LUNGSOD NG QUEZON, 18 Hunyo 2025 — Pinamamadali ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pag sasaayos at konstruksiyon ng bagong gusaling paaralan na nasunog isang araw bago ang pagbubukas ng klase.

Personal na binisita ng Pangulo kasama si Education Secretary Sonny Angara ang San Francisco High School (SFHS) na ang isa sa gusaling paaralan ay nasunog noong June 15, 2025, isang araw bago ang pagbubukas ng klase sa buong bansa.

Agad inatasan ni PBBM ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad umpisahan ang konstruksiyon ng nasunog na gusaling paaralan upang hindi maapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante.

Pinuri naman ng Pangulo ang maayos na ugnayan ng DepEd, lokal na pamahalaan at pribadong sektor para sa mabilis na pagtugon sa krisis.

Katuwang si Education Secretary Sonny Angara, inutos ni Pangulong Marcos ang mabilis na pagsasaayos ng paaralan upang masigurong ligtas at maayos ang pagbabalik ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.

“I have already instructed [DPWH] na tingnan nila and how soon we can rebuild it. We will continue to make sure that the children are able to attend class, teachers have what they want. Yung mga nasirang gamit, we will replace it,” ani ng Pangulo.

“Hindi po biro ang mawalan ng silid-aralan ilang araw bago ang pasukan, pero ramdam ng mga guro at magulang na hindi sila nag-iisa. The President’s hands-on approach reminds us that recovery is faster when national leadership listens, acts, and stands with our schools,” ani Kalihim Angara.

Bago pa man ang pagbisita ng Pangulo, agad nang rumesponde ang iba’t ibang partner mula sa pampubliko at pribadong sektor. Naghatid na ng 140 armchairs ang SC Johnson, bahagi ng kabuuang 400 na ipinangakong silya. Nagbigay naman ng pintura, toilet fixtures, at manpower ang San Francisco High School Alumni Association at Barangay Sto. Cristo.

Nagpadala rin ng tauhan at suplay ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa pamamagitan ng kanilang Sanitation at Engineering Offices. Nagbahagi ng mga sobrang upuan ang mga kalapit na pampublikong paaralan, habang naglabas ng paunang ₱100,000 tulong pinansyal ang Schools Division Office ng Quezon City. Nakikipag-ugnayan din ang DepEd sa Philippine Statistics Authority at SM Foundation para sa karagdagang suporta.

Naganap ang sunog noong Hunyo 15 bandang 10:45 ng umaga at tuluyang nasunog ang Dao Building, isang Imelda-type structure na itinayo noong 1985. Sampung silid-aralan ang naapektuhan. Tinatayang ₱3 milyon ang halaga ng pinsala na nakaapekto sa humigit- kumulang 720 estudyante ng junior high school. Kabilang sa mga nasira ay mga armchair, mesa ng guro, bentilador, ilaw, computer set ng Panitikan Club, at halos 150 bundle ng mga learning material.

Tiniyak naman ng DepEd na magpapatuloy ang klase. Inilipat pansamantala ang mga estudyante sa DepEd Building A na may 12 silid-aralan na pansamantalang nilisan ng Schools Division Office. Papalitan din ang mga nasirang learning material, mga upuan at bentilador katuwang ang mga local partners.

“Lubos din po ang pasasalamat namin sa lahat ng tumulong mula sa pribadong sektor, lokal na pamahalaan, alumni, at mga kalapit na paaralan. Sa gitna ng sunog, ang maaaring maging malaking abala ay naging kwento ng bayanihan,” dagdag ni Kalihim Angara.

Inirekomenda na rin ng DepEd ang pagpapatayo ng bagong gusali na may 20 silid-aralan upang palitan ang nasunog na Dao Building at maibsan ang kakulangan sa silid-aralan sa paaralan.

Sa higit 7,300 na enrollees at halos 330 na guro at kawani, isa ang San Francisco High School sa pinakamalalaking pampublikong paaralan sa QC.

END