LUNGSOD NG MAKATI, 17 Hulyo 2025 — Nais ng Department of Education (DepEd) na palakasin ang pakikipagtulungan nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at local government units (LGUs) para makapagpatayo ng mas maraming access roads papunta sa mga pampublikong paaralan, lalo na sa mga liblib at mahirap marating na lugar.

Tugma ito sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang access sa mahahalagang serbisyo sa pamamagitan ng makabuluhang imprastruktura, at sinusuportahan din nito ang mas malawak na layunin ng DepEd na alisin ang mga hadlang sa pag-aaral.

Sa isang pormal na panukala sa DPWH, iminungkahi ng DepEd na maisama sa mga plano at budget ng ahensya ang paggawa ng mga kalsadang papunta sa mga paaralang walang maayos na daan, lalo na sa mga bagong tayong eskwelahan.

Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng inisyatibo, batay sa kanyang mga naging pagbisita sa mga last mile schools sa Mindanao.

“Noong pumunta kami sa Buenavista, Agusan del Norte, nakita natin ang realidad. May mga estudyanteng kailangang tumawid ng ilog at umakyat ng bundok para lang makapasok sa paaralan. Hindi puwedeng puro classrooms lang ang itatayo natin kung wala namang daan papunta roon,” ani Angara.

“Kung may farm-to-market road, dapat may road-to-school din,” dagdag pa niya.

Ipinunto rin ng DepEd ang matagumpay na mga partnership ng DPWH sa ibang ahensya, tulad ng Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) kasama ang Department of Tourism (DOT), ang Farm-to-Market Road Development Program (FMRDP) ng Department of Agriculture (DA), at ang Roads Leveraging Linkages of Industry and Trade (ROLL-IT) kasama ang Department of Trade and Industry (DTI)—bilang patunay ng epektibong interagency coordination.

Bilang suporta sa panukalang ito, isinusulong ng DepEd ang isang special provision sa FY 2026 Basic Education Facilities Fund (BEFF) na nagsasaad na dapat lahat ng bagong tayong paaralan ay may katumbas na access road. Kapag wala pa, agad na isasama ito ng DPWH at ng mga LGU sa kanilang programa.

Ayon sa DepEd, handa itong makipagtulungan sa DPWH at mga lokal na pamahalaan para matukoy ang mga prayoridad na lugar at matiyak na walang paaralan at estudyanteng maiiwan.

END