LUNGSOD NG QUEZON, 20 Hunyo 2025 — Libreng serbisyong medikal ang agarang maibibigay sa lahat ng mga guro at estudyante sa buong bansa kaugnay ng inilunsad na CLASS + (Clinic for Learners Access to School-Health Service plus).

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nais ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos jr. na bigyan ng prayoridad ang edukasyon at kalusugan ng mga mag aaral sa buong bansa.

Dahil dito tinatayang mahigit sa 400 estudyante at guro ng Esteban Abada Elementary School ang agad na nabigyang ng libreng serbisyong medikal mula sa mga doctor at nurses.

Ang programang ito ay inilunsad ng Department of Education (DepEd) katuwang ang Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

“Binibigyang-prioridad talaga ni Pangulong Marcos ang edukasyon at kalusugan ng mga mag-aaral,” ani Education Secretary Sonny Angara. “Ang maganda ngayon, magkatuwang ang DepEd, DOH, PhilHealth, at mga local government unit sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan ngayong school opening week. Sama-sama ang lahat upang matiyak na naaalagaan ang kalusugan ng ating mga anak at mga guro.”

Ginawang access point ang mga school clinic sa ilalim ng CLASS+ para makapaghatid ng Konsulta Package ng PhilHealth. Dito, puwedeng magpatingin ang mga estudyante at guro, magpa-laboratory test, kumuha ng libreng gamot, at humingi ng health counseling. Kapag kinakailangan, irerefer sila sa partner hospitals o Konsulta providers para sa karagdagang gamutan.

Pinalalawak din ng CLASS+ ang naunang programang Learners’ Health Assessment and Screening (LHAS) ng DepEd sa ilalim ng Oplan Kalusugan sa DepEd, na ipatutupad sa lahat ng pampublikong paaralan ngayong taon. Sasailalim lahat ng mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 12 sa komprehensibong health assessments — kabilang ang general checkups, pagsusuri sa nutrisyon, dental checkups, at mental health screenings — sa unang mga linggo ng klase. Layunin nito na maagapan ang mga problema sa kalusugan bago ito makaapekto sa pagkatuto.

Nagsimula na rin ang mga paaralan, sa pamamagitan ng Brigada Eskwela, na bumuo ng master list ng learners at tingnan ang kanilang PhilHealth registration status. Isinailalim ang mga batang nasa Kinder hanggang Grade 6 sa nutritional assessment — kasama ang sukat ng taas, timbang, at batay sa pamantayan ng WHO — mula sa unang linggo ng klase hanggang ikatlong linggo, upang magsilbing gabay sa school-based feeding programs.

Nakatakda namang simulan sa Hulyo ang general physical exams at dental screening, kasabay ng OK sa DepEd – One Health Week. Isasagawa ang mental health screening mula Agosto hanggang Disyembre gamit ang age-appropriate tools tulad ng Children and Adolescents Risk Screener (CARS) at Rapid HEEADSSS (Home, Education/Employment, Eating, Activities, Drugs, Sexuality, Suicide/Depression, and Safety) para sa mga kabataang may edad 10–19.

Upang mapanatili ang programang ito, bubuo ang DepEd ng isang School Health Package base sa health data mula sa mga assessment. Layunin nito na maging mas angkop ang mga serbisyo sa aktuwal na pangangailangan ng mga estudyante, maisaayos ang mga referral sa ospital o Konsulta providers, at magsilbing gabay sa mga susunod na plano sa edukasyon at kalusugan.

Sa tulong ng CLASS+ at LHAS, pinagtitibay ng pamahalaan ang pangako nito na isang whole-of-government approach para sa edukasyon at pampublikong kalusugan.

Higit pa sa mga polisiya at pakikipag-ugnayan, makikita ang tunay na epekto nito sa ginhawa ng mga magulang, ngiti ng mga batang masigla, at sa kaalamang ang bawat batang Pilipino ay alaga sa mga paaralan.

END