LUNGSOD NG PASIG, 10 Hunyo 2025 — Simula ngayong taon, makakatanggap na ang mga pampublikong guro at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) ng taunang medical allowance bilang bahagi ng pinalawak na suporta sa kalusugan mula sa administrasyong Marcos para sa mga kawani ng pamahalaan.

Alinsunod sa Executive Order No. 64, s. 2024 na nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. at ng Department of Budget and Management (DBM) Circular No. 2024-6, layon nito na bawasan ang gastusin sa pagpapagamot, palawakin ang access sa serbisyong medikal, at palakasin ang kalusugan at pagiging produktibo ng mga empleyado ng DepEd, lalo na sa mga lugar na salat sa serbisyo, malayo, o mataas ang panganib.

“Gaya ng binigyang-diin ni Pangulong Marcos, nais nating manatiling malusog ang ating mga guro at kawani nang hindi iniintindi ang bigat ng gastusin sa pagpapagamot,” ani Kalihim ng Edukasyon na si Sonny Angara.

“Paraan natin ito ng pagkilala sa kanilang sakripisyo. Sa tulong ng allowance na ito, hindi na nila kailangang mamili sa pagitan ng kalusugan at bayarin sa ospital,” dagdag pa niya.

Batay sa bagong labas na DepEd Order No. 16, s. 2025 o Guidelines on the Grant of Medical Allowance to the Department of Education Personnel, maaaring makuha ng mga kwalipikadong kawani ng DepEd ang benepisyo sa pamamagitan ng isa sa sumusunod na opsyon:

• Pagsali sa group HMO packages na binili ng DepEd,
• Pag-reimburse ng sariling medical o HMO expenses, o
• Diretsong cash payment sa pamamagitan ng payroll, para sa mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) o sa mga lugar na walang access sa HMO o tinanggihan ng HMO company ang kanilang aplikasyon.

Saklaw ng allowance ang mga permanent, co-terminus, fixed-term, casual, o contractual na empleyado basta’t nakapaglingkod sila ng hindi bababa sa anim na buwan sa loob ng taon. Hindi naman saklaw ang mga walang direktang employer-employee relationship sa DepEd tulad ng consultants, job order workers, apprentices, at student laborers.

Para sa mga empleyadong pipili ng indibidwal na paraan ng pag-avail, nilinaw ng DepEd na ang halagang nakalaan ay ipapadala sa pamamagitan ng payroll kahit hindi pa naisusumite ang mga resibo o iba pang kaukulang dokumento. Dagdag pa rito, anuman ang uri ng HMO-type na kanilang
pipiliin, makatatanggap pa rin ang mga kawani ng halagang P7,000.

Gayunpaman, ang hindi pagsusumite ng kinakailangang mga dokumento sa itinakdang panahon ay maaaring magresulta sa pagkaantala o pagpigil ng medical allowance para sa susunod na taon hanggang sa maisaayos ang mga obligasyon.

Ayon sa DepEd, inaasahan na ang inisyatibong ito ay makatutulong upang mabawasan ang absenteeism, mapataas ang morale ng mga kawani, at makapag-ambag sa mas matatag at epektibong pwersa ng pagtuturo, lalo na sa mga lugar na kulang sa serbisyo. Sa huli, ang hakbang na ito ay ganap na pagpapatupad ng itinakdang benepisyong pangkalusugan para sa mga guro sa ilalim ng Republic Act No. 4670 o mas kilala bilang Magna Carta for Public School Teachers.

END