LUNGSOD NG PASIG, 25 Hunyo 2025 — Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na makikinabang ang lahat ng mga paaralan sa bansa kaugnay ng pag aapruba sa dalawampung libong posisyon ng guro.

Ito ay kaugnay ng pagnanais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas mapalawak ang kabuuang sistema ng edukasyon sa bansa.

Inanunsiyo ni Sec. Angara na aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa 20,000 teaching positions na tiyak na makalatulong upang mapagbuti ang kalidad ng edukasyon.

Ipapamahagi sa lahat ng rehiyon ang mga posisyon, kabilang ang Teacher I, Special Needs Education Teacher (SNET), at Special Science Teacher I. Batay sa updated na direktoryo ng paaralan, datos ng enrollment, at mga validated na kakulangan sa guro, mapupunta ang pinakamalaking alokasyon sa Region IV-A na may 2,655 na posisyon, kasunod ng Region III na may 2,152, at Region VII na may 1,774.

 “Sa 20,000 bagong teaching items, may 20,000 bagong pagkakataon para maabot ang mas maraming learners, maibsan ang bigat ng trabaho ng mga existing teachers, at mapaganda ang learning delivery sa field,” ani Education Secretary Sonny Angara. “Hindi lang ito tungkol sa dami. Ang mahalaga, mas marami ang buong pusong magseserbisyo para batang Pilipino.”

Nabuksan ang 20,000 bagong posisyon sa panahon na aktibong pinapabilis ng DepEd ang deployment ng mga guro. Sa loob ng walong buwan, nabawasan ng Kagawaran ang mga unfilled position mula 72,964 noong Agosto 2024 hanggang 38,862 noong Abril 2025. Ngayon, nasa 96.03% ang national filling rate ng mga posisyon, isang malaking pagtaas mula sa 94.78% noong 2022.

Upang mapabilis ang deployment, direktang ipinapadalan ng mga DBM Regional Offices ang mga Notice of Organization, Staffing, and Classification Action (NOSCAs) sa mga Schools Division Offices (SDOs) para sa mga posisyon sa Kindergarten, Elementarya, at Senior High School (SHS), at sa mga Implementing Units (IUs) para sa Junior High School (JHS).

Sa pamamagitan ng NOSCAs, mabilis na maisasagawa ang mga appointment batay sa readily-available na Comparative Assessment Result – Registry of Qualified Applicants (CAR- RQA) na inihanda para sa kasalukuyang taong-panuruan.

“Bawat bakanteng posisyon ay sayang na oportunidad para sa mga bata. Kaya ginagawa namin ang lahat para ma-close ang gap na ’to. Hindi lang sa mabilis na hiring, kundi sa mas maayos at matalinong pag-deploy,” dagdag pa ni Sec. Angara.

Patuloy na nagpapabuti sa kapakanan at kapasidad ng mga guro ang mas malawak na reporma ng DepEd. Kasama sa mga repormang ito ang pagtaas ng taunang Teaching Allowance sa ₱10,000, pagpapadali ng mga patakaran sa workload, pagpapasimple ng mga form, at pagpapalakas ng mga oportunidad sa promosyon sa pamamagitan ng pinalawak na Career Progression System.

Sa pag-apruba sa 20,000 posisyon at sa patuloy na deployment, nakatakdang magkaroon ng mas matatag na presensya ng mga guro, mas pinahusay na paghahatid ng pagkatuto, at isang mas pantay-pantay na sistema ng edukasyon sa Taong-Panuruan 2025-2026.

END