para mapangalagaan ang kanilang kapakanan.

Katuwang rin ng DepEd ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na magbibigay ng legal na tulong sa mga gurong maaaring maharap sa reklamo kaugnay ng kanilang serbisyo sa halalan.

Papalakasin din ng DepEd ang kahandaan sa pamamagitan ng pagpapakilos ng Election Task Force (ETF) sa buong bansa. Mula Central Office hanggang Regional at Schools Division Offices, magbibigay ang ETF ng real-time monitoring, agarang tulong, at mabilis na tugon sa mga insidente.

Magtatatag ng Election Command Center ang DepEd na magiging ganap na operasyonal mula Mayo 11 hanggang 13, 2025. Matatagpuan ang headquarters sa Lungsod ng Makati at magsisilbing sentro ng koordinasyon at pagmamanman para sa lahat ng opisina ng DepEd sa buong bansa.

Makikipag-ugnayan din ang bawat ETF Operations Center sa COMELEC, Public Attorney’s Office, at mga ahensyang pangseguridad upang tiyaking ligtas ang karapatan at kapakanan ng mga gurong magsisilbi sa halalan.

“Gaya ng isang command center, may malinaw na tungkulin, nakalaang tao, at kakayahang kumilos agad ang ating ETF para tulungan ang mga guro kapag kailangan,” dagdag pa ni Angara.

Makakatanggap ang mga miyembro ng ETF ng honoraria, overtime pay, o compensatory time off (CTO), depende sa kanilang employment status at ayon sa umiiral na panuntunan ng pamahalaan.  May malinaw ding gabay na ipinatutupad upang mapanatili ang political neutrality ng mga kawani, kabilang ang mahigpit na pagbabawal sa electioneering at anumang gawaing may kiling sa pulitika.

Kaugnay nito, nagsagawa ang DepEd ng espesyal na oryentasyon sa batas panghalalan para sa mga kawani, sa pangunguna ni dating Acting Secretary of Justice at Acting Solicitor General Atty. Alberto C. Agra, upang lalong palalimin ang legal na kaalaman ng mga guro at ihanda sila sa mga posibleng hamon sa mismong araw ng halalan.

Habang papalapit ang araw ng halalan, nananawagan ang Kagawaran sa lahat ng sektor na makiisa sa pagbubuo ng ligtas na kapaligiran kung saan pinoprotektahan ang bawat boto at ginagalang ang bawat guro.

“Higit pa ito sa halalan,” wika ni Angara. “Isa itong pambansang pagkilos ng tiwala—at karapat-dapat lamang na ang ating mga guro ay suportahan nang buo.”

END