![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 4 Hunyo 2025 — Sa Oranbo Elementary School, ramdam ni Principal Dr. Victor M. Javeña ang pag-asa dahil sa tulong ng mga private partner na naglalayong gawing mas maayos at angkop ang paaralan para sa pag-aaral. Ito ay sumasalamin sa diwa ng bayanihan ng Brigada Eskwela (BE) 2025, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palakasin ang ugnayan ng gobyerno, pribadong sector, at mga komunidad.
Sa tulong ng partners, nakatakdang muling pinturahan ng paaralan ang tatlong gusali at palitan ang mga sirang doorknob at ilaw. Ayon kay Javeña, malaking tulong ito upang maging mas maliwanag, maayos, at handa ang mga silid-aralan sa pagbubukas ng klase.
“Malaki ang naitutulong sa ating paaralan ng Brigada Eskwela sapagkat dito lumalabas ang suporta ng iba’t ibang mga partners natin. Pero hindi lamang tuwing Brigada Eskwela kundi maging sa mga regular na araw ay katulong natin sila,” ani Principal Javeña.
Sa pagbubukas ng Taong Panuruan 2025–2026 sa Hunyo 16, nananawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga partner at volunteer mula sa lahat ng sektor na aktibong makilahok sa Brigada Eskwela ngayong taon. Sa temang “Sama-sama para sa Bayang Bumabasa,” binibigyang-diin ng BE 2025 ang kolektibong responsibilidad ng lahat ng stakeholder sa paghahanda ng mga paaralan at pagpapaunlad ng literasiya ng mga mag-aaral.
“Brigada Eskwela is more than just fixing the schools; it is a bayanihan movement,” Education ani Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara. “We invite all education champions and partners to join us not only in refurbishing classrooms but also in building supportive environments that empower every Filipino child to read.”
Sa Highway Hills Integrated School, nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si Principal Dr. Henry A. Sabidong sa matinding suporta ng kanilang mga partner ngayong taon. Mula sa donasyon ng mga school supplies hanggang sa pagtulong sa pagkukumpuni ng mga silid-aralan, malaking tulong ito sa pagtugon sa pangangailangan at pagpapabuti ng karanasan ng mga mag-aaral.
“Higit pa sa kagamitan, ang ibinabahagi natin ay isang maayos na environment at safe na classroom. Hindi ito natatapos sa Brigada Eskwela. Patuloy itong nararamdaman ng mga mag-aaral at komunidad, at nakikita nila na ang private sector ay katuwang namin sa pagbibigay ng edukasyon at sa pagbuo ng isang mabuting komunidad para sa mga mag-aaral,” sabi ni Principal Sabidong.
Kabilang sa mga pangunahing gawain sa Brigada Eskwela ang mga reading at storytelling sessions, paglilinis at pagkukumpuni ng paaralan, at pagsusuri sa kalusugan ng mga mag-aaral.
Hinihikayat din ng DepEd ang mga partner na makiisa sa iba’t ibang paraan, tulad ng pag-donate ng mga learning materials, school furniture at equipment, pagkain, health at hygiene kits, at iba pang mahahalagang supplies para sa mga mag-aaral at guro.
Inaanyayahan din ang mga volunteers na tumulong sa konstruksiyon ng silid-aralan, paglilinis, pagkukumpuni, mga reading sessions, advocacy campaigns, at mga environmental projects.
END