![]() ![]() ![]() ![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 2 Hulyo 2025 — INIHAYAG ni Education Secretary Sonny Angara na naging matagumpay at mabisa sa mga mag-aaral ang inilunsad na feeding component ng kanilang reading programs.
Batay ito sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paglulunsad ng Bawat Bata Makakabasa Program (BBMP) at National Learning Camp (NLC) at napatunayang may malaking positibong epekto sa mga bata ang suporta sa pagkain at nutrisyon na naging susi sa mabilis na pagkatuto at focus sa pag-aaral.
“Ang pagkain ay hindi lang insentibo, ito ay pundasyon ng pagkatuto,” ani Education Secretary Sonny Angara. “Kapag may lakas ang katawan, mas handa ang bata sa pagbabasa, pakikinig, at pag-unawa.”
Naitala ng BBMP ang 80.83% average attendance para sa mahigit kumulang 70,000 benepisyaryo sa loob ng limang linggo. Sa mga paaralang may sistema ng pagbibigay ng meryenda at gantimpala para sa pagdalo, mas kaunti ang bilang ng mga tumigil at mas mataas ang partisipasyon ng mga mag-aaral. May ilang paaralan ding nagsagawa ng home visitation at flexible learning para sa mga batang madalas lumiban dahil sa kakulangan sa nutrisyon.
Ayon sa resulta, tumaas ng 32.85% ang Grade 3 learners na nakakabasa sa antas na naaayon sa kanilang baitang sa Filipino, at 26.04% sa English. Bumaba rin nang malaki ang bilang ng mga tinuturing na “Low Emerging” readers sa BBMP.
Samantala, sa ilalim ng National Learning Camp (NLC), mahigit 1.13 milyong mag-aaral mula sa 157 school divisions ang nakatanggap ng 15-araw na intervention na nakatuon sa Reading at Mathematics. Sa buong tagal ng programa, nabigyan ng hot meals at masustansyang food products ang lahat ng lumahok na learners, para matiyak ang tuloy-tuloy na pagpasok at kahandaan sa pag-aaral.
Mula sa mga ulat ng rehiyon, lumitaw na ang food support, mula sa meryenda sa eskwelahan, hanggang sa tulong mula sa mga LGU, ay nakatulong para mapanatili ang attendance at moral ng mga bata. Sa ilang lugar, tumulong ang LGU sa pamamahagi ng pagkain, habang ang mga school officials naman ay isinama ang feeding sa kanilang araw-araw na klase.
Pinasalamatan din ng DepEd ang lumalaking suporta mula sa private sector. Ilang kumpanya, foundations, at civic organizations ang nagbigay ng tulong tulad ng meryenda, hygiene kits, at learning materials sa tulong ng mga local DepEd offices.
Malinaw sa DepEd na mahalaga ang pagsasama ng nutrisyon at edukasyon, isang mahalagang direksyon sa ilalim ng pangunahing adbokasiya ni Pangulong Marcos para sa basic education.
“Sa bawat batang natutong bumasa dahil busog ang tiyan at buo ang suporta, doon natin tunay na makikita ang saysay ng edukasyon, may malasakit at may pagkalinga,” ani Angara.
END