![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 20 May 2025 — Tatanggap ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ng 16,000 mga bagong guro kasunod ng pag-apruba ng dagdag na teaching positions ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr at ng Department of Budget and Management (DBM), bilang bahagi ng pambansang inisyatiba na pababain ang malaking populasyon sa mga silid-aralan at pagaanin ang trabaho ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ang 16,000 na bagong mga item ay bahagi ng 20,000 teaching positions na nabuo sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act (GAA). Sa inaasahang pagbubukas ng taong paaralan, nauna nang hiniling ng Kagawan ang pagpapatupad ng 80 porsyento (16,000) ng mga item mula sa DBM upang mapabilis ang recruitment at deployment ng mga ito.
Nagpahayag ng pasasalamat si Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara kay Pangulong Marcos sa kaniyang direktang utos na pagaanin ang sobra-sobrang gawain ng mga guro at sa DBM Secretary Amenah Pangandaman para sa mabilis at naaangkop na aksyon sa pagpapatupad ng mga bagong teaching items.
“Pinasasalamatan natin ang Pangulong Marcos sa kaniyang malinaw na utos na unahin ang ating mga guro at mag-aaral. Direktang sagot ito sa kaniyang panawagan na babaan ang class sizes at pagaanin ang trabaho ng mga guro sa mga paaralan,” ani Kalihim Angara.
“Pinasasalamatan din natin si Secretary Amenah Pangandaman at ang DBM sa mabilis na aksyon sa ating kahilingan. Sinisiguro ng kanilang suporta na magiging handa ang ating mga paaralan na mag-welcome ng marami pang guro bago magsimula ang klase,” dagdag niya.
Nakalaan din ang inisyal na 16,000 teaching positions na tugunan ang pangangailangan sa mga guro na may angkop na espesyalisasyon, partikular na sa kindergarten, elementary, at subject-specific areas sa junior at senior high school.
Upang masiguro na ang lahat ng mga bagong teaching position ay mapupunan sa katapusan ng third quarter, iniutos ng DepEd sa mga Schools Division Offices (SDOs) nito na agad simulan ang publikasyon, hiring, at appointment process pagkatanggap ng Notices of Organization, Staffing and Compensation Action (NOSCA) mula sa DBM regional offices.
Kasalukuyang nagaganap ang recruitment at assessment ng mga aplikante sa SDOs simula pa noong Enero ngayong taon, at ang mga dibisyon na may malalaking bilang ng mga aplikante ay pinayagan na ring simulan ang pagtanggap simula pa noong Oktubre 2024.
Sa pagdadagdag ng mga guro, layon ng Kagawaran na unti-unting pagbutihin ang teacher-student ratio at class sizes na mahahalagang salik sa pagpapabuti ng learning outcomes. Magpapatuloy ang DepEd sa pag-monitor ng pagpapatupad at bugso ng hiring nito sa lahat ng mga rehiyon upang masiguro na magpapatuloy ang appointments na walang antala.
Samantala, bilang suporta sa direktiba ng Pangulo na bawasan ang responsibilidad na walang kinalaman sa pagtuturo ng mga guro, pinuri din ng DBM ang pagpapalabas ng NOSCAs sa 10,000 Administrative Officer II (AO II) items. Ang hiring nitong mga non-teaching personnel ay magpapabuti sa administrative efficiency ng operasyon ng mga paaralan na magbibigay-daan sa mga guro na magpokus sa pagtuturo sa mga silid-aralan.
Hinimok ni Kalihim Angara ang lahat ng DepEd regional and division offices na mag-recruit nang mabilis at naaangkop, binigyang diin din niya na ang napapanahong deployment ng mga bagong hire ay mahalaga sa pagsisiguro ng tuloy-tuloy at epektibong pagbubukas ng klase.
Para sa mga gabay at updates sa pagpupuno sa mga posisyong ito, ang mga teacher-applicants sa new Registry of Qualified Applicants (RQA) para sa TA 2025-2026 ay pinapayuhang makipag-ugnayan sa kanilang local Schools Division Offices.
END