LUNGSOD NG PASIG, 13 Hunyo 2025 — Sa mga paaralan sa buong bansa, abala na ang mga punong-guro at guro sa pagsaksak ng mga bagong Smart TV, pagpa-power on ng mga laptop, at pagbubuklat ng mga bagong aklat—ilang araw bago pormal na magsimula ang School Year 2025–2026 sa Hunyo 16.

Ang maagang pagdating ng mga kagamitang ito ay direktang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang edukasyong handa sa hinaharap.

Sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Sonny Angara, pinabilis ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng Early Procurement Activities (EPA), kaya’t libu-libong paaralan ang makakatanggap ng mga kinakailangang kagamitan ilang buwan bago ang takdang iskedyul. Bahagi ito ng mas malawak na hangaring i-modernisa ang pampublikong edukasyon na pinurii ng mga ng mga school heads at mga guro.

Para sa mga punong-guro tulad ni Jocelyn Reyes ng Pagalanggang Elementary School sa Bataan, higit pa ito sa karaniwang pagbabago sa sistema. Ang kanilang paaralan ay tumanggap ng 5 yunit ng Smart TV.

“It would be a great help sa ating mga mag-aaral, especially when it comes to reading. Napakalaking tulong po niyan talaga para mapabasa namin ang mga bata namin,” ani Reyes.

Ang programang ito ay bahagi ng FY 2025 EPA ng DepEd, kung saan 79% ng taunang pondo para sa Computerization Program na-iproseso na. Sa ngayon, 33,539 laptop para sa mga guro at 5,360 laptop para sa non-teaching personnel ang na-procure, at patuloy ang paghahatid mula sa mga nanalong supplier.

Bukod dito, halos 26,000 Smart TV packages na may kasamang external hard drives ang naiproseso na. Mahigit 2,300 yunit ang nakatakdang ipadala sa Region VII, habang nagpapatuloy ang procurement sa Regions IX at CAR. Sa NCR naman, 1,340 laptop ang nakatakdang ipamahagi sa 268 na paaralan mula Hunyo 16 hanggang 26.

Binigyang-diin ni Secretary Angara na ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay hindi lamang makikita sa mga bilang ng naprocure, kundi sa aktuwal na pagdating ng mga kagamitan sa mga silid-aralan, sa kamay ng mga guro, at sa abot ng mga mag-aaral.

“Hindi lang ito basta pag-deliver ng gamit, ito’y paghahatid ng oportunidad,” ani Angara. “Kapag dumadating na talaga sa mga paaralan ang mga kagamitan, doon natin nararamdaman ang tunay na pagbabago. Mas nagiging buhay ang pagkatuto, mas naaabot ng mga bata, at mas nakakagana para sa mga guro.”

Bukod sa mga kagamitang pang-teknolohiya, pinapabilis din ng DepEd ang pamamahagi ng mga aklat na naaayon sa revised K to 10 curriculum. 99% nang naprocure ang mga titulo para sa Grades 1, 4, at 7, habang malapit na sa kalahati ang progreso para sa Grades 2, 5, at 8. Ang mga aklat para sa Grades 6, 9, at 10 ay susunod sa kalaunan ngayong taon, na may planong distribusyon sa 2026.

Patuloy namang nakadepende ang mga paaralan sa malawak na hanay ng alternatibong learning resources gaya ng lesson exemplars, activity sheets, ADM modules, at mga decodable books sa mga Library Hubs. Magagamit rin ang mga digital content sa DepEd Learning Management System, Learning Resource Portal, at Likha App.

Ayon sa mga guro, ang maagang pagdeploy ng mga kagamitan ay may positibong epekto na sa kanilang mga klase. Para sa marami, ito ay nagsisilbing pagbabago mula sa pagiging reactive tungo sa mas planado at episyenteng pamamahala sa silid-aralan—isang mahalagang bahagi ng dekalidad na edukasyon.

“Sa ngayon, talagang nakikita namin ang pagbabago sa DepEd. At talagang nagpapasalamat kami, lalo na sa ating Secretary, kay Sec. Sonny Angara. Unti-unti, naiibabangon natin at naihahatid natin ‘yung tinatawag nating quality education para sa ating mga mag-aaral,” pahayag ni Principal Raffy Abilong ng Sta. Isabel Elementary School.

Habang papalapit ang pagbubukas ng bagong taong panuruan, ramdam na ramdam ang epekto ng maagang pamamahagi ng mga kagamitan, lalo na sa lumalakas na kumpiyansa ng mga pinuno at guro ng mga paaralan.

END