![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 27 Hunyo 2025 —Lubos ang kagalakan ngayon ng mga guro at iba pang kawani ng Department of Education dahil sa hindi naantala kundi ay sakto sa takdang araw na dumating ang laptops at iba pang kagamitan sa mga paaralan kaugnay ng 2025 DepEd Computerization Program (DCP).
Ito ay bunga na rin ng maagap at mabilis na procurement sa mga kagamitan na dagliang itinulak ni Education Secretary Sonny Angara batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa mas episyenteng paghahatid ng nasabing kagamitan sa pag aaral.
Pinatunayan ni Zambales School Superintendent William Roderick Fallorin na sa mga nakaraang taon ay laging huli sa takdang oras ang pag-deliver ng digital tools para sa mga eskuwelahan na halos hindi na mapakinabangan, pero sa ngayon ay kabaliktaran ang nangyari dahil sakto sa takdang panahon.
“Kung matatandaan niyo, late na dumarating yung mga laptops natin, yung DCP packages natin. Usually, by the time na dumating sa mga schools, hindi na 100% functional tapos yung iba parang hindi na masyado magamit,” aniya.
Para sa DCP 2025, nag-procure ang DepEd ng 33,539 laptops para sa mga guro, kung saan 9,466 na units ang naipamahagi na. May karagdagang 5,360 laptops para sa mga non- teaching personnel, at 3,255 dito ang naideliver na. Samantalang para sa Smart TV packages, 25,949 units na may kasamang external hard drives ang na-procure, at 6,634 units dito ang naipamahagi na rin.
Pagsapit ng ikalawang quarter ng 2025, humigit-kumulang 79% ng budget para sa DCP 2025 ang na-award na, patunay ng malaking lead time ng programa. Dahil sa EPA, mas maaga ang pagsisimula ng distribution kaysa dati, na naging susi para maiwasan ang mga dating pagkaantala na humahadlang sa epektibong paggamit ng digital tools sa klase.
“Malaking bagay yung early procurement,” diin ni SDS Fallorin, na nangangasiwa sa halos 300 pampublikong paaralan. “Malaking bagay na nag-Early Procurement tayo. Wala pang budget, nagpprocure na tayo, by the time na maapprove ang GAA, iaaward na lang siya. So by the time na mai-award, yung distribution, sunod-sunod na.. Dati kasi, hindi natin nagagawa ‘yun. Nai-stuck pa sa warehouses.”
Kinilala rin niya ang maayos na implementasyon ngayong taon sa matibay na pamumuno: “Malaking bagay na pinush talaga ng Administration ni Sec. Sonny ngayon yung Early Procurement Activities natin sa DepEd. Parang ngayon talaga yung matinding emphasis diyan. Napabilis ng husto yung proseso.”
“Unlike now, kung maagang, timely, yung dating sa mga teachers, maeenjoy nila yung peak performance nung mismong device,” aniya. “So kung ang shelf life niya ay two years, talagang buong two years, magagamit niya doon sa laptop. Unlike before, mukha siyang bago pero yung shelf life na lang niya, maikli na lang. Magagamit na lang ng teacher, sandaling-sandali na.”
Binigyang-diin din ni SDS Fallorin na mahalaga ang ganitong reporma lalo na sa mga probinsyang kapos sa pondo. “Gusto namin bigyan teachers natin dito ng laptop sa Zambales pero hindi kaya ng pondo ng gobyerno. Pero dahil nandito na, mabilis na, magagawa na ng mga teachers yung mga trabaho nila ng mas maayos kasi nandito na yung mga equipment nila.”
Nagpaabot rin siya ng pasasalamat sa ngalan ng mga field personnel: “To our DepEd family, especially in the Central Office—thank you for pushing EPA. Nandito kami sa field para tumulong.”
Ang pagpapatupad ng maagang procurement sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ay nagsisiguro na hindi na kailangang maghintay pa ng kalagitnaan ng taon ang mga guro sa pampublikong paaralan para sa kanilang mga kagamitan sa pagtuturo. Isa itong hakbang patungo sa bagong yugto ng kahandaan, mas mataas na performance, at learner-centered delivery sa education system ng Pilipinas.
END