LUNGSOD NG QUEZON, Hunyo 19, 2025 — Ramdam na ngayon ng mga guro at estudyante sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang matatag at maasahan na serbisyo ng internet na siyang itinaguyod mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa Salamanca National High School, isang Last Mile School sa Ginatilan, Cebu, ibinahagi ni Teacher Rowena Signuit kung paano binago ng internet ang paraan ng pagtuturo at pagkatuto—mas mabilis na ang lessons, mas madali ang research, at muling nabuhay ang pag-asa sa loob ng silid-aralan.

Naikwento mismo ni Teacher Rowena ang epekto ng internet connectivity kina Pangulong Marcos, Education Secretary Sonny Angara, at ICT Secretary Henry Aguda sa isang virtual na dayalogo kasama ang mga school head, guro, at estudyante mula sa mga bagong konektadong paaralan sa buong bansa.

“Maraming salamat po sa ibinigay na free WiFi for all! We’re very happy and thankful po sa mga free WiFi dahil nagkaroon kami ng pag-asa,” ani Teacher Rowena.

Nararamdaman na rin ang ganitong pagbabago sa mas malalayong komunidad sa Pilipinas, sa tulong ng Digital Bayanihan—isang joint project ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd), bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Marcos para sa mas inklusibong digital transformation sa edukasyon.

Kabilang sa mga Last Mile Schools na konektado na ngayon sa internet ang:

  • Radagan Elementary School, Ilocos Norte (Region I)
  • Chanarian Elementary School, Batanes (Region II)
  • Tibagan Elementary School, Bulacan (Region III)
  • Caigdal National High School, Quezon (Region IV-A)
  • Ulanguan Elementary School, Marinduque (Region IV-B)
  • Lipata Integrated School, Camarines Sur (Region V)
  • Bay-ang National High School, Iloilo (Region VI)
  • Salamanca National High School, Cebu (Region VII)
  • Tigbawan Integrated School, Leyte (Region VIII)
  • Pag-asa Elementary School, Tawi-Tawi (Region IX)
  • Dalingap Elementary School, Misamis Occidental (Region X)
  • Malungon Elementary School, North Cotabato (Region XII)
  • Cabawa Elementary School, Surigao del Norte (Region XIII)
  • Datu Saldong Domino Elementary School, Agusan del Norte (Region XIII)
  • Tangalan National High School, Apayao (CAR)

Dati-rati, hirap o walang koneksyon ang mga paaralang ito. Pero ngayon, bahagi na sila ng lumalawak na digital network na itinataguyod ng administrasyong Marcos sa ilalim ng Bagong Pilipinas vision.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng proyektong ito:

“Marami talagang magagawa kapag may internet na. Pararamihin pa namin ito, especially sa GIDA areas—yung mga isolated at underserved.”

Samantala, nakiisa rin sa virtual dialogue si Secretary Angara habang binibisita niya nang personal ang Datu Saldong Domino Elementary School sa Agusan del Norte. Ayon sa direktiba ng Pangulo na unahin ang mga paaralang matagal nang napag-iiwanan, napailawan na ang paaralan gamit ang solar panels sa tulong ng National Electrification Administration (NEA).

Nakatanggap din ang eskwelahan ng Starlink unit, tablets, Smart TVs, electric fans, at iba pang school supplies sa tulong ng NEA at FDC Misamis Power Corporation.

Ayon kay Secretary Angara, patunay ito ng puwedeng mangyari kapag nagsama-sama ang gobyerno, pribadong sektor, at lokal na komunidad para sa edukasyon.

“Ito ang digital bayanihan in action. Kapag kinokonekta natin ang mga paaralan, kinokonekta rin natin ang mga estudyante sa mas magandang kinabukasan.”

Nangako rin ang DICT, sa pamumuno ni Secretary Aguda, na magkakaroon ng internet ang lahat ng public schools sa buong bansa bago matapos ang 2025.

Sa tulong ng Free Public Internet Access Program ng DICT, Bayanihan SIM, at patuloy na infrastructure rollout, kasabay ng digitalization efforts ng DepEd, unti-unti nang nagiging realidad ang mga pangarap ng bawat batang Pilipino.

Mula sa mga burol ng Apayao hanggang sa kabundukan ng Agusan, umiikot na ang kilusang Digital Bayanihan—para tuldukan ang digital divide, sindihan ang mga silid-aralan, at dalhin ang pag-asa sa bawat batang Pilipino.

END