![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 15 Mayo 2025 — Nagpasalamat si Education Secretary Sonny Angara nitong Huwebes sa milyun-milyong Pilipinong bumoto sa midterm elections ng Mayo 2025, at hinimok ang publiko na ipagpatuloy ang malasakit at pakikilahok tungo sa pagpapalakas ng edukasyon ng bansa.
“Lubos ang pasasalamat namin sa bawat Pilipinong bumoto. Buhay ang demokrasya kapag ang taumbayan ay patuloy na nakikilahok—lalo na sa mga adbokasiyang humuhubog sa kinabukasan, gaya ng edukasyon,” ani Angara.
Batay sa datos mula sa Commission on Elections (COMELEC) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), tinatayang nasa 80 porsyento ng 68 milyong rehistradong botante sa bansa ang nakaboto ngayong halalan—isang matibay na patunay ng patuloy na pagtitiwala ng mamamayan sa demokrasya.
Binigyang-diin din ni Angara ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang halalan, kung saan inilarawan ang mapayapa at maayos na halalan bilang “panibagong sigla ng ating demokrasya” at isang paanyaya upang harapin ang mga hamong kinakaharap ng bansa.
“Tulad ng sinabi ni Pangulong Marcos, muling nabigyang-lakas ang ating demokrasya. Ngayon, hamon sa atin na ipagpatuloy ang ganitong antas ng dedikasyon sa mga gawaing pangmatagalan—lalo na ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon para sa bawat batang Pilipino, papunta sa ating hangaring upang itaguyod ang Bagong Pilipinas,” ani Angara.
Binigyang diin din ng Kalihim na dapat maging pangunahing layunin ng mga bagong halal na opisyal ang sektor ng edukasyon.
“Mayroon na tayong mga bagong senador, gobernador, at alkalde—may mga batikan, at may mga bago, ngunit lahat ay may dalang pag-asa ng taumbayan. Ngunit hindi sapat ang pag-asa lamang,” ani Angara sa mensaheng binasa ni Undersecretary Ron Mendoza sa pambansang data dissemination forum para sa 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS).
“Kailangang may linaw ang pamumuno. Sa kanilang bagong mandato, hangad naming magabayan sila ng datos na aming ibinabahagi. Para sa mga bagong halal na pinuno, bawat porsyento sa datos ay maaaring maging badyet, silid-aralan, reading corner, o pagkakataon sa mas magandang kinabukasan.”
Pinuri rin ni Angara ang mahigit 600,000 guro at kawani ng DepEd na nagsilbing poll workers upang matiyak ang maayos na halalan sa mga paaralan sa buong bansa.
“Minsan pa, ipinakita ng ating mga guro na sila ang mga frontliner ng demokrasya. Ang kanilang propesyonalismo, kahinahunan sa gitna ng presyur, at tunay na malasakit sa bayan ay huwarang dapat tularan,” aniya.
Hinimok din ng kalihim ang publiko na makiisa sa adbokasiya ng edukasyon.
“Panahon na para ipagpatuloy natin ang diwa ng pagkakaisa at pakikiisa—sa pamamagitan ng pagtataguyod sa edukasyon. Inaanyayahan ko ang bawat Pilipino na maging education champion. Sama-sama nating itaguyod ang mga paaralan, suportahan ang ating mga guro, at bigyan ng pag-asa ang ating mga kabataan,” pagtatapos ni Angara.
END