LUNGSOD NG MAKATI, 11 Hulyo 2025 — Siniguro ni Education Secretary Sonny Angara na maayos at nagagamit nang tama ang Special Education Fund (SEF) upang mapagbuti pa ang kalagayan ng mga mag aaral sa lahat ng paaralan sa bansa.

Sinabi ni Sec. Angara na tugma ito sa layunin ni Pangulong Bongbong Marcos na magkaroon ng malaking pagbabago sa lahat ng pampublikong paaralan.

Hinikayat ni Sec. Angara ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na lalo pang bigyan ng suporta ang kanilang SEF na malaking tulong sa kaunlaran sa kalidad ng edukasyon.

“Siguraduhin natin na matalino nating nagagamit ang SEF dahil kailangan ng mas marami pang suporta para sa edukasyon. Unti-unti, nakikita natin yung effort ng ating LGUs, hindi lang para i-utilize ang pondo kundi para gamitin ito sa paghatid ng tunay na pagbabago sa ating mga mag-aaral,” pahayag ni Secretary Angara.

Sa Angeles City, Pampanga, mas aktibo na ngayon sa pag-aaral ang mga mag-aaral ng Governor Rafael Lazatin Integrated School matapos buksan ngayong taon ang dalawang modernong computer laboratories sa ilalim ng ICT Modernization Program ng lungsod. Layunin ng proyekto na mapabuti ang student-to-computer ratio at mapabuti ang kalidad ng digital learning. Ito na ang ika-16 na ICT facility sa lungsod na naitayo gamit ang SEF.

Ang bawat laboratoryo ay may 40 computer units, fiber optic internet, smart TV, printer, aircon, lamesa, at upuan na nagbibigay ng mas maayos na kapaligiran para sa digital learning environment.

“Dahil sa mas mabilis na computers, maaasahang internet, at interactive learning platforms, mas aktibo at may kumpiyansa na ang mga estudyante sa pag-develop ng kanilang digital skills at critical thinking,” ani Principal Ma. Luina Rivera.

Simula nang ilunsad ang programa, pito na ang pampublikong paaralang napagkalooban ng ICT facilities kabilang ang Angeles City National High School, Angeles City National Trade School, Northville 15 Integrated School, Governor Rafael L. Lazatin Integrated School, Malabanias Integrated School, Rafael Lazatin Memorial High School, at Sapangbato National High School.

Sa General Trias City, Cavite, inilunsad ang programang “Every Day is Teachers’ Day,” isang wellness program ng LGU at Schools Division Office (SDO), na nagbibigay ng libreng Annual Physical Examination (APE) para sa lahat ng teaching at non-teaching personnel. Simula noong Pebrero 2025, pinalawak pa ang benepisyo nito kasama ang discount sa consultation fees, laboratory tests, at mga emergency services.

Samantala, sa Valenzuela City, sumailalim sa libreng vision screening ang mga mag-aaral ng Marulas Central Elementary School at nabigyan ng libreng salamin sa mata sa ilalim ng programang “Batang Valenzuelano, Batang MATAlinaw.” Layunin nito na maagapan ang mga problema sa paningin ng mga bata upang mas maging epektibo ang kanilang pagkatuto.

“Mas nakakapag-focus ang mga bata at mas mabilis silang matuto. Bilang school head, napakalaking tulong nito hindi lang sa performance ng mga mag-aaral kundi pati na rin sa buong paralan,” sabi ni Principal Josie Fernando.

Patuloy ang panawagan ng DepEd sa mga LGU na gamitin ang SEF sa mga paraang tumutugon sa tunay na pangangailangan ng komunidad at umaasa na mas marami pang LGU ang susunod upang maghatid ng pagbabago sa edukasyon.

END