LAOAG CITY, Ilocos Norte, 26 Mayo 2025 — Pormal na binuksan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang 2025 Palarong Pambansa nitong Sabado sa kanyang home province na Ilocos Norte, kung saan kinilala niya ang higit 15,000 delegado at muling tiniyak ang suporta ng pamahalaan sa pagpapalakas ng sports sa mga paaralan at komunidad.

Kabilang sa mga delegado ngayong taon ang 9,719 atleta at para-atleta, 2,273 team officials, 2,564 delegation officials, at 1,204 technical officials at miyembro ng National Technical Working Group (NTWG).

Pinakamarami ang delegasyon mula sa Western Visayas (Region VI) na may 1,005 delegado, habang pinakamaliit naman ang delegasyon mula sa Philippine Schools Overseas (PSO) na may 14 delegado. Kasama rin sa mga kalahok ang 130 delegado mula sa National Academy of Sports (NAS).

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Pangulong Marcos ang sipag, disiplina, at tiyaga ng mga student-athlete sa pagbalanse ng pag-aaral at mahigpit na training.

“Hindi madali ang inyong pinagdaanan. ‘Yung oras na ipapahinga ninyo na lang dapat, eh gagamitin ninyo pa sa practice at saka sa training. Mag-aaral sa umaga, tapos ensayo sa hapon. Minsan kulang pa sa gamit o sa panggastos. Ngunit, wala sa inyo ang sumuko,” aniya.

Muling tiniyak ng Pangulo ang suporta ng pamahalaan sa grassroots sports development at nangakong tutulong para maabot ng mga kabataang atleta ang kanilang buong potensyal.

“Ang gobyerno ay laging nasa likod ninyo. Tutulungan namin kayong maabot ang inyong mga pangarap. Dahil ang panalo ninyo, panalo na rin namin,” dagdag niya.

Kinumpirma naman ni Education Secretary at Palarong Pambansa Board Chairperson Sonny Angara ang direktiba ng Pangulo at binigyang-diin ang pangangailangang ayusin at palawakin ang mga pasilidad sa palakasan, lalo na sa mga eskwelahang masikip at kapos sa kagamitan.

“Yung challenge for us, dahil sa ibang lugar, medyo masikip na ‘yung mga eskwelahan. Wala silang facilities for sports. Gusto natin mag-link up kahit sa mga clubs para palakasin ‘yung sports sa ating mga eskwelahan,” ani Angara.

Pinasalamatan din niya ang matibay na pagtutulungan ng mga stakeholder sa matagumpay na preparasyon at pagsasagawa ng Palaro.

“Talagang makikita natin dito ‘yung malasakit ng bawat isa—DepEd, LGU, local DepEd office, at siyempre po ‘yung main hosts natin dito sa Ilocos Norte,” dagdag pa niya.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga atleta na mangarap nang malaki at pagsikapang makamit ang pagkakataong katawanin ang bansa sa mga pandaigdigang kumpetisyon.

“Dito sa Palarong Pambansa, kayo naman ang kasali. Sa susunod, kayo na ang kinatawan ng Pilipinas sa Asian Games at saka sa Olympics,” aniya, sabay pagbanggit ng pag-asa na ang susunod na sports icons ng bansa ay maaaring naglalaro na sa taunang Palaro. “Malay natin dito sa mga kasama natin na ito mayroon diyan na lilitaw na Manny Pacquiao, na Hidilyn Diaz, na Carlos Yulo, na Aira Villegas, na Nesthy Petecio, na EJ Obiena, o Alex Eala.”

END