LUNGSOD NG PASIG, 10 Mayo 2025 — Wagi ang mga guro at DepEd personnel! Personal na nagpasalamat si Education Secretary Sonny Angara kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at DBM Secretary Mina Pangandaman sa mabilis na aksyon para madagdagan ang election pay ng mga nagseserbisyo tuwing halalan.

“Malaking bagay ito para sa ating mga guro. Ramdam namin ang tunay na malasakit ni Pangulong Bongbong Marcos,” ani Secretary Angara. “Makaasa po kayo na laging uunahin ng Pangulo ang kapakanan ng ating mga guro.”

Habang puspusan ang preparasyon ng DepEd para sa ligtas at maayos na halalan sa mga pampublikong paaralan, kinilala ni Angara ang sakripisyo ng mga guro.

“Tuwing eleksyon, doble ang responsibilidad at peligro na hinaharap ng ating mga guro. Kaya nararapat lang na may dagdag na kompensasyon. Salamat kay Sec. Pangandaman—lagi niyang kinikilala ang hirap ng ating mga teachers,” dagdag ng Kalihim.

Sa utos mismo ni PBBM, inaprubahan ng DBM ang Php2,000 across-the-board increase sa election honoraria! Narito ang bagong rates:

  • Php12,000 para sa Electoral Board Chairpersons (mula Php10,000)
  • Php11,000 para sa Poll Clerks (mula Php9,000)
  • Php11,000 para sa Third Members (mula Php9,000)
  • Php8,000 para sa Support Staff (mula Php6,000)

Hindi rin nagpahuli si Angara sa paalala sa COMELEC: “Sana mabilis ang release—deserve ng teachers natin ang agarang aksyon!”

Sa 2025 budget, binigyang-priyoridad ni Pangulong Marcos ang benepisyo ng mga election frontliners. Aabot sa 758,549 poll workers, kasama ang 281,587 DepEd personnel, ang makikinabang sa kabuuang Php7.480 billion para sa honoraria, allowances, at service credits.

END