![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 24 Hunyo 2025 — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara na agad bibigyan ng dagliang solusyon ang mga lumang problema sa mga paaralan na nararanasan ng mga mag aaral at guro.
Si Pangulong Marcos Jr. kasama si Sec. Angara ay bumisita sa mga paaralan tulad sa Bulacan at Quezon City at personal nilang nalaman ang mga pangunahing pangangailangan sa mga paaralan na nangangailangan ng agarang solusyon tulad ng suplay ng kuryente at tubig na importanteng serbisyo sa mga mag aaral.
“Tinitingnan natin na may kuryente lahat, may tubig lahat. ‘Yun ang mga basic services na makita natin para naman maging maayos ang pag-aaral ng ating kabataan,” ani Pangulong Marcos.
Nag-inspeksyon din si Kalihim Angara sa mga paaralan sa Taguig City, Laguna, at Agusan del Norte, kabilang na ang pagbibigay-kuryente sa Datu Saldong Elementary School sa tulong ng National Electrification Administration (NEA) at local government unit.
“There are only 46 students, pero meron silang problema sa absences because children are distracted. Pero noong kinabit nila ang kuryente noong Lunes, ayaw na umuwi ng mga bata. It just shows that if we can engage our students, we can really do a lot for our people,” kuwento ni Angara.
Pinangunahan din ng Kalihim ang pagbubukas ng bagong Alternative Learning System–Community Learning Center (ALS-CLC) sa Buenavista, Agusan del Norte, bilang patunay sa paninindigan ng DepEd sa edukasyong bukas para sa lahat—kasama na ang mga nasa labas ng formal school system.
Sa buong bansa, iniulat ng DepEd na naging payapa at organisado ang pagbubukas ng klase, matapos ang malawakang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, regional offices, at mga katuwang na ahensya. Isa sa mga bagong programang inilunsad ngayong taon ay ang CLASS+ (Clinics for Learners’ Access to School-health Services Plus) na nagbibigay ng direktang access sa mga serbisyong pangkalusugan para sa mga guro at mag-aaral.
Mga repormang isinusulong
Pero aminado ang DepEd na marami pa ring kailangang tugunan sa sektor ng edukasyon. Sa Naic, Cavite, may humigit-kumulang 1,800 estudyante pa rin ang nagkaklase sa mga makeshift classrooms dahil sa kakulangan sa espasyo. Sa Eastern Visayas at iba pang rehiyon, kulang pa rin sa licensed guidance counselors kaya hirap tugunan ang bullying at mental health concerns. Sa Bulacan, Pampanga, at Pangasinan, paulit-ulit ang pagbaha na sumisira sa gamit at nakakaantala sa klase.
Bilang tugon, nakikipagtulungan ang DepEd sa pribadong sektor upang makapagtayo ng mahigit 15,000 bagong silid-aralan bago matapos ang 2027. Ang mga bagong school building ay idinisenyo para makasabay sa mga kalamidad—tulad ng multi-storey buildings na may open ground floors para hindi pasukin ng baha.
Para sa kaligtasan at kabutihan ng mga bata, pinalalakas din ang mga Child Protection Committees at kumukuha ng mas maraming School Counselor Associates at Division Counselors. Ayon kay Angara, mahalaga na ngayon sa education policy ang mental health.
Bukod pa rito, saklaw na ng pinalawak na School-Based Feeding Program ang lahat ng 1.4 milyong kindergarten learners—mas mataas sa 360,000 na sakop lamang noong nakaraang taon.
Kumpirmado rin ng DepEd na napunan na ang 884,790 teaching positions sa mga pampublikong paaralan hanggang Hunyo 15, para masigurong sapat ang guro ngayong balik-face-to-face classes. Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), tapos na rin ang pag-apruba ng 20,000 bagong teaching items para sa 2025 na hiningi ng DepEd.
“Education is not just about opening schools,” ani Angara. “It’s about making sure that every classroom is equipped, every teacher supported, and every child given a real chance to learn. That means confronting these issues head-on—flooding, congestion, mental health, access—and working with everyone to solve them.”
Ngayong nagsimula na ang pasukan, tiniyak ng DepEd na bibilisan pa nito ang pagpapatupad ng mga reporma at ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang makamit hindi lang isang matagumpay na pagbubukas ng taon, kundi isang edukasyong tunay na tumutugon sa pangangailangan ng bawat mag-aaral.
END