![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 28 Mayo 2025 – Inisyal na nakamtan ng Department of Education (DepEd) ang tagumpay ng Bawat Bata Makababasa Program (BBMP) na paunang inilunsad sa Zamboanga Peninsula, isang programang nakatuon sa pagtugon sa mababang antas ng kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa mababang baitang.
Ang BBMP ay tugon din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paghusayin ang kalidad ng edukasyon. “Napakahalaga na kilalanin ang malaking hamon na ito, tukuyin ang mga kinakailangang hakbang, at bigyang prayoridad ang pagpapatupad ng mga programa para sa pagkatuto,” ayon sa Pangulo sa kaniyang talumpati noong nilagdaan niya ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act noong nakaraang taon.
Inilunsad noong Mayo 8, ang 20-araw na programang ito ay nakatuon sa mga batang mula Grade 1-3 na hindi pa marunong bumasa. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng maikli, araw-araw na sessions sa pagbasa na tumutulong sa mga mag-aaral matutong kumilala ng tunog, umunawa ng binabasa, at magkaroon ng tiwala sa sarili.
“Sa BBMP, kitang-kita natin ang positibong resulta ng tuloy-tuloy na interbasyon at pakikipagtulungan ng komunidad, lalo na sa mga mag-aaral na pinaka nangangailangan,” ayon sa Kalihim ng Edukasyon, Sonny Angara.
Pagtutok sa mga last-mile na paaralan
Isa sa mga paaralang kasali sa pilot implementation ay ang Campo Uno Indigenous People Elementary School, isang last-mile school ng DepEd na tahanan ng mga mag-aaral mula sa Western Subanon Tribe. Ilan sa mga batang dati ay hirap sa pagbasa ay nakitaan na ng malaking pagbabago.
“Ngayon, palagi na akong [naka] i-smile. Palagi na akong naglalaro. Kasi marunong naman [na] ako magbasa,” ani Brittany, isang Grade 3 na mag-aaral.
Ayon kay Ginoong Edgard Pandalan, tribal leader, higit pa sa pagbabasa ang naiaambag ng programa.
“Ang mga programang tulad nito ay tumutulong sa mga bata mula sa aming tribu na mas maunawaan ang aming kultura. Nagbibigay rin ito ng patas na oportunidad sa buhay, lalo na sa aming mga mula sa malalayong lugar,” ani Pandalan sa lokal na wikang Subanon.
Mula sa hiya tungo sa kumpyansa
Sa isa pang pilot school, matatagpuan si Shammira, 8 taong gulang at incoming Grade 4. Siya ay nakaranas din ng malaking pagbabago dahil sa BBMP. Noon, hindi siya marunong bumasa at nahihiyang magsalita sa klase.
“Natatakot ako dati. [Kasi] hindi pa ako marunong magbasa,” kuwento ni Shammira.
Ngunit nagbago ito sa pamamagitan ng programa. Matapos ang ilang linggong tuloy-tuloy na pagbabasa at pagsagot sa workbook, nasabi niyang kaya na niyang bumasa ng Ingles at maging maiikling pangungusap.
“Dahil po sa program, kaya ko na pong magbasa ng English at short sentences,” ani niya.
Kinumpirma ng kaniyang guro na may malaking pag-unlad si Sham sa pagbasa, na iniuugnay sa sistematikong interbasyon at mga materyal na madaling gamitin para sa mga mag-aaral.
“Naikuwento rin sa akin ni Sham na masaya siya kasi ‘pag papasok siya sa school, nababasa na niya ‘yung mga nadadaanan niyang signages,” ani Dulce Canones, dating guro ni Sham at ngayon ay kaniyang tutor.
Pag-asa ng isang lola
Nakikita rin ang epekto ng programa sa buhay ni Inday, isang 52 taong gulang na school utility worker at mag-isang nag-aalaga sa kaniyang mga apo.
Kahit kapos sa kita, sinisiguro niyang nakakadalo araw-araw ang kaniyang mga apo sa BBMP reading sessions, umaasang maibibigay sa kanila ang oportunidad na hindi niya naranasan.
“Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral, pero gusto kong makatapos sila para mas maging handa sila sa buhay. Ngayon na natututo na silang bumasa, mas umaasa na ako sa magandang kinabukasan nila,” ani Inday sa wikang Bisaya.
Literasiya bilang kolektibong responsibilidad
Isa sa mga pangunahing katangian ng BBMP ay ang community-based design nito. Sa Region IX, halos 7,000 volunteer tutors ang na-mobilize upang magsagawa ng sessions gamit ang lesson guides at phonics-based workbooks na inihanda ng DepEd. Sa pamamagitan nito, nagagawa ng mga volunteers na magturo kahit hindi sila lisensyadong guro.
“Ang programang ito ay maituturing na matagumpay dahil hindi lamang mga guro ang sumusuporta, kundi pati na rin ang pamilya ng mga mag-aaral at maging lider sa komunidad. Kapag sabay-sabay ang suporta, mas lumalakas ang motibasyon nilang matuto,” ayon kay Angara.
Bahagi ng mas malawak na plano
Bagaman positibo ang paunang resulta ng BBMP, binibigyang-diin ng DepEd na bahagi lamang ito ng mas malawak na plano para sa pagbangon ng pagkatuto at edukasyon.
“Magiging mas epektibo pa ang BBMP kung isasabay ito sa iba pang mga programang tulad ng Literacy Remediation Program, Summer Academic Remedial Program, at 2025 Learning Camp. ‘Pag pinagsama-sama, bubuo sila ng isang komprehensibong estratehiya na makatutulong sa mga mag-aaral na matuto, hindi lang sa larangan ng edukasyon, kundi pati sa buhay,” ayon pa kay Angara.
Kasalukuyan, kinakalap ng DepEd ang mga performance data at field feedback upang mapabuti ang programa, at matukoy kung maaari itong palawakin sa buong bansa.
“Ang positibong resulta ng programa sa Region IX ay patunay na kapag ang pagbabasa ay naging responsibilidad ng buong komunidad, tunay na umuunlad ang mga mag-aaral. Utang natin sa bawat batang Pilipino na hindi sila basta nasa paaralan, kundi tunay na natututo,” ayon kay Angara.
END