![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 11 May 2025 – Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa malinis, tapat, at mapayapang halalan, pormal nang binuksan ng Department of Education (DepEd) ang Election Task Force Command Center nito sa TechZone, Lungsod ng Makati.
Magsisilbing operational ang Command Center mula Mayo 11, ganap na 1:00 n.g., hanggang Mayo 13, ganap na 5:00 n.h., upang tiyaking may agarang tugon 24/7 sa mga pangangailangan ng mga gurong nagsisilbi at iba pang kawani ng DepEd na bahagi ng 2025 National and Local Elections (NLE).
“Naninindigan ang Kagawaran na protektahan ang ating mga guro at tiyaking hindi sila nag-iisa sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin para sa bayan,” ani DepEd Secretary Sonny Angara. “Sa buong suporta ng Pangulo at tiwala ng sambayanan, handa kaming rumesponde, tumulong, at pangalagaan ang integridad ng halalan.”
Kaagapay ang mga counterpart nito sa Central Office, Regional Offices, at Schools Division Offices, ang Command Center ang magsisilbing pangunahing tanggapan ng koordinasyon ng DepEd Election Task Force (ETF). Sa kauna-unahang pagkakataon, may sariling pondo ang ETF sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA), na nagkakahalaga ng ₱99.3 milyon para sa operasyon ng Kagawaran kaugnay ng halalan.
Nakapuwesto na rin ang mga espesyal na team ng ETF sa buong bansa para sa real-time monitoring, legal support, hotline at help desk operations, incident response, at post-election reporting. Layunin ng mga team na ito na tiyaking ligtas ang mga personnel, nakikipag-ugnayan sa Commission on Elections (COMELEC), at natutugunan nang mabilis ang mga isyung maaaring lumitaw sa araw ng halalan.
Maaaring makipag-ugnayan sa DepEd Central Office ETF sa mga sumusunod na hotline:
- (02) 8633-1940
- (02) 8638-3703
- (02) 8638-1780
- (02) 8633-7256
- (02) 8633-7202
- (02) 8633-7213
- (02) 8638-4044
- (02) 8635-3761
- Globe line – (02) 7908-0374
Muling pinaaalalahanan ng DepEd ang lahat ng opisyal at kawani na istriktong sumunod sa alituntunin ng non-partisanship alinsunod sa mga patakaran ng civil service, bilang bahagi ng matibay na paninindigan ng Kagawaran na pangalagaan ang demokrasya at tiwala ng publiko.
END