LUNGSOD NG PASIG, 8 Mayo 2025 — Kinilala ng Department of Education (DepEd) ang dalawang paaralan sa Tuguegarao—ang Carig Integrated School at Tagga Elementary School—dahil sa kanilang mga programa sa pagbabasa na nagsimula mismo sa kanilang mga komunidad at epektibong nakatulong sa pagpapahusay ng kakayahan sa pagbasa ng mga estudyante sa kanilang lugar.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, magandang halimbawa ang mga proyektong ito sa pagbuo ng mga makabuluhang programa ang mga paaralan, lalo na kung may suporta mula sa DepEd at aktibong partisipasyon ng mga magulang.

“Napakalaking tulong ng mga magulang sa paghubog ng hilig sa pagbabasa sa mga bata. Kapag naglalaan sila ng oras na magbasa kasama ang kanilang anak, mas lumalakas ang kakayahan ng mga bata sa pag-aaral. Libre ito, pero malaki ang nagiging epekto sa kinabukasan nila,” ani Angara.

Project RED: Pagbabasa Kasama ang Pamilya

Noong school year 2022–2023, inilunsad ng Carig Integrated School (na may 1,337 estudyante at 49 guro) ang Project RED, na layuning tulungan ang mga batang hirap o hindi pa marunong bumasa. Sa programang ito, hindi lang sa classroom natututo ang mga bata—pati sa bahay kasama ang kanilang mga magulang.

Tinuturuan din ang mga magulang sa pamamagitan ng Literacy Workshops, at tinutulungan silang gumawa ng reading corner sa bahay. Sa pamamagitan ng Read-and-Repeat Routine, inuulit ng mga bata ang pagbasa ng mga pamilyar na kwento habang ginagabayan sila ng kanilang mga magulang.

“Sa Project RED, katuwang talaga natin ang mga magulang. Kapag binigyan natin sila ng tamang kaalaman at suporta, mas lumalakas ang sistema ng edukasyon para sa bawat bata,” sabi ni Jovelyn Baquiran, Reading Coordinator ng Carig Integrated School.

Ayon sa resulta ng kanilang pagsusuri, malaki ang iniunlad ng mga bata. Halimbawa, sa Grade 4, bumaba ang bilang ng mga estudyanteng hirap bumasa (Frustration Level) mula 23.2% papuntang 8.7%. Samantala, tumaas naman ang bilang ng mga mahusay na bumasa (Independent Level) mula 34.8% papuntang 43.5%. Parehong pag-unlad ang nakita sa mga mas mataas na baitang.

“Basa Ko, Bahagi Ka”: Sama-samang Pagbabasa

Sa kabilang banda, may sarili ring programang pagbabasa ang Tagga Elementary School na tinatawag na “Basa Ko, Bahagi Ka”. Sinimulan ito noong Setyembre 2024 at layuning itaas ang reading skills ng mga bata sa tulong ng pamilya at komunidad.

May mga guided reading sessions, workshops para sa mga magulang, at ang paggamit ng Project INNOHUB—isang learning hub na may iba’t ibang babasahin para sa mga bata. May designated reading corners din sa bahay at one-on-one tutorials.

Batay sa resulta ng Phil-IRI, gumanda ang reading performance ng mga estudyante mula Grade 4 hanggang 6. Sa Ingles, maraming bata ang umabot sa tamang antas ng pagbasa, lalo na sa Grade 5. Sa Filipino, malaki ang inangat ng Grade 6, at sa Grade 3, wala nang napabilang sa “Lower Emergent” level.

“Malaki ang pinagbago ng pananaw namin sa pagtuturo ng pagbasa. Dahil sa suporta ng pamilya at komunidad, mas naging maayos ang pagkatuto ng mga bata. Ang mga positibong resulta ay patunay na gumagana ang pagtutulungan,” ayon kay G. Julious Ancheta, Principal ng Tagga Elementary.

Ayon sa DepEd, ang mga proyektong ito ay tumutulong sa mga pambansang programang pangkarunungan tulad ng Bawat Bata Bumabasa, ARAL, at Learning Camps. Patunay rin ito na kahit simpleng mga lokal na hakbang, puwede pa ring magdala ng pambansang tagumpay.

Hinikayat ng DepEd ang iba pang paaralan na subukan ang ganitong klase ng mga proyekto at patuloy na isama ang mga pamilya at komunidad sa pagbuo ng bansang mahilig magbasa.

END