![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 8 Hulyo 2025 — Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na magpapatuloy ang paglawak ng suporta sa pang kalusugan at pangkaligtasan sa lahat ng paaralan sa buong bansa.
Sinabi ni Sec. Angara na sa inisyatibong ito mula sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., magkakatuwang ang Healthy Learning Institutions (HLI) ng Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH) at mga lokal na pamahalaan, guro, mag-aaral at buong kumunidad upang maging matagumpay ito.
Sa Taguiporo Elementary School sa Bantay, Ilocos Sur, isang Last Mile School na dating may two-star lang sa sanitation at kulang sa serbisyo pangkalusugan, ramdam na ang programa. Kasama ito ngayon sa 38 “Outstanding” Last Mile Schools matapos makatanggap ng ₱100,000 grant. Naitayo ang mga bagong palikuran para sa lalaki, babae, at PWD; pinalawak ang feeding program, dental at mental health services; at sinimulan ang isang likod-paaralang gulayan na ngayon ay tumutulong magpakain sa mga bata at pamilya.
“Dati, marami sa mga bata ang may sakit at laging umaabsent,” ayon kay Principal Teresita Peredo. “Pero ngayon, mas healthy, mas masaya, at mas involved na rin ang mga parents.”
Bahagi ito ng mahigit 1,500 success stories mula sa mga paaralan sa ilalim ng OK sa DepEd–HLI program na sinimulan noong 2022. Alinsunod ito sa Joint Administrative Order No. 2022-0001 na nilagdaan ng DepEd, DOH, CHED, DILG, DSWD, TESDA, at LEB, bilang pagsunod sa Universal Health Care Act.
Itinatakda ng inisyatiba ang malinaw na pamantayan sa six pillars of school health and well-being, gamit ang self-appraisal system para masukat ang implementasyon. Noong 2024, ipinakilala ang three-tier recognition system kung saan kinikilala ang mga paaralan bilang ‘Satisfactory,’ ‘Very Satisfactory,’ o ‘Outstanding’ batay sa porsyento ng kanilang pagsunod sa itinakdang pamantayan.
Sa ngayon, mahigit 1,300 Last Mile Schools na ang nakatanggap ng teknikal at pinansyal na suporta mula sa DOH para sa hygiene facilities, mental health training, at iba pa.
Ngayong Hulyo 14–15, itutuloy ng DepEd at DOH ang national onboarding sessions para sa mga school heads at health coordinators. Kasama rito ang pagpapalaganap ng mga tools tulad ng School Self-Appraisal Checklist at “Map of Materials” para sa health promotion.
Kasabay nito, inaasahan na ring ilalabas ngayong taon ang opisyal na DepEd Order na mag-iinstitutionalize sa HLI framework. Saklaw nito ang formal na pagpapatupad ng 3-star rating system at pagsasama ng HLI standards sa Learner Support Framework ng ahensya.
“Hindi lang dapat ligtas sa sakuna ang paaralan. Dapat ligtas din sa gutom, sa sakit, at sa kawalan ng suporta. Sa Healthy Learning Institutions program, tinitiyak nating may sapat na kaalaman, kalusugan, at malasakit sa bawat silid-aralan,” ani Education Secretary Sonny Angara.
Kabilang sa mga nakapilang karagdagang hakbang ang DOH-DepEd-DILG joint guidelines para sa reproductive at mental health services sa paaralan, at mga patakaran para sa emergency response sa mga outbreak.
“Sa pagkilala ng mga Kampeon ng Kalusugan sa Paaralan, iisa lang ang hangad ng DOH: ang mga paaralan ay maging sentro rin ng kalusugan. Ang edukasyon at kalusugan ay magkaugnay. Kaya naman, makakaasa na kaagapay ng Department of Health ang DepEd upang tiyaking malusog, hindi lamang ang mga mag-aaral, pati na rin ang mga school personnel. Ang DepEd ang bahala sa pasilidad ng paaralan. Kami, sa DOH, ang maghahatid ng mga serbisyong Pangkalusugan dito ngayon at bukas ito para sa lahat,” ani Health Secretary Teodoro Herbosa.
Sa simpleng mga pagbabago, malalim ang naging epekto. Sabi ni Ma’am Peredo, “Makikita mo sa ngiti ng mga bata ang tagumpay.”
Sa ilalim ng HLI, sama-samang inaalagaan ng paaralan, gobyerno, at komunidad ang kalusugan bilang pundasyon ng mas matatag na edukasyon.
END


