BUENAVISTA, AGUSAN DEL NORTE, Hunyo 21, 2025 — Dumadaloy na ang pag-asa sa kuryente at internet sa Sitio Tagpangi, Brgy. Simbalan, matapos pasinayaan ang solar-powered energization ng Datu Saldong Domino Elementary School, ang kauna-unahang paaralan na benepisyaryo ng ₱1.295-bilyong Last Mile Electrification Program ng administrasyong Marcos.

Ngayon, nakapagbasa na nang maayos ang mga batang Lumad at nakapagturo na nang mas epektibo ang mga guro ng Higaonon community, gamit ang sapat na ilaw, gadgets, at internet.

Pinangunahan ng Department of Education (DepEd) at National Electrification Administration (NEA) ang inagurasyon noong Hunyo 19. Dinala nila ang solar power, Starlink internet, at digital learning devices sa Tagpangi.

Personal na nilusong ni Education Secretary Sonny Angara at ng kanyang team ang lugar—tumawid ng dalawang ilog at binagtas ang bulubunduking kalsada—para saksihan ang pagbabagong dala ng programa.

Sa live na pakikipag-usap kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mula sa Quezon City, nagbigay-ulat si Secretary Angara tungkol sa progreso ng proyekto.

“IP school po ito. Ngayong Lunes lang sila nagka-kuryente, salamat sa mabilis na aksyon ng NEA at DOE,” ani Sec. Angara. “This is the first school. After the successful launch, they will roll out simultaneously.”

Nagpasalamat din si Agusan del Norte Governor Angelica Amante sa Pangulo at sa mga ahensya na naghatid ng proyekto sa mga liblib na komunidad gaya ng Sitio Tagpangi.

“Ang mga bata dito mula sa Higaonon tribe. Noon, ayaw nilang pumasok. Pero ngayon, excited na sila,” ani Gov. Amante.

Pinasiguro ni Pangulong Marcos na tuloy-tuloy ang programa para sa lahat ng 295 paaralan sa ilalim ng nationwide digital at educational transformation.

“Maganda yung bago ninyong laruan. Sulitin niyo ‘yan. Mas marami pa tayong idadagdag lalo na sa mga GIDA,” sabi ng Pangulo.

Ipinangako ni NEA Administrator Antonio Mariano Almeda na makukumpleto ang rollout ngayong taon. “Nangako ako kay Sec. Sonny—tapusin natin lahat ng 295 Last Mile Schools ngayong taon.”

Pinagtibay ng Memorandum of Agreement noong Pebrero 5, 2025 ang partnership ng NEA at DepEd, kung saan DepEd ang naglaan ng pondo at NEA kasama ang Agusan del Norte Electric Cooperative, Inc. (ANECO) ang tumutok sa on-site implementation.

Bukod sa paaralan, nabenepisyuhan din ng solar installation ang komunidad.

Habang nagpapatuloy ang pagtutulungan ng DepEd, DOE, NEA, at mga local cooperative, patunay ang Datu Saldong Domino Elementary School na nagsisimula ang tunay na pagbabago sa mga lugar na pinaka-nangangailangan. Sa Sitio Tagpangi, hindi lang kuryente ang dumating—kundi kinabukasang may ilaw, signal, at bagong pag-asa.

END