LUNGSOD NG PASIG, 3 Hulyo 2025 — Pinalawak pa ni Education Secretary Sonny Angara ang Gulayan sa Paaralan Program (GPP) na naglalayong mapagbuti ang tamang nutrisyon sa mga mag aaral sa buong bansa.

Batay na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na matiyak ang tamang nutrisyon sa mga mag aaral at ipinailalim din sa programa ang dagdag kaalaman ng mga bata sa kalusugan at masustansiyang pagkain.

Ayon kay Sec. Angara, aabot sa 44,965 na paaralan ngayon school year ang bahagi ng GPP na tumaas ng 50.6 percent kumpara sa taong 2022-2023.

Malaking bahagi ang ginagampanan ng GPP sa pagpapatatag ng taunang School-Based Feeding Program (SBFP) ng ahensya, sa pamamagitan ng sariwang mga gulay na tanim mismo sa paaralan. Bukod sa nutrisyong hatid nito sa mga mag-aaral, pinalalalim din ng programa ang kaalaman ng mga bata tungkol sa kalusugan at masustansyang pagkain.

“Tuloy-tuloy ang aming pagsisikap para matulungan ang mga batang kulang o sobra sa timbang na maabot ang tamang nutrisyon,” ani Naomi Tito, punong-guro ng Culandanum Elementary School sa Palawan. Ayon sa kanya, ang programa ay naging daan para mas mapalakas ang pagtutulungan ng mga guro, magulang, at lokal na sektor sa pagtatayo at pagpapanatili ng mga gulayan sa paaralan.

Sa tulong ng pondo mula sa local school resources at SBFP, nabibigyang-kakayahan ang mga paaralan na magtanim ng sariwa at organikong gulay na direktang naihahain sa mga pagkain ng mga bata. Nagsisilbi rin ang mga gulayan bilang open-air classrooms kung saan natututo ang mga mag-aaral ng agrikultura, pangangalaga sa kalikasan, at pagiging sapat sa pagkain.

“Kapag natuto ang mga bata kung saan nanggagaling ang pagkain nila at paano ito pinapalaki, mas naeengganyo silang kumain nang masustansya,” ani Secretary Angara. “Hindi lang ito tungkol sa gulay. Disiplina, pagtutulungan, at malasakit sa kalikasan at kapwa ang tinuturo natin dito.”

Sa 2025, tinatayang 94% ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang may aktibong garden interventions. Mula ₱10 milyon noong 2021, umabot na sa ₱20 milyon ang budget ng GPP noong 2024, at inaasahang tataas pa sa ₱21.8 milyon sa 2025—patunay ng patuloy na suporta ng kagawaran sa pagpapalawak ng programa.

Farm Schools

Katuwang ng GPP ang pinalawak na pagpapatupad ng mga Farm School, isang adhikain ni dating Senador Ed Angara na naisakatuparan sa bisa ng Republic Act No. 10618.

Sa ngayon, mayroong 152 na farm schools sa apat na rehiyon sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Sonny Angara. Layunin ng mga paaralang ito na turuan ang mga kabataan, lalo na sa mga kanayunan, ng praktikal na kaalaman sa agrikultura, technical skills, at pagnenegosyo.

Muling ding nanawagan si Angara ng mas malaking suporta at pondo para sa farm schools, dahil mahalaga umano ang papel ng mga ito sa paghahanda ng mga kabataang Pilipino sa larangan ng agrikultura at agribusiness—mga sektor na sentro sa layunin ni Pangulong Marcos para magkaroon ng sapat na pagkain at mas matatag na ekonomiya.

Mananatiling tapat ang DepEd sa layunin nitong ihanda ang bawat mag-aaral hindi lamang sa pamamagitan ng kaalaman, kundi pati na rin sa kalusugan at mga kasanayang makatutulong sa kanilang kinabukasan.

END