LAOAG CITY, 23 May 2025 — Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ang pormal na pagbubukas ng 65th Palarong Pambansa—ang pangunahing paligsahan ng pampaaralang palakasan sa bansa—sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium (FEMMS).

May temang “Nagkakaisang Kapuluan,” ang edisyon ng Palaro ngayong taon ay magtitipon ng 15,675 na mga delegado at opisyal mula sa 17 rehiyon, National Academy of Sports (NAS), Philippine Schools Overseas (PSO) at National Technical Working Group para sa isang linggong selebrasyon ng kahusayan sa palakasan, pamana ng kultura, at pride ng bansa.

Inaasahang pormal na ideklara ni Pangulong Marcos ang pagbubukas ng Palaro sa kanyang talumpati, kung saan bibigyang-diin ang papel ng kabataan at palakasan sa paghubog ng bansa.

Samantala, pangungunahan naman ni Olympic champion Hidilyn Diaz ang Oath of Coaches and Technical Officials, bilang paggunita sa kanyang unang pagganap bilang Technical Director ng Weightlifting event (demonstration sport) sa Palarong Pambansa.

Magsisimula ang Opening Ceremony sa “Parada ng mga Atleta” sa ganap na alas-5:00 ng hapon, tampok ang mga delegasyon mula sa iba’t ibang rehiyon, na pangungunahan ng drum and lyre corps at cheering squad ng mga mag-aaral sa kahabaan ng Rizal Street at Sirib Mile sa Laoag City.

Magbubukas ang pangunahing programa sa pagtatanghal na “Palakasan: Tales of Filipino Strength,” na hango sa mga kwento nina Lam-ang, ang Basi Revolt, at ang pamana ng Ilokanong Olympian na si Teofilo Yldefonso, bilang pagkilala sa mayamang kultura ng Ilocos Norte at sa mga pinahahalagahang katangiang Ilocano gaya ng tapang, katatagan, at bayanihan.

Ihahatid naman ni Gerick Jhon Flores, isang batang kilala sa baseball at record-holder sa ika-11 BFA U12 Asian Baseball Championship, ang Panunumpa ng mga Atleta sa ngalan ng libu-libong kabataang manlalaro.

Ang simbolikong pag-sindi ng Palarong Pambansa lightbeam ay pamumunuan ng mga tanyag na atleta mula sa mga nakaraang edisyon ng Palaro, SEA Games, at Paralympics — kabilang sina Jemmuelle James Espiritu (Archery), Mark Anthony Domingo (Athletics), Jesson Cid (Decathlon), Roger Tapia (Para-athletics), at Eric Ang (Trap Shooting).

Magbibigay-aliw din ang mang-aawit na Angeline Quinto sa kanyang rendisyon ng makabayang awiting “Ako ay Pilipino” at “Piliin Mo ang Pilipinas.”

Sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte, na pinamumunuan nina Governor Matthew M. Manotoc at Vice Governor Cecilia Araneta Marcos, at sa pakikipagtulungan ng Schools Division ng Ilocos Norte, ang Palarong Pambansa 2025 ay nakatakdang ganapin hanggang Mayo 31.

END