![]() ![]() ![]() ![]() |
VIGAN CITY, 21 May 2025 — Mula sa makasaysayang kalyeng bato ng lungsod, sentro ngayon ng pagtatanghal ng galing at talento ng mga kabataang Pilipino ang Ilocos Sur.
Higit 5,000 kabataang delegado mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang tinipon ng Department of Education (DepEd) para sa 2025 National Schools Press Conference (NSPC) at National Festival of Talents (NFOT). Sa loob ng isang linggo, magsisilbing entablado ang UNESCO World Heritage City para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipinong manunulat, artists, at innovators.
Ipapamalas ng 3,300 campus journalists at 2,200 student creatives na kalahok ang galing sa kani-kanilang larangan, na nakasentro sa panahon ng AI sa temang “Empowering Filipino Youth: Unleashing Potentials in Journalism and Creative Industries in the Era of Artificial Intelligence.”
“Definitely, this will be a showcase of the nation’s young talents and brilliant people,” ani Education Secretary Sonny Angara.
“Gusto po ni Pangulong Marcos ay walang naiiwan po sa ating sistema ng edukasyon. Kaya’t pino-promote po natin itong events at competitions para mahasa nang husto ang ating mga kabataan.”
Sa kanyang keynote speech sa pagbubukas ng programa, hinikayat ni multi-awarded broadcast journalist Jessica Soho ang mga estudyante na gamitin ang teknolohiya hindi lamang sa pagkukuwento kun’di sa pagbabahagi ng totoo at makabuluhang mga istorya.
“I-focus niyo rin ang inyong energy at mga camera sa mga isyu at problema sa komunidad o lipunan na kailangang pagtuunan din ng pansin, lalo na kung ang nakasalalay kaligtasan at kapakanan ng marami,” giit niya.
NSPC
Isinagawa kahapon, Mayo 20, ang karamihan sa mga kompetisyon ng NSPC—para sa individual at team events. Inaasahang matatapos ngayong araw ang TV Scriptwriting at Radio Broadcasting competition.
Nakatakda naman ngayong Mayo 22 ang Mobile Journalism exhibition, kasabay ng mga concurrent session sa Media and Information Literacy (MIL) at Artificial Intelligence in Journalism. Pangungunahan ito ng Presidential Communications Office (PCO) at ni Assistant Professor Vengie M. Ravelo ng Western Philippines University.
Noong nakaraang taon, itinanghal na kampeon ang Rehiyon XI (Davao Region) sa NSPC, na pumutol sa nine-year winning streak ng CALABARZON.
NFOT
Nagsimula na rin kahapon, Mayo 20, ang karamihan sa mga kompetisyon at exhibition ng NFOT sa larangan ng performing arts, lalo na sa Technology and Livelihood Education (TLE).
“The NFOT is about shaping a workforce ready for the future. DepEd will continue to push for the integration of future-ready skills like AI, coding, and digital innovation into the basic education curriculum, so our learners can meet the evolving demands of the global economy head-on,” ani Secretary Angara.
Nakamit ng Region IV-A (CALABARZON) ang kampeonato sa NFOT noong nakaraang taon.
Nakatakda idaos ang awarding at closing ceremony ng NSPC sa Mayo 23, Biyernes, habang ang NFOT ay gaganapin sa Mayo 22, Huwebes.
END