![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 23 Abril 2025 — Tinututukan ng Department of Education (DepEd) ang mandato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang seguridad sa pagkain sa mga paaralan. Pinapalakas nito ang mga programang nagbibigay ng masustansyang pagkain sa mga mag-aaral gaya ng School-Based Feeding Program (SBFP), Gulayan sa Paaralan, at mga inisyatibo ng Farm School.
Buong suporta ang ibinibigay ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa inisyatibong ito. Kamakailan niyang pinangunahan ang opisyal na pagbubukas ng Buwan ng Pagkaing Pilipino 2025, na may temang “Sarap ng Pagkaing Pilipino, Yaman ng Ating Kasaysayan, Kultura, at Pagkatao.” Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkaing Pilipino bilang salamin ng ating pagkakakilanlan at malasakit sa kapwa.
“Mga kababayan, sa pamamagitan ng ating pagkain, matutuklasan natin ang ating pagka-Pilipino: Malikhain, matatag, at may malasakit sa kapwa. Malikhain, dahil nagagawa nating putahe ang mga pangkaraniwang sangkap. Matatag, dahil kahit sa panahon ng kakulangan, nagagawa pa rin nating ipagdiwang ang kahit kakaunting pagkain. May malasakit sa kapwa, dahil sa tuwing may salu-salo, lagi nating naaalalang magdala ng pagkain sa ating mga kapitbahay,” pahayag ng Pangulo.
Itinatag ang Buwan ng Pagkaing Pilipino sa bisa ng Presidential Proclamation No. 469, s. 2018, upang palaganapin, panatilihin, at ipagdiwang ang masaganang tradisyong kulinaryo ng bansa. Pinagtitibay ng buwanang selebrasyon ang papel ng pagkaing Pilipino sa pagbubuo ng pambansang pagkakakilanlan, pagpapalakas ng komunidad, at pagpapatibay ng kinabukasan ng kabataan.
Mula Sakahan Hanggang Sa Pinggan
Sa Negros Occidental, nangunguna ang Ramon Torres Malingin Farm School (RTMFS) sa pagsasanib ng pagsasaka at edukasyon. Ayon kay Principal Roger Raymundo, isinasama na nila ang ani ng paaralan sa kanilang feeding program. Nakapaligid sa paaralan ang mga tanim na okra, talong, at upo. Mayroon din silang dalawang ektaryang taniman ng palay para sa layunin ng sapat na suplay ng pagkain.
“Dito, itinuturo sa mga bata ang tamang pagtatanim, at ang posibilidad na maging hanapbuhay ito balang-araw. Kaya puwedeng i-consider ang curriculum ng farm school na pang-habangbuhay na kaalaman. Bukod pa rito, farming can also sustain them—hindi ka magugutom kung marunong kang magtanim,” ani Principal Raymundo.
Hindi lamang teknikal na kaalaman ang natututuhan ng mga mag-aaral; nakatutulong din ito sa pagbibigay ng masustansyang pagkain sa kanila—isang malinaw na ugnayan sa pagitan ng produksyon ng pagkain, edukasyon, at kalusugan.
Tagumpay ng SBFP ng Sta. Cristina Elementary School
Sa Sta. Cristina Elementary School (SCES) sa Dasmariñas City, Cavite, matagumpay na ipinatutupad ang SBFP. Ipinagmalaki ni Principal Elena Bayan ang 93.80% success rate ng kanilang feeding program ngayong taon—810 sa 812 na benepisyaryo ay classified na ngayon bilang nutritionally adequate.
“Ang success ng aming SBFP ay makikita sa pagtutulungan. May suporta kami mula sa Gulayan sa Paaralan, at may komunidad kaming naniniwala sa pagbabagong kayang gawin ng isang masustansyang pagkain,” pahayag ni Principal Bayan.
Gamit ang mga aning gulay ng paaralan, naghahain ang mga guro at kusinero ng mga pagkaing pamilyar at katanggap-tanggap sa panlasa ng mga bata—gaya ng guisadong monggo, lugaw, at sopas. Hindi lamang ito masustansya at abot-kaya; ito rin ay may malalim na ugat sa kulturang Pilipino.
Para sa mga paaralang tulad ng Ramon Torres Malingin Farm School at Sta. Cristina Elementary School, ang selebrasyon ng Buwan ng Pagkaing Pilipino ay isang pagpapatunay ng kanilang adbokasiyang pakainin nang may malasakit, turuan nang may layunin, at alagaan ang isang henerasyong malusog at handang harapin ang kinabukasan.
“Sa pinagsanib na diskarte ng DepEd sa nutrisyon, agrikultura, at edukasyong may pagpapahalaga, naipapasa natin ang diwa ng Filipino hospitality at malasakit sa bawat pagkaing inihahain,” ani Education Secretary Sonny Angara.
END