LUNGSOD NG PASIG, 28 Abril 2025 – Tumutugon ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mas inklusibong edukasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng mas pinaigting na suporta para sa mga mag-aaral na may kapansanan sa buong bansa. Layon ng inisyatibang ito na bigyang-lakas ang mga batang may espesyal na pangangailangan upang matiyak ang pantay na access sa edukasyon, kagamitan, at oportunidad na kailangan nila.

Ipinahayag ni Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara sa Inter-Agency Coordinating Council for Learners with Disabilities meeting ang matibay na paninindigan ng DepEd sa paggamit ng teknolohiya para maisulong ang inklusibong edukasyon.

“Isinusulong natin ang  paggamit ng teknolohiya hindi lamang sa pagtuturo, kundi pati sa paggawa ng desisyon, paglalaan ng resources, at pagbibigay ng serbisyong inklusibo,” ani Angara.

Parte ng Council ang mga kinatawan ng DepEd, DOH, DSWD, DPWH, DILG, DOF, NCDA, DOLE, TESDA, ECCD, CHED, at PRC.

Isa sa mga pangunahing hakbang ay ang pagsasaayos ng mga SPED Center upang maging Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs). Layunin ng DepEd na magkaroon ng ganitong pasilidad sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Kasama rin sa plano ang pagtatayo ng mga virtual at satellite ILRCs, pati na ang pagpapatatag ng mga multidisiplinaryong team na may sapat at tuloy-tuloy na pondo.

Pinalalawak din ng DepEd ang pagpapatupad ng Alternative Delivery Modes (ADM) at Alternative Learning System (ALS) na mas angkop sa mga mag-aaral na may kapansanan. Pokus ng mga hakbangin ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga guro, pag-monitor ng mga polisiya, at paggamit ng assistive technology at artificial intelligence (AI) para sa mas personalisadong pagkatuto.

Nakikipagtulungan din ang DepEd sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga akademikong institusyon, at pribadong sektor upang pahusayin ang pagsasanay sa Special Needs Education (SNEd) para sa mga guro, at mapalawak ang access sa mga kagamitan sa pagkatuto.

AI para sa Maagang Pagtukoy ng Kapansanan

Isinusulong naman ng DepEd-Education Center for AI Research (ECAIR) ang proyektong SABAY o Screening using AI-Based Assistance for Young children, upang gawing moderno ang pagtukoy sa mga batang posibleng may kapansanan. Layunin nitong palakasin ang Child Find System ng mga ahensya ayon sa mandato ng Republic Act No. 11650.

Pakay rin nitong magbigay ng mas maagap na interbensyon at referral, paikliin ang oras ng pagsusuri, at bawasan ang pasaning trabaho ng mga guro.

“Sa pamamagitan ng SABAY Project, pinaninindigan natin na ang bawat batang Pilipino—anuman ang kakayahan—ay karapat-dapat mabigyan ng agarang suporta at dekalidad na edukasyon. Hindi na natin hahayaan na maiwan ang mga mag-aaral na may kapansanan,” pahayag ni Sec. Angara.

Ipinaliwanag ni ECAIR Managing Director Erika Legara na nasa early stages pa ang proyekto, at kasalukuyang nakikipag-ugnayan sila sa Bureau of Learning Delivery – Student Inclusion Division (BLD-SID), mga eksperto sa edukasyon, propesyonal sa kalusugan, at mga tagapagsanay sa special education.

“Gumagawa kami ng mga paraan upang ma-automate ang ilang bahagi ng proseso ng pagsusuri, para mapabilis at mapabuti ang paggawa ng desisyon sa antas ng paaralan,” ani Dr. Legara. “Ang layunin namin ay makalikha ng mga resulta na malinaw, kapaki-pakinabang, at talagang magagamit sa aktwal na mga sitwasyon—lalo na sa pagbibigay ng nararapat na suporta sa mga mag-aaral.”

Kasalukuyang tinatapos ng ECAIR, kasama ang BLD-SID, mga espesyalista sa SNEd, at mga healthcare practitioner, ang disenyo ng AI system para sa SABAY Project. Nakatakda nang simulan ang pilot collection ng datos sa piling mga paaralan sa Kalakhang Maynila, at planong palawakin ito sa iba pang rehiyon sa buong bansa.

END