![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, Hunyo 14, 2025 — Mas madali at mas abot-kaya na ngayon ang pag-eenrol sa mga paaralan para sa basic education, matapos gawing mas simple ng Department of Education (DepEd) ang mga kinakailangang dokumento. Tugon ito sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na gawing mas mabilis, mas maayos, at mas inklusibo ang proseso ng enrollment, habang binabawasan din ang pasaning pinansyal ng mga pamilya.
Sa bagong patakaran, isang beses na lang kailangang magsumite ng birth certificate ng bata para sa buong K to 12 na edukasyon.
“Narinig natin mula sa mga magulang na ang enrollment ay kadalasang nagkakaproblema dahil sa mga dokumento—lalo na kung nawawala, naantala, o kailangang iproseso muli,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara. “Sa pagbabagong ito, nakakatipid ng oras at pera ang mga pamilya. Ang mas mahalaga, hindi na mapag-iiwanan ang mga bata sa unang araw ng klase dahil lang sa papeles.”
Sa ilalim ng binagong patakaran, kailangang magsumite ang mga magulang o tagapag-alaga ng orihinal o certified true copy ng PSA/NSO-issued na birth certificate ng mag-aaral. Kung wala pa ito sa panahon ng enrollment, maaaring magsumite muna ng secondary documents hanggang Oktubre 31, ngunit kailangang ipasa agad ang birth certificate kapag ito ay naging available na.
Tatanggapin ng Kagawaran ang mga sumusunod na secondary documents: National ID o iba pang pangunahing government-issued ID, Certificate of Live Birth, Marriage Certificate, PhilHealth ID, PWD ID, Barangay Certification, Affidavit of Undertaking na pirmado ng magulang, NSO/PSA-issued Certificate of Foundling, at Baptismal Certificate.
Para sa mga espesyal na kaso tulad ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) at mga nasa rehabilitation facilities na naka-enroll sa ALS, maaari silang magsumite ng sertipikasyon o patunay ng pagkakakilanlan sa kanilang ALS teacher.
Ayon sa DepEd, maaaring magsagawa ng enrollment sa personal o sa remote na paraan. Ang mga magulang o tagapag-alaga ay maaaring magsumite ng Basic Education Enrollment Form (BEEF) at kaukulang dokumento sa paaralan. Ang mga mag-aaral ay maaaring magpatala ng kanilang sarili kung sila ay nasa legal na edad, habang ang mga menor de edad ay dapat magpasa ng kanilang enrollment form na pinirmahan ng isang magulang o legal na tagapag-alaga.
Para sa remote enrollment, maaaring magsumite ng digital forms sa pamamagitan ng email o messaging platforms, o ihulog ang mga form sa mga drop boxes na itinalaga sa mga paaralan, barangay halls, o iba pang collection points. Available ang digital at printed na kopya ng form sa opisyal na website ng DepEd, Learner Information System (LIS) Support page, mga paaralan, barangay, at iba pang itinalagang lugar.
Maaaring tanggapin naman ang mga late enrollees basta’t makakapasok sila ng hindi bababa sa 80% ng kabuuang bilang ng araw ng pasok at makapasa sa quarterly requirements. Kung hindi, maaaring magdesisyon ang school head na tanggapin pa rin ang estudyante at magbigay ng mga interbensyon para makahabol.
Muli ring ipinaalala ng DepEd na ang records ng mag-aaral ay kailangang direktang ilipat mula sa pinanggalingang paaralan patungo sa lilipatang paaralan.
Gayundin, walang boluntaryong bayarin ang kokolektahin sa panahon ng early registration at enrollment period.
Dahil sa mga pinasimpleng alituntunin, inaasahan ng DepEd na mas maraming mag-aaral ang makakapagpatala ngayong taon sa lahat ng baitang sa mga pampublikong paaralan sa nationwide registration period nitong Hunyo 9 hanggang 13, 2025. Magsisimula ang klase para sa Taong Panuruan 2025-2026 sa Hunyo 16, 2025.
Para sa maayos na simula ng taong panuruan, hinihikayat ng DepEd ang mga magulang na samantalahin ang pinadaling proseso ng enrollment at iparehistro agad ang kanilang mga anak.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang DepEd Order No. 017, s. 2025 na pinamagatang Revised Basic Education Enrollment Policy dito:
(https://www.deped.gov.ph/2025/06/13/june-13-2025-do-017-s-2025-revised-basic-education-enrollment-policy/)
END