LUNGSOD NG MAYNILA, 16 Hunyo 2025 – Pormal na binuksan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang School Year 2025–2026 sa Epifanio Delos Santos Elementary School (EDSES) sa Malate, Maynila ngayong Lunes, habang itinampok ng Department of Education (DepEd) ang mga pangunahing reporma ng administrasyon sa edukasyon.

“Ang buong pamahalaan, lalo na basta sa edukasyon, lahat ng mga departamento, mula DOH, DSWD, DTI, DOTr, PNP, DICT, hanggang sa Office of the President, ay nakabantay sa inyong lahat para tiyakin na lahat ng mga pangangailangan lalong lalo ng mga kabataan ay mapaabot naming,” ani President Marcos sa kanyang virtual interaction kasama ang mga school heads sa iba’t ibang dako ng bansa.

Ipinatupad ng DepEd, sa direktiba ni Pangulong Marcos, ang mga repormang sumusuporta sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral. Kabilang dito ang pagpapaikli at pagpapadali ng proseso ng enrollment, pagbibigay ng libreng health assessment sa mga mag-aaral, maagang pamamahagi ng laptops, smart TVs, at digital tools sa mga paaralan, pagtaas ng medical at teaching allowances ng mga guro, pagdagdag ng mga bagong guro at administrative staff, at pagsasaayos ng kanilang workload. Isasagawa rin ngayong taon ang pilot implementation ng strengthened senior high school curriculum upang mas mapaghanda ang mga estudyante para sa kolehiyo at trabaho.

“Malaking pasasalamat natin kay Pangulong Marcos sa mga repormang agad niyang itinulak para sa edukasyon. Mas mararamdaman ito ng ating ng mga guro at mag-aaral ngayong balik-eskwela. Kasama na dyan ang ang dagdag-suporta, kagamitan, at mga polisiyang nagpapagaan sa araw-araw nilang karanasan sa paaralan,” Education Secretary Sonny Angara said.

Binisita ni Pangulong Marcos ang EDSES, isa sa mga pinakamatandang pampublikong elementarya sa Maynila, kasama sina Secretary Angara, mga opisyal ng DepEd, at mga kawani ng paaralan. Nakasama sa kanyang aktibidad ang pagbabasa kasama ang mga Grade 1 learners, pagtanggap ng briefing sa mga safety system ng paaralan, at online na pakikipag-ugnayan sa piling paaralan mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Tinutukan ng gobyerno ang pagkakaroon ng ligtas, maayos, at handang mga paaralan para sa mahigit 27 milyong mag-aaral na inaasahang papasok ngayong taon sa halos 48,000 pampubliko at 12,000 pribadong paaralan sa buong bansa.

Ipinatupad din ng DepEd ang pagbabalik sa June school opening matapos pakinggan ang panawagan ng mga guro, magulang, at mag-aaral na iwasan ang aberya sa klase dulot ng matinding init o ulan, at maibalik ang tuloy-tuloy na takbo ng taon ng pag-aaral.

Naging maayos at tuloy tuloy ang pagbubukas ng klase sa iba’t ibang rehiyon dahil sa ilang linggong paghahanda ng mga guro, LGU, at partners sa ilalim ng Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela ng DepEd. Sama-samang nag-ayos ng silid-aralan, naglinis ng kampus, at tumugon sa mga isyung teknikal ang mga volunteers mula sa iba’t ibang sektor para sa pagbubukas ng klase.

Para kay Secretary Angara, naging magaan ang unang araw ng klase dahil sa bayanihan.

“Alam nating mahirap ang paghahanda, pero mas maayos ang pasukan ngayong taon dahil sa tulong-tulong na kilos ng lahat—ni Pangulong Marcos, guro, magulang, LGU, at mga ahensya. Sobrang laki ng naitulong ng Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela,” sabi ni Angara.

Tumulong rin ang mga ahensyang pambansa at lokal tulad ng DILG, DOH, PNP, NDRRMC, PAGASA, DICT, Meralco, MWSS, DOE, NTC, DOTr, MMDA, PCO, DTI, DSWD, at DPWH —mula sa trapiko at kuryente hanggang sa kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante.

Samantala, sa Oplan Balik Eskwela Public Assistance Command Center nakatanggap ang DepEd ng 1,690 na concerns mula sa mga magulang, estudyante, at kawani ng paaralan as of June 14. Sa bilang na ito, 1,406 ang agad na naresolba. Karamihan sa mga issue ay kaugnay sa enrollment at school records—mga isyung mas mabilis nang naaksyunan dahil sa mas pinasimpleng enrollment process ng ahensya.

Magpapatuloy ang DepEd sa pagbabantay ng pasukan sa tulong ng mga field command centers para masigurong may agarang tugon sa mga pangangailangan ng mga paaralan. Patuloy rin ang pangako ng kagawaran, sa tulong ng mga stakeholder, na palakasin ang kalidad at pagpapatuloy ng edukasyon para sa bawat batang Pilipino.

END­­