LUNGSOG NG PASIG, 6 MAYO 2025 – Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na nagsasagawa na ito ng hakbang upang solusyunan ang lumalalang problema sa functional literary o kawalan ng kakayahan na umunawa at magbasa ang mga kabataang Pilipino.

Kaugnay nito ay hiningi si Sec. Angara ang suporta ng mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor at mismong mga magulang ng mag aaral upang maging matagumpay ang hakbang ng DepEd.

Ipinaliwanag ni Sec. Angara na dapat ay pagtuunan din ang problema sa kagutuman na nararanasan ng mga estudyante na dito ay lubhang kailangan ang gabay ng mga magulang.

“Hindi lang ito problema ng edukasyon, hindi matututo ang batang gutom , hindi rin maituturo ng maayos ng guro kung ang estudyante ay puma pasok na may dinadalang problema o walang suporta mula sa pamilya. kailangang nyo ang bayan kung gusto nating solusyunan” pahayag ni Sec. Angara.

Mga Magulang Bilang Unang Guro

Bilang bahagi ng kampanya para sa mas malawak na kaalaman sa pagbasa at numerasiya, inilunsad ng DepEd ang ilang summer programs tulad ng Literacy Remediation Program, Bawat Bata Makakabasa, 2025 Learning Camp, at Summer Academic Remediation Program.

Layunin ng mga programang ito na tiyaking marunong bumasa, magsulat, at magbilang ang mga mag-aaral bago sila tumuntong sa susunod na baitang.

Binanggit din ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng mga magulang sa paghubog ng pagkatuto ng kanilang mga anak.

“Mga magulang, lalo na sa may maliliit na anak—maglaan tayo ng oras para basahan sila ng kwento. Simpleng hakbang man ito, pero napakahalaga sa kinabukasan nila at ng bansa,” aniya.

Ayon sa pag-aaral ng UNESCO, malaking bahagi ng tagumpay sa pagkatuto ng bata ay nagsisimula sa bahay—mula sa mga kwentong binabasa sa kanila, sa mga simpleng routine sa araw-araw, hanggang sa pagbuo ng kanilang kuryosidad.

Sa Cebu, may inisyatibang tinawag na Alimbukad: Basa Pamilya na ipinatutupad ng Zonta Club of Cebu II. Layunin nitong hikayatin ang pagbabasa sa loob ng tahanan sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga book bag at buwanang sesyon para sa mga magulang sa mga paaralan tulad ng Poo Elementary School sa Lapu-Lapu City. Dito tinuturuan ang mga magulang kung paano maging aktibong katuwang sa pagkatuto ng kanilang anak.

Nutrisyon Para sa Pagkatuto

Batay sa pag-aaral ng UNICEF, maraming aspeto ang nakaaapekto sa literacy ng bata—kasama rito ang nutrisyon, kalagayan sa bahay, at pagkakaroon ng babasahin.

Dahil dito, pinalalawak ng DepEd ang School-Based Feeding Program para sa School Year 2025–2026. Tinatayang mahigit 3.3 milyong mag-aaral, kabilang ang lahat ng nasa Kindergarten sa pampublikong paaralan ang makikinabang dito.

Ayon sa mga eksperto, ang unang 1,000 araw ng isang bata ay mahalaga sa kanilang pisikal at mental na pag-unlad. Kung kulang sa nutrisyon sa panahong ito, maaaring maapektuhan ang kanilang kakayahang matuto habambuhay.

“Ginagawa na ng DepEd ang bahagi nito. Panahon na para ang buong komunidad ay kumilos,” saad ni Angara.

Isa sa mga katuwang ng DepEd ay ang Jollibee Group Foundation sa pamamagitan ng Busog, Lusog, Talino (BLT) program. Sa ilalim ng kanilang Central Kitchen model, sabay-sabay na niluluto sa isang pasilidad ang pagkain para sa maraming paaralan, bago ito ihatid araw-araw. Sa ganitong paraan, mas mabisa ang operasyon at pare-pareho ang kalidad ng pagkain.

“Malaking tulong ito sa mga bata. Kapag busog sila, mas nakakapagpokus sila sa klase at mas naiintindihan nila ang mga aralin,” pahayag ni Principal Leah Gualvez ng Cayabon Elementary School sa Masbate.

Sa kasalukuyan, may 41 Central Kitchens na ang naitayo, na nagbibigay ng masustansyang pagkain sa higit 30,000 estudyante mula sa mahigit 200 paaralan.

Ang mga inisyatibang ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng DepEd—ang tiyaking hindi lamang natututo ang mga bata sa paaralan, kundi handa rin sila sa buhay. Sa tulong ng pinagsamang puwersa ng edukasyon, kalusugan, at komunidad, mas malaki ang tsansa ng tagumpay ng bawat batang Pilipino.

END