LUNGSOD NG PASIG, 17 Hunyo 2025 – NAGING maayos at mapayapa ang pagbubukas ng klase sa buong bansa na pinangunahan mismo nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara.

Sa direktiba ng Pangulo, naging maayos ang ugnayan ng lahat ng national agencies sa pangunguna ng DepEd upang maging matiwasay, mas maginhawa ang milyon milyong mga estudyante na balik eskuwela sa bansa.

“Lahat ng departamento ng pamahalaan ay naka-converge dito, sama-samang nagtutulungan. Gawan natin ng paraan para mabawasan ang gastos ng mga magulang, masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga bata, at gawing accessible ang edukasyon sa lahat,” ani Pangulong Marcos sa kanyang pagbisita sa Epifanio Delos Santos Elementary School sa Maynila noong Lunes.

Nagkaroon din ng inter-agency meeting sa pangunguna ni DepEd Secretary Sonny Angara nitong Martes para matiyak na nakatutok ang iba’t ibang ahensya sa pagsuporta at pagbibigay solusyon sa mga problema sa edukasyon, ayon sa bilin na rin ng Pangulo.

Sa DepEd, sa ilalim ni Secretary Sonny Angara, nag deliver ng mas maaga ng laptops para sa mga guro at non-teaching personnel, smart TVs para sa mga classroom, at textbooks para sa mga estudyante sa buong bansa. Nagsagawa rin ang DepEd ng Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela kasama ang mga partner agency at komunidad para siguraduhing handa ang mga paaralan sa School Year 2025–2026.

Para naman makatulong sa gastusin ng mga magulang, inilunsad ng Department of Trade and Industry at DepEd ang Balik-Eskwela Diskwento Caravan sa Maynila. Sa pangunguna ni DTI Secretary Cris Roque, nagbenta ang mga supplier ng school supplies gaya ng notebook, bag, uniform, at lapis sa mas murang presyo direkta sa mga komunidad.

Bukod sa affordability, sentro rin ngayong taon ang kalusugan at kaligtasan. Nagbigay ang Department of Health (DOH) ng “Bawat Bata Malusog” packages sa 83 paaralan sa buong bansa. Kasama sa mga ito ang first aid kits, blood pressure monitor, timbangan, disaster-readiness tools, at self-care kits para sa teachers. Giit ni DOH Secretary Ted Herbosa, mahalagang ituring ang mga paaralan bilang espasyo ng kalusugan para sa kabataan at mga guro alinsunod sa Universal Health Care Law.

Nag-inspeksyon din mismo si PNP Chief General Nicolas D. Torre III sa mga paaralan sa Quezon City sa unang araw ng klase. Nag-deploy ang PNP ng mga pulis sa paligid ng eskwelahan para tiyaking ligtas ang mga estudyante, maayos ang trapiko, at walang aberyang makakaapekto sa pag-aaral. Malugod itong tinanggap ng mga magulang at guro bilang patunay ng community support.

Naglatag rin ng libreng internet ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Tibagan Elementary School sa Bulacan. Kasama ni Pangulong Marcos sina DICT Secretary Henry Aguda, DepEd Secretary Sonny Angara, at PCO Secretary Jay Ruiz sa pag-check ng digital readiness ng mga classroom. Bahagi ito ng layunin ng administrasyon na palawakin ang digital access sa public schools.

Samantala, mas naging maayos at ligtas ang byahe ng mga estudyante dahil sa handang-handa na ang mga mass transport lines. Sa utos ni Pangulong Marcos, nagpatrolya ang MRT-3 at PCG K-9 units sa mga istasyon para tiyaking secure at maayos ang biyahe ng mga pasaherong estudyante.

Kumilos rin ang ibang ahensya sa likod ng mga eksena. Ayos ang trapiko at school infrastructure sa tulong ng DPWH at MMDA, habang local coordination naman ang pinangunahan ng DILG at mga LGU. Sinigurado ng DOE, MERALCO, MWSS, NTC, at PCO na may kuryente, tubig, koneksyon, at sapat na public information ang mga eskwelahan.

Ayon kay Secretary Angara, susi sa tagumpay ng pagbubukas ng klase ngayong taon ang pagtutulungan.

“Hindi lamang responsibilidad ng iisang sektor ang edukasyon. Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, ang DepEd ay kumikilos nang sama-sama—kasama ang mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at ang buong komunidad—para sa kinabukasan ng kabataan,” ani Angara.

Sa pangunguna ni Pangulong Marcos, pinapakita ng gobyerno ang mas malalim na pagkalinga sa edukasyon, hindi lang sa mga eskwelahan, kundi sa bawat batang Pilipino.

END­­