![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 5 Hunyo 2025 – Mas marami pang batang Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong makapasok sa Kindergarten sa pagpatupad ng rebisadong patakaran ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa admission, na epektibo sa darating na Taong Panuruan 2025–2026. Kaakibat ang inisyatibang ito sa vision ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa Bagong Pilipinas na naglalayong magkaroon ng mas inklusibo at learner-centered na sistema ng edukasyon.
Sa ilalim ng pinalawak na alituntunin, maaari nang mag-enroll sa Kindergarten ang mga batang maglilimang taong gulang sa o bago ang Oktubre 31 ng taong panuruan, pinalawig mula sa dating cut-off na Agosto 31. Layunin ng hakbang na ito na magbigay ng mas inklusibo at angkop sa pag-unlad na panahon ng pag-enroll, lalo na para sa mga pamilyang may mga anak na isinilang sa huling bahagi ng taon.
Para sa mga magulang tulad ni Ramil Bautista, pinagtitibay ng pagbabagong ito ang kanyang paniniwala na mahalaga ang maagang edukasyon upang mabigyan ng magandang simula ang mga bata.
“Naniniwala ako na nakakatulong ito sa pundasyon ng bata,” sabi ni Bautista, na mag-eenroll ng kanyang anak sa Bagong Ilog Elementary School sa Pasig. “Gusto kong mapalawig pa ang kaalaman ng anak ko sa pagbabasa, pagsusulat, pagbibilang, at sa magandang asal na magagamit niya sa araw-araw.”
Kuwalipikado para sa Kindergarten ang kanyang anak na si Noah, na magli-limang taong gulang ngayong Agosto, sa ilalim ng lumang patakaran at ng bagong polisiya. Ngunit para sa libu-libong bata na ipinanganak ng Setyembre at Oktubre, ang pinalawak na mga alituntunin ay nangangahulugang hindi na nila kailangang maghintay ng isa pang taon upang makapagsimula sa pormal na pag-aaral.
“Maraming hindi natin laging naituturo sa bahay na maituturo at maipapaliwanag ng mga guro na nagsisilbing pangalawang magulang sa ating mga anak,” paliwanag ni Ramil.
Samantala, maaari ring maging kuwalipikado ang mga batang magli-limang taong gulang sa pagitan ng Nobyembre 1 at Disyembre 31 kung nakatapos sila ng isang taon ng Early Childhood Development (ECD) program sa isang kinikilalang Child Development Center o Learning Center, o kung pumasa sila sa ECD checklist na isinasagawa sa panahon ng enrollment at sa unang linggo ng klase.
“This policy is rooted in our understanding that every child grows and learns at their own pace,” ani Education Secretary Sonny Angara. “By allowing more flexibility in the Kindergarten age requirement, we are making sure that each learner has the opportunity to start strong and succeed from day one.”
Kinakailangang sumunod din ang mga pribadong paaralan sa pinalawak na age cut-off, ngunit maaari silang magsagawa ng sariling readiness assessments bilang bahagi ng proseso ng pagtanggap.
Noong 2024, mahigit 1.8 milyong Kindergarten learners ang na-enroll sa buong bansa mula sa 26.4 milyong learners sa pampubliko at pribadong paaralan, kabilang na ang mga Philippine Schools Overseas.
Sa ilalim ng pinalawak na alituntunin, inaasahan ng DepEd ang pagtaas ng bilang ng mga mag-eenroll sa nationwide enrollment para sa mga pampublikong paaralan, na nakatakda mula Hunyo 9 hanggang 13, 2025, kasunod ng maagang pagpaparehistro nitong taon. Magsisimula ang klase para sa SY 2025-2026 sa Hunyo 16.
Para mabasa ang buong detalye ng na-update na patakaran sa Kindergarten cut-off age, bisitahin ang https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/DO_s2025_015.pdf
END