LUNGSOD NG PASIG, Hunyo 3, 2025 — Umabot sa 57 percent ang naibawas sa trabaho ng mga guro na siyang nagbigay ginhawa sa lahat sa ilalim pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara alinsunod sa derektiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Ayon mismo sa karanasan ni Teacher Mark Anthony Asis ng Camarines Norte, ramdam ng lahat ng mga guro ang malaking kabawasan sa kanilang trabaho na magreresulta upang mapagbuti ang kalidad ng pagtuturo sa lahat ng Publikong paaralan sa bansa.

“Mas makakapag-focus ako sa pagtuturo at magagabayan ko nang maayos ang aking mga mag-aaral,” ani Asis. “Hindi ko na kailangang ubusin ang oras sa pag-aasikaso ng mga accomplishment para sa forms. Mas makakapaghanda ako sa leksyon at makakapagbigay ako ng mas maayos na feedback sa aking mga estudyante.”

Sa iba’t ibang panig ng bansa, ramdam na rin ng mga guro sa pampublikong paaralan ang matagal na nilang hinihiling—ang paggaan ng trabaho sa labas ng silid-aralan na dati’y sagabal sa kanilang pagtuturo.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 06, s. 2025, mula sa dating 174 na school forms, limang (5) forms na lamang ang kailangang regular na sagutan ng lahat ng guro. May 31 forms na laan para sa mga teacher ancillary tasks, at 39 para sa mga teaching related assignments —depende sa pinagkasunduang designation ng bawat guro batay sa DepEd Order No. 005, s. 2024.

“We’re clearing the runway so teachers can fly,” ani Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara. “Gusto natin na magkaugnay ang makabuluhang pagkatuto at kapakanan ng ating mga guro.”

“Binawasan natin ang pasanin ng mga guro. Binibigyan natin sila ng mas maraming oras, lakas, at puso para sa tunay na pagtuturo. Sa bawat gurong gumagaan ang trabaho, may batang mas natututo,” dagdag ni Sec. Angara.

Sa Iloilo City, dama na rin ni Gng. Jenalyn Trance ng Graciano Lopez Jaena Elementary School ang epekto ng pagbabagong ito.

“Mas maganda ang ugnayan at pagtutulungan naming mga guro,” sabi niya. “Mas marami kaming oras para magbahagi ng best practices at makilahok sa team teaching. Mas aktibo rin kami sa mga training at workshops para mapalawak ang aming kaalaman.”

Mula sa mas malinaw na feedback sa mga mag-aaral hanggang sa mas maayos na ugnayan ng mga guro, unti-unting nagbabago hindi lang ang paraan ng pagtuturo, kundi ang mismong pananaw ng mga guro tungkol sa kanilang propesyon.

“Nagiging mas innovative at flexible kami sa aming mga approach para manatiling epektibo ang pagtuturo at coaching kahit mas kaunti na ang kailangang forms,” dagdag ni Gng. Katherine Fajardo Santamaria ng Camarines Sur National High School.

Sa halip na puro compliance forms at checklists, oras ang ibinabalik sa mga guro—oras para magplano, maghanda, at higit sa lahat, magturo.

END