LUNGSOD NG PASIG, 25, Abril 2025 — Malugod na tinanggap ng Department of Education (DepEd) ang pagpapalabas ng Revenue Regulations No. 13-2025 bilang isang malaking tagumpay sa pagsusulong ng agenda sa edukasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Patunay ang polisiya sa epektibong kolaborasyon ng mga ahensya upang mapadali ang proseso para sa mga pribadong sektor na sumusuporta sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas.

Inilabas ng Department of Finance-Bureau of Internal Revenue (DOF-BIR), pinagsama at pinadali ng bagong regulasyon ang mga pamamaraan sa pagkuha ng mga tax incentives sa ilalim ng tatlong pangunahing batas: Republic Act No. 8525 o ang “Adopt-a-School Act,” Republic Act No. 12063 o ang “Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act,” at ang National Internal Revenue Code of 1997 (Tax Code).

“Magiging daan ang repormang ito tungo sa tunay na pagbabago,” ani Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara. “Sa pagpapadali ng proseso para sa mga private partners, pinapadali natin para sa mga mag-aaral ang pagkakataong umunlad—lalo na sa mga malalayong lugar. Isa itong konkretong hakbang patungo sa pagtugon sa panawagan ng Pangulo na palakasin ang sinerhiya ng publiko at pribadong sektor sa edukasyon.”

Mas Maliwanag na Daan Para sa Suporta sa Edukasyon

Sa ilalim ng RR 13-2025, ibinibigay ang mga sumusunod na pinadaling insentibo sa buwis sa mga kwalipikadong partners sa pribadong sector:

  • Exemption mula sa donor’s tax sa ilalim ng Section 101 (A)(2) and (B)(2) of the Tax Code
  • Pagbawas mula sa gross income para sa mga gastos na “directly, actually, at exclusively” nauugnay sa mga programa, kasama na ang karagdagang 50% na bawas sa ganitong kontribusyon/donasyon batay sa mga partikular na kondisyon
  • Valuation flexibility para sa iba’t ibang uri ng donasyon: cash assistance, consumable goods, personal property, services, or real estate—batay sa book value, market value, o depreciated value, alinman ang naaangkop.

Maglalabas pa ang DOF/BIR ng karagdagang mga panuntunan hinggil sa mga dokumentong kailangang isumite ng mga donor.

Mula sa mga Balakid Hanggang sa mga Tagumpay

Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), 476 tax endorsements lamang ang nakuha ng mga pribadong organisasyon mula 2018. Sa ilalim ng bagong regulasyon, inaasahan ng ahensya ang pagtaas ng pakikilahok ng mga korporasyon at philanthropists sa Adopt-a-School Program at iba pang public-private education partnerships.

“Tinutugunan nito ang mga matagal nang balakid na pumipigil sa mga potensyal na donor. Sa mas kaunting red tape at higit na kalinawan, binubuksan natin ang mga bagong oportunidad upang matugunan ang kakulangan sa imprastruktura ng paaralan, resources, at technical training,” dagdag ni Angara.

Pinapalakas din ng bagong alituntunin ang holistic approach ni Pangulong Marcos sa pambansang pagbabago ng ekonomiya, kung saan nagtutulungan ang DepEd, DOF, BIR, at iba pang kaugnay na mga ahensya at stakeholder upang matiyak ang clarity, transparency, at accountability.

“Binibigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan sa responsive governance at strategiv partnerships. Ang RR 13-2025 ay patunay kung paano nagtutulungan ang iba’t ibang ahensya upang suportahan ang reporma sa edukasyon at economic inclusion,” ayon kay Kalihim Angara.

Sa pag-iral ng bagong regulasyon, pinapalakas ng DepEd ang kanilang pakikipag-ugnayan sa business community at civil society at paghikayat sa mas marami pang entities na sumali sa Adopt-a-School Program at maging bahagi ng nation-building sa pamamagitan ng edukasyon.

“Hindi lamang ito mga benepisyo sa buwis—ito ay mga daan patungo sa tunay na pagbabago kung saan makikinabang ang ating mga mag-aaral Pilipino,” wika ng Kalihim.

END